Martes, Nobyembre 29, 2011

Kilala Pa Sana Ako ng Punong Akasya




Tanggap ko na ang katotohanang
hindi na ako 'yong batang
umuupo sa unanong bangko
habang naghuhukay o gumuguhit ng kung ano-ano
sa malambot, buhaghag na lupa
hindi na ako 'yong batang nilulunod sa dura
mga langgam na nagpuprusisyon sa iyong paanan
tangay ang pakpak o binti ng kung anong insekto
papasok sa yungib sa iyong talampakan.

Hindi na ako 'yong batang nagtatanong sa ama
kung bakit pag gabi, nakatiklop
mga dahon ng akasya
dahil ngayo’y alam ko nang
gaya ng tao’t puso, kailangan din nilang magpahinga.

Siguro nga, hindi na ako 'yong batang
ilang ulit na nagtangka kang akyatin
kaya’t nagkasugat-sugat, braso at hita
hindi na 'yong nangungulit sa kanyang ama
na maglagay ng bahay-kubo
sa ibabaw ng iyong mga sanga
siguro nga hindi na ako 'yon, 'yong batang
handang maglupasay, magngangalngal
sa iyong paanan
huwag lang di isama ng mga magulang
sa malayo-layo ring handaan.

Dahil dito, dahil sa mga ito
maaring hindi mo na ako kilala
sapagkat iba na'ng hilatsa ng aking mukha
iba na'ng takbo ng aking pag-iisip
iba na'ng mga larawan sa aking panaginip
iba na'ng kislap sa itim ng aking mga mata
at marami na akong bitbit na mga alaala
idagdag pang sabi ng mga pilosopo
walang sinomang makatatapak sa isang ilog
nang dalawang ulit.

Malamang nga, hindi mo na ako kilala
ngunit magkagayon pa man
gusto ko pa ring umasa
handa pa rin akong bumalik sa aming likod-bahay
umupo doon sa unanong bangko
ilapat ang madalas mangalay na balikat
sa malapad mong katawan
at hintayin ang ilalaglag mong dahon
sa aking mga palad
umaasang sa pagpapalitan man lang natin ng hininga
sa akin man lang ngiti, gawi, tinig at titig
makilala mo ako.
Dahil kung ikaw na naghintay diyan ng ilang dekada
ay hindi na ako makikilala
hinding-hindi na ako dapat pang umasang
makikilala ako
ng mga taong nagpaalam sa akin
at nagsabing magkikita-kita kami ulit.






Linggo, Nobyembre 27, 2011

Batang Nakangiti’t Nakadamit na Pula



Alam mo, sabi ko sa batang lalaking
nakadamit na pula, namumurok ang pisngi
nakatitig, nakangiti sa akin
mapalad ka, mapalad na mapalad ka
dahil ikaw, sa paglulupasay sa sahig
o paghuhumiyaw
o saglit na di pagkibo
nakukuha mo na’ng gusto mo
bahaghari man, ulan o bukang-liwayway.
Kaya mong laruin ang buhay
sa mumunti mong mga kamay
sapagkat binigyan ng kapangyarihan
ng buhay, ng lipunan
munting mong titig, munti mong ngiti, munti mong tinig
at sa iyong paggising
sa muling pagdilat ng iyong mga mata
kaya mong ibahin
ikot ng mundong iniwan mo.
Sana, alam mo'ng mga ito
para hindi mo muna hilinging tumanda
o kung maari nga, kailanman, ‘wag mo nang asamin pa
dahil hindi mo alam, naiinggit sila sa iyo
naiiinggit kami sa iyo, nang sobra
nang sobra-sobra.

Nananatiling nakatitig sa akin
itim na itim niyang mga mata
walang kakurap-kurap
hanggang sa lumabo siya sa aking paningin
at umahon, tumulay
butil ng luha sa aking mga pilik-mata
at tumulo sa kanyang pisngi
gumapang sa kanyang labi
at pinunasan kong aking pisngi't
nalasahan kong
maalat ang luha.


Martes, Nobyembre 22, 2011

Hindi Ko Muna Tutulaan ang Buhay


Siguro, ayos lang
maski di ko muna tulaan ang buhay
kahit hindi muna ako sumulat ng tula tungkol sa pagtanda
sa pagdating ng rayuma, sa paglisan ng memorya
sa sakit ng pag-ibig at saya ng pagsinta
sa kirot na dulot ng pamamaalam
sa tuwa’t salimuot ng pagkakaibigan
sa hiwaga’t kirot na bitbit ng kamatayan
sa mga alaala.

Siguro, hindi naman ikalulungkot
ng aking poetika
kung di ko muna tutulaan ang buhay
ang gabi, takipsilim at madaling-araw
ang ilog, unos at bahaghari
kung di muna ako susulat ng soneto
para sa mga ama’t ina
kung di muna ako lilikha ng elehiya
sa di makaigpaw-igpaw na pagsinta
kung di muna makikipagluksa ang aking panulat
sa mga naiwan ng nagpaalam
o makikidalamhati
sa mga namatayan ng kaibigan.

Siguro, hindi naman magseselos ang buhay
sa lipunan
kung ito muna’ng aking tutulaan
kung mga edukadong magnanakaw muna, aking haharanahin
kung mga pambubusabos muna’ng hahandugan ko ng pawis, dugo’t tinta
kung masang namatayan ng pag-asa muna’ng aalayan ko ng elehiya.
Siguro, maiintindihan din naman ng buhay
na may sakit ang lipunan, may taning, naghihingalo
na ito muna’ng kailangang alagaan
at siguro, ikatutuwa rin namang niyang
gumaling ang kanyang anak
dahil pag ganap nang malakas ang lipunan
sa kanya na’ng lahat-lahat sa aking panulat.


Magandang Dalaga sa Dyip na Pa-Sta. Maria


Hindi humihinga ang ilaw, sa dyip na pa-Sta. Maria
nang umupo ako sa upuang
pangkalahating pisngi lang ng puwet.
Sa nakalatag na dilim
bahagi ng gabi ang loob ng dyip.
Naisip ko tuloy, di kaya may naghahalikan na sa loob
hindi pa namin nalalaman.

Sumakay si Manong, sumindi ang ilaw
at nagkaroon ng kulay ang mga mukhang
kanina’y hugis lamang.

Nagulat ako, sa ganda ng babaeng kaharap ko:
hugis puso ang mukha
singkit ang mga mata
matangos ang ilong
may malamang pisngi, kulay gabing buhok
makinis na kutis.
Minasdan ko siya, gaya ng sa isang magnanakaw:
mukha siyang edukada
hindi iyong mukhang palamura
o iyong bubukaka, sa harap ng kahit sinong guwapo;
mukha siyang matalino;
meron pa nga siyang kalong
na libro ni Paulo Coelho;

Natagpuan ko na lang, aking diwa sa alapaap.
Ganito’ng babaeng gusto kong makatuluyan
at makasama, sa mundong itinayo ko
mula pagkabata.

Like a virgin, touch
for the very first time

May nag-ring na cellphone
at dumukot ang aking minamahal sa kanyang bulsa.
“Hello.”
Hala, bakit boses lalaki siya?
“’Andito pa lang sa dyip.”

At napangiwi ako
at nandiri sa aking sarili.


Kung Bakit Hindi Ka Mahusay Magsulat


Hanggang ngayon, naku, di mo pa rin makuha
kung bakit hindi mo madagit-dagit
pagiging mahusay sa literatura.
Nagbabasa ka naman—nagbabasa nang nagbabasa
e sabi nila, pag nagbasa, pag nagbasa nang nagbasa, tatalino
at ayon sa kanila, pag nagbasa, pag nagbasa nang nagbasa
makikita mo’ng panget at magandang estilo
pero bakit di ka humusay-husay
sila, naroon na, malayo na
at ang masakit pa, alam mong mas palabasa ka sa kanila.

Hanggang ngayon, naku
wala ka pa ring pangalan sa panitikan
sulat ka naman nang sulat
e di ba, sabi nga ng isang manunulat
nang tanungin siya kung paano siya naging magaling,
“Magsulat ka nang magsulat,” ang sabi niya?

