Miyerkules, Mayo 30, 2012

Pinagsabunan


Nasa labas si Janelle ng nirerentahan nilang bahay, naglalaba ng mga panty niya’t bra.

Narinig niyang bumukas ang pinto, lumakas ang kabog sa dibdib niya. Inilipat niya agad sa ikalawang batya ang huling panty. Tapos na siyang magsabon.

Dumaan si Andoy, naka-rubber shoes at pantalong maong, bitbit ang travelling bag.

Tatlong taon din silang magka-live-in ni Andoy, at nitong huling taon, linggo-linggo, nag-aaway sila— tungkol sa mga nagti-text ditong babae, sa kaopisina niyang lalaki, sa pag-inom-inom nito, sa pagsama niya sa mga kaibigan niya. Kagabi, nagsabi itong maghiwalay na sila. Nagulat siya, magdamag na umiyak. Pero hindi siya nag-sorry. At hindi niya ito pinigilan.

Ibinuhos niya ang pinagsabunan, at nakita niyang gumapang sa sahig ang puro bulang tubig na parang maliliit na holen, tangay-tangay ang tatlong taon nilang pagsasama at ang kanyang mga pangarap.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento