Biyernes, Agosto 29, 2014

Expressway


nagmamadali ang mga sasakyan
kanya-kanyang hiyaw
kanya-kanyang atungal
bulalakaw ang nambubulag na mga mata
hinihiwa ang katawan ng dilim
pinupunit ang pag-asam na manahimik

nagmamadali silang lahat
trak
                     bus
         kotse
                             van

ngunit hindi sila nag-uunahan
hindi naghahabulan

ang hinahabol nila’y
kani-kanilang katuturan


Huwebes, Agosto 28, 2014

Walang Malungkot na Ulan


Walang malungkot na ulan.
Dumidilim lamang,
parang gabi.
Kung malakas ang ulan,
parang hatinggabi.
Para kang mag-isa.
Parang walang kasama.

Walang malungkot na ulan.
Maingay lang ang malalaking patak.
Malalaking boteng nababasag.
Parang may isinisigaw.
May tinatawag.
Dahan-dahang manghihina
ang mga ingay sa paligid:
huni, ugong, tunog, kaluskos.
Manghihina.
Mamamatay.
At may kung anong tinig
o himig na papalit.
Naririnig mo lang iyon
kung gabi
kung mag-isa
kung tahimik.

Walang malungkot na ulan.
Pinapatay lang ng hatid nitong lamig
ang init.
At darampi ang malamig na kamay ng hangin
sa iyong balat
balikat, talampakan.
Manunuot sa kalamnan,
sa kaibuturan ng kaakuhan.

Walang malungkot na ulan.
Walang mahika ang lamig,
dilim, malalaking patak, ingay at himig.
Walang malungkot na ulan.
Binubuksan lang nito ang tarangkahan.
Kusang umaalpas
ang sarili mong kalungkutan.

Huwebes, Agosto 21, 2014

Sayaw ng mga Konduktor at Barker


Marahil, isa ito sa magagandang bagay na naidulot sa akin ng halos araw-araw na pagko-commute. Isa sa mga bagay na ipinagsasalamat ko at hindi ako ipinanganak na mayaman, na wala akong kotse.

Setyembre 15, 2012, nagpunta ako sa SMX Convention Center, para sa 33rd Manila International Book Fair (MIBF). Mahilig akong mangolekta ng mga aklat, lalo na ng mga nobela at kalipunan ng mga maikling kuwento. Taun-taon, inaabangan ko ang MIBF. Talagang nagtatabi ako ng pera mula sa sahod ko para rito. Ang usapan namin ng kaibigan kong babae, sasamahan niya ako. Excited pa nga siya. Pero bunga ng biglaang pagkagipit sa pera, hindi na niya ako nasamahan.

Nag-LRT ako papuntang SMX Convention Center, bumaba ako sa Gil Puyat. Orange multicab ang sasakyan doon papuntang Mall of Asia. Katanghalian at maraming tao. Halos puno na ang nakapilang multicab.

“O, isa na lang, o! Isa na lang, o! Lalakad na!” sabi ng barker. Payat siya, maitim. Disi-syete anyos siguro. “Sa walang friends d’yan, o! Isa na lang, o! Isa na lang! Sa walang friends d’yan, o! Isa na lang! Lalakad na!”

Nakatatawang isipin, pero hindi ako sumakay sa multicab dahil sa takot kong isipin ng mga tao, na wala akong friends. Bukod pa sa nalulungkot nga ako at wala akong kasama.

Isang babae ang sumakay. At natawa ako sa banat ng barker.

“Yehey! Si Ate, walang friends! Palakpakan!” At nagpalakpakan talaga ang ilan.

Pag naaalaala ko ito, naaalaala ko rin ang ilang karanasan ko na may ganito ring kuwento.

Noong nasa kolehiyo ako (sa PUP ako nag-aral), bus na pa-Malinta Exit ang sinasakyan ko pauwi. Sa Doroteo Jose ako sumasakay ng bus. Pag marami nang sakay ang bus, at marami nang nakatayo, pinauusod ng konduktor ang mga pasahero sa gitna. Dapat, malayo sa pinto. Para madaling makasakay ang mga sasakay. At madaling makababa ang mga bababa. Pero may mga pasaherong ayaw magsisiusod sa gitna. Puwedeng hindi naririnig ang sinasabi ng konduktor—dahil maingay o dahil pagod sila. Puwedeng nasisikipan sila sa gitna. Puwedeng mas nalilibang silang nakatayo malapit sa pinto. Puwedeng ang gusto nila, pag bababa sila, baba na agad—kahit minsan, malayo pa ang bababaan nila.