Tinatanong mo’ng iyong sarili—mali ba’ng sabi nila?
O mali ka lang ng intindi?

A, magbabasa ka muna
hindi mo sila iintindihin.
Binuklat mo’ng diyaryo ng PUP
at nagimbal ka sa nakasulat—“The Catalyst
To write not for people is nothing.”

A, nakuha mo na
kung bakit di ka mahusay
kung paano magiging mahusay.
Nakuha mo na.


Ingatan Mo Sana Siya, Kaibigan


Mga labi mo ang pinili niyang halikan
mga daliri’t palad mo ang pinili niyang larui’t hawakan
katawan mo ang pinili niyang yakapin
balikat mo’t dibdib ang pinili niyang sandalan
apelyido mo ang pinili niyang maging karugtong
ng kanyang pangalan.

Ikaw ang pinili niyang
maging ama ng kanyang mga anak
ang pinili niyang maging haligi
ng pangarap niyang tahanan
piniling makasama hanggang sa mga panahon
ng pagdating ng rayuma’t paglisan ng memorya.

Ingatan mo sana siya, Kaibigan,
dahil kahit hindi ako, kanyang pinili
mananatili pa rin, pagkakapili ko sa kanya.


Malamig na Tubig


Halos mauntog na’ng nguso ng bawat sasakyan
sa tambutso ng sasakyang sinusundan.
Nananakit na’ng kili-kili ng mga babae
sa walang patid na pagpapaypay
sa nanlalagkit na katawan.
Hindi na kayang kuhanan ng kamera
mukha ng mga binatilyo’t dalagita
dahil haggard na sila, sira na ang porma.

Nag-iinit na rin ang ulo ng tsuper—na wala pa halos kita—
sa init, sa trapik.

Kinawayan ng isang babaeng nakakotse
 maitim, payat na lalaking
nagtitinda ng nagyeyelong tubig
at namamaybay sa pagitan ng mga dyip.

Bahagyang lumamig ang ulo ng babae
at guminhawa ang lalamunan
nang makailang lagok, sa napakalamig na tubig.
Nainggit siya sa lalaki.
Buti pa siya, sabi niya
nakaiinom ng ganoong tubig—nagyeyelo, malamig.
Sinilip niya sa side mirror ang lalaki
namamaybay pa rin ito sa pagitan
ng mga sasakyan
at tubig na umagos sa isip niya
kung marami siyang malamig na tubig
bakit tumatagaktak ang kanyang pawis?


Upuan sa Bus


Nag-uunahan, nag-aagawan na ang mga kaluluwa’t mga pangarap
sa kahon ng posporong maghahatid sa kanila
sa kani-kanilang pamilya
dahil pader na ang dilim
at nanunuod na ang mga bituin.

Mabagal ang usad ng mga kahon ng posporo
sa kalsada ng EDSA— pahinto-hinto, pakadyot-kadyot
at sa nakabibingi nilang busina
lalo kong nadarama, anyaya ng kama.

Matapos makipag-unahan sa pagsakay
pinalad akong magkaroon ng upuan
sa bus na pa-Malinta Exit.

Nasa Oliveros na ang bus
nang maging bahagi ka ng aking paglalakbay.
Ikinalulungkot ko, wala nang upuan.
Ipagpaumanhin mo, wala nang maginoo.

Hindi ka rin naman kasi pasok sa batayan
ng dapat pag-ukulan ng upua’t paglaanan ng sakripisyo:
hindi ka buntis; walang kapansanan;
hindi ka matanda; walang kasamang bata;
hindi ka maganda.

Tumayo ako, iniwan ang upuan
at naramdaman ko na naman, pananakit ng kalamnan ko sa binti.
“Ate o.”

Ngiti lang ang isinagot mo— ngiti at mabilis na sulyap.

Malapit nang sumuba sa NLEX ang bus
at sa pader na dilim
at nanonood na mga bituin
isa lang aking hiling.
Sana, sa langit
may magpaupo rin sa aking ina
maski sa mga ulap lang.
Maski sa mga ulap man lamang.


Yoyong


“Di na nga ako masyadong kumakain sa terrace namin, e. Medyo ba nandidiri na rin ako ke Yoyong. Dumadahal, tapos do’n lang dudura sa harap nila.” si Edwin, papalabas sila ni Baldo sa Victory Mall sa Monumento— nag-ayos sila ng NBI ID.

Magkakaibigan silang tatlo, dahil matagal rin silang magkakasama sa Hustan’s Incorporated, pabrika ng papel ng Valenzuela. Isang taon nang wala roon si Yoyong, matapos itong mag-resign. Tumanggap din ito ng P300. Pero naroon pa ang dalawa, si Edwin ay tsuper ng trak, at si Baldo ay naman ay operator ng makina.

“E ba’t ba kasi ayaw pang ipagamot? Kelaki ng nakuha e,” si Baldo.

“Nagpakonsulta sa doktor sa center, niresetahan ng gamot, wala ring nangyari.”

“E kelangan do’n e ‘yong tutukan talaga.”

“Ewan ko ba sa kanya. Panay ang bilin ko pag nag-aabot kami sa labas pag gabi, ngingiti-ngiti lang.”

“Napakatipid kasi sa pera,” naunang sumakay si Baldo sa dyip na pa-Malanday.

“Buti ‘ka mo’t di nangangaliwa si Mareng Gemma,” sa tabi ng pinto nakaupo si Edwin.

“Mukhang hindi naman gagano’n ‘yon. Halatang matino.”

Tumango lang si Edwin.

Pagdating ng Marulas, sa tapat ng Petron, sumakay ang Mareng Gemma nila, kahawak-kamay ang isang lalaking hindi nila kilala.


Marami Akong Natutuhan sa Iyo


Sa iyo ko natutuhan, kung paano, tamang paggawa ng quiz
kung paano, tamang pagbato ng tanong
kung gaano kahalagang purihin ang estudyante pag nakatama ng sagot
kung gaano kahalaga, ngiti sa kanila
kung gaano kaimportante, mga payo’t paalala.

Sa iyo ko natutuhan, na kung gusto mong igalang ng mga estudyante
dalawang bagay lang, iyong kailangan— una, iparamdam sa kanilang
hindi mo sila niloloko, na talagang alam mo, tinuturo mo;
ikalawa, iparamdam sa kanilang, mahal mo sila
parang mga anak, parang mga kaibigan
parang bahagi ng pamilya.

Sa iyo ko natutuhang magbanggit ng mga aral
na malayo man, may kinalaman pa rin sa kurso
dahil nga, katwiran mo, buhay ang tunay na asignatura
hindi ang Calculus, hindi ang Trigonometry.

Sa iyo ko natutuhang pahirapan ang mga estudyante
katwiran mo, kaiinisan ka nila, ngayon
pero pag nagtapos na sila, babalikan ka nila
pasasalamatan
di gaya ng madali ang pinapagawa
mataas ang binibigay na grado
katutuwaan, makalipas ang ilang taon
pakiramdam nila, ninakawan sila.

Sa iyo ko natutuhang lumaban, sa kapantay o nakatataas
pag hindi na patas ang batas
pag may mali na sa kalakaran
pag may paninindigan nang natatapakan.

Marami ‘ko sa iyong natutuhan
kaya nga nagulat talaga ako
nang magpatawag ng pulong ang dekano
at sabihing wala ka ng load sa darating na semestre
dahil di ka magaling magturo.


Dalawampung Puno


Sabi sa isang pahayagan
dalawampung puno ang kailangan
para maalis ang carbon monoxide at sulfur dioxide
na ihinihinga ng tambutso ng kada sasakyan
at malamang, iba uli’ng usapan
pag ang aalisin naman
hininga ng mga tsimineya ng pabrika.

Dalawampung puno kada sasakyan daw ang kailangan
para muling umaliwalas ang alapaap
luminis ang mga kaluluwa
maalis ang lansa ng lipunan.
Ang problema, dito sa Pinas
hindi dalawampung puno ang meron
kundi milyong taong napupuno ng galit at poot
sa gobyernong masahol pa sa lason ang polusyon.

Tropang Singko


Palagi, pag nakasasalubong niyo
sa kantina ng paaralan
sa faculty room, sa hallway
sa hagdanan, sa may banyo
propesor niyo sa Filipino
na nagbigay sa inyo ng nagdudumilat na singko
napayuyuko kayo
‘pagkat nahihiya kayong salubungin
sinasabi ng kanyang mga mata.

Batid niyo namang bagsak talaga kayo
dahil sabi nga niya, hindi siya’ng gumawa ng grado niyo—kayo.
At sabi pa niya, titser siya
hindi panday
kaya pag inabutan niyo siya ng bakal
ibabalik niya ito sa inyong bakal, at hindi espada
ngayon, kung di niyo kayang bigyan siya ng espada
sabi niya, kahit kutsilyo lang muna
tuturuan niya kayong gumawa ng espada.

Palagay niyo naman, nahihiya rin siya sa inyo
dahil pag nakakasalubong niya kayo
malayo’ng tingin niya
parang iniiwasang magtagpo’ng inyong mga diwa.
Idagdag pa’ng madalas niyang banggitin dati
nahihiya siya sa kahit na sino
titigan man ito o kausapin
sabihin mang ito ang may kasalanan sa kanya
nangodiko sa exam, halimbawa.

Iyon talaga’ng alam niyo.
Kaya nga nagulat talaga kayo
nang marinig niyo'ng boses niya sa banyo
kausap ang isang titser sa Kasaysayan
at sabihing hindi niya kayo makuhang tingnan
‘pagkat labis niya kayong kinaaawaan.


Bus na Pa-Sta. Cruz


Papunta ako noong Pi Yu Pi
para kumuha uli ng Ti O Ar
kaya gaya ng inaasahan, tinumbok ko na naman
rutang apat na taon kong dinaanan.
Pangalawang sinakyan ko, bus na pa-Sta. Cruz
na wala pa rin palang ipinag-iba
nagmamabagal pa rin sa En Leks
‘pagkat naniningil pa ang konduktor
ngunit sumisigida nang banat
pagsapit sa Balintawak.

Sa Mayon, madalas kaming napatatagilid
at nagigising ang naiidlip
nauumpog sa upuan ang nagti-text
sa parang hanging tulin ng bus
at may ilang, di mapipigilang mapatili
mapa-‘Susmaryosep, magalit
at masigawan ang tsuper at konduktor.
Nagugulat ang mga nalalampasan
napapahawak nang mahigpit sa upuan
ang mga baguhan
habang kampante lang sa puwesto, matagal nang mga suki.

Pagkahinto ng bus
isang mag-inang nagmamadaling bumaba
at nakita kong parehas nakasimangot
ang kanilang mukha.
Naala’la ko tuloy, dating balita sa telebisyon
isang bus sa Sta. Cruz
papasok na lang sa Malinta Exit
tumagilid pa sa Royal Mall.
Pinakinggan ko mula noon
usap-usapan, ng mga konduktor, ng mga tsuper
pati nagtitinda ng mani at tubig.
At tumatak sa akin ang sabi ng isang konduktor.
“Ano kung tumagilid tayo sa bilis ng pagpapatakbo
aba, pag hindi tayo nagmatulin
buong pamilya natin ang tatagilid.”


Tatlumpung Basong Tubig


Ibinalita sa ti vi
ang lalaking namatay, matapos uminom
ng tatlumpung basong tubig.
Ang tanga naman, sa isip-isip ko.
Narinig niya sigurong sabi ng mga artista
gaya ni Angel Aquino
na maganda sa kalusuga’t kutis
 ang inom nang inom ng tubig,
mailalabas mo’ng dumi mo sa katawan.

Speaking of tubig, sabi naman ng titser ko dati
mali ang walong baso kada araw
dapat daw, labing-dalawa o labing-tatlo.

Iyan ay usapang katawan
kutis, kalusugan.

Kung usapang puso na
nasaktan ka nang sobra
nabigo, di makalimot
ano kayang gamot?
A, alam ko na.
Kailangan ko lang uminom
ng tatlumpung basong tubig.


Dugo ng Lamok


Habang nilalamay ko ang artikulo ko
hinggil sa kupad ng katarunga’t progreso
kolum sa pangmasang diyaryo
nagbukas ako ng ilaw
nilakasan ang bentilador.

Hindi sapat ang tanglaw ng kompyuter
at ang usok ng katol
upang itaboy ang mga walang hiyang lamok.
Sa pagbukas ng ilaw
nawala ang drama sa aking kuwarto
pero tiyak, hindi ang mga lamok
dahil rumoronda pa rin sila
sa magkabila kong tenga.

May isang nagtangkang dumapo sa aking pilik-mata.
Iniatras ko ang aking mukha, saka ko hinipan
aba, sa laki’t bigat ng katawan
hindi man lang nakuhang tangayin
ng aking hininga.

Nangati ang hita ko.
Tinampal ko.
Sabog ang katawan ng isa sa aking palad
at nagkulay pula ang pagitan
ng hinlalato ko’t palansinsingan.
Inamoy ko.
Malansa rin talaga’ng dugo ng lamok.
O baka naman dugo ito ng tao? 
Baka naman dugo ko ito?

Ganito rin kaya ang amoy
ng dugo ng mga parasitiko sa gobyerno
dahil dugo rin iyon ng tao, ng masa?
O di hamak na mas malansa’ng sa kanila?

Mesa sa Tabing-Kalsada


Kung araw, sa mesang ito sa tabing kalasada
nakapatong, mga panindang gulay ni Aling Atse pag umaga
ulam kung tanghali
fish ball at gulaman at banana cue kung hapon.

Sa mga gabing pakiramdam ko
mag-isa ako sa bahay at buhay
at parang marami akong hinahanap
sa mga madaling-araw
na ayokong pumasok sa trabaho
at pakiwari ko, nasa isip ko lang ang umaga
dito ako nakatanga
pinanunuod ang mga ulap sa paglalayag
sinasamahan ang mesa sa pag-iisa
dinaramayan ng mesa, dinaramayan ang mesa.
Dito ako inaabutan ng tatay ko
pagkagaling niya sa trabaho
dito ako pinupuntahan ng mga utol ko
pag maghahapunan na o magsasara na ng bahay.

Dito ko natanggap ang text
ng kompanyang pinagtatrabahuhan
para sa aking panayam
dito ko kinakausap sa cellphone, dati kong kasintahan
dito ko ginugunita, mga alaala
dito ko sinisilip sa pagitan ng mga ulap, lawak ng langit
dito ko hinabi, aking mga pangarap
dito ko pinamahasa aking sarili
sa pananaginip.

Ngayong lilipat na kami ng bahay
dahil sa dalawang buwan naming kulang
idinarasal ko, sana
madala ko ang mesang ito
o kung hindi man, sana
may ganito sa amin, sa aking lilipatan.






Sa Kabila ng Windshield



Sa SM North EDSA… sa kabila ng windshield
ng dyip na pa-UP Diliman
nabihag ako ng iyong ganda:
makinis na kutis, maputi’t parang kaybango’t kaylinis
maamong mukha, matangkad
matangos na ilong
itim na itim na mahabang buhok.
Nakatayo ka sa tabi ng karatula:
“No Loading and Unloading.”
Palinga-linga.

Naala’la ko’ng sabi ng propesor ko sa Sosyolohiya
dapat, ang magandang Pilipina
mapunta sa isang Pilipino
sabihin mang hindi ito guwapo.

Tumunog ang cellphone ko.
Binasa ko ang text message.
Naku, kung ano lang pala.

At pag-angat ko ng tingin
sa kabila ng windshield
nakita ko’ng nakabibighani mong ngiti
habang hawak ka sa baywang
ng isang Hapon
na sa aking tantiya
lampas nang kuwarenta.