Minsang pauwi ako, pinauusod ng konduktor sa gitna ang mga pasahero. At ayaw nilang magsiusod.

“Usod lang po tayo sa gitna, Ma’am, Sir! Usod lang po tayo sa gitna!” sigaw ng konduktor. Pero wala pa ring pumapansin sa kanya. Sumigaw ulit ang konduktor. “Usod lang po tayo sa gitna! Usod lang po tayo sa gitna!” Wala pa rin.

Sumigaw ulit ang konduktor. “I said, ‘Move backward!’”

Tawanan ang mga pasahero. Sumaya bigla sa loob ng bus.

“Pa-move-move backward ka pa, a,” natatawang sabi ng isang pasahero.

At nag-usudan sa gitna ang mga nakatayo.

Ang nakakatuwa rito, bukod sa tama ang Inggles ng konduktor, nakuha pa rin niyang magbiro sa kabila ng pagkainis at matinding pagod.

Sa isa ring bus, pa-Cubao naman, natawa rin ako sa hirit ng konduktor. Rush hour noon, umaga. Ang daming pasahero. Hirap dumaan sa gitna ang konduktor. Hindi ko na maalaala kung malaki ang tiyan niya o hindi. Karamihan kasi sa mga konduktor, malaki ang tiyan.

“Royal lang, Kuya,” sabi ng katabi kong babae. Parehas kaming nakatayo. Lampas trenta na siya, marahil.

“Hindi malamig, a,” nakangising sabi ng konduktor.

Sumimangot ang babae. Parang na-bad trip. Hindi ko na-gets. Buffering. Mga tatlong segundo siguro, na-gets ko rin. Sa Royal bababa ang babae. At dahil may softdrinks na Royal, ang sagot ng konduktor, “Hindi malamig, a.” Parang bumibili lang ng softdrinks sa tindahan ang babae. Konduktor nga lang ang inabutan niya ng pera.

Siguro, kaya hindi ko na-gets agad ang joke, dahil korni. Parehas na dahilan kaya sumimangot ang babae, bukod sa hindi naman sila close ng konduktor para biruin siya nito. Pero ang masasabi ko lang, korni na kung korni ang joke ng konduktor, pero saludo ako sa mga gaya niya.

May mga ilang kuwento rin akong alam. Ganito rin. Bagama’t hindi ko mismo nasaksihan, naikuwento lang sa akin.

Sa multicab na pa-MOA pa rin, kuwento sa akin, may iba pang banat ang mga barker. O puwedeng mula lang sa isang barker. Pag isa na lang daw ang kulang, at may sasakay na lalaki, ganito ang sinasabi: “O, konting ipit lang po! Konting ipit lang po! Kamuk’a ni John Lloyd ang uupo!” Kung babae naman: “O, konting ipit lang po! Konting ipit lang po! Kamukha ni Bea ang uupo!”

Sabi ng nagkuwento sa akin, ganoon daw ang sinasabi ng barker, kahit hindi naman kamukha ni Bea o ni John Lloyd ang uupo.

Sa mga bus naman daw na dumaraang Edsa, minsan, maharot ang biro ng konduktor pag nadaraan sa Caloocan, malapit sa BIR. May isang kanto kasi roon, ang pangalan, Tiñio. At ganito raw ang sinasabi ng konduktor: “O, sa bababa r’yan! Kanto Tiñio na! Kanto Tiñio!”

Sasabihin marahil ng iba, bakit kailangan pang ipagsigawan iyon. May mga batang pasahero. Isa pa, wala namang bumababa roon. Pero anu’t ano man, tulad ng sinabi ko kangina, saludo ako sa ganitong mga tao.


May mga tao tayong kilala, na sa dami nang pinagdaraanan, nagsasawa na sa buhay. May nagpapakamatay. Nalululong sa droga. Napapariwara. Nagsisitakas sa kani-kanilang alam na paraan. Pag naaalaala ko ang mga barker at konduktor na nabanggit ko, naiisip ko, kung sila, nagagawang magbiro at tumawa (bagama’t hindi natin masasabi kung masaya nga sila), sa kabila ng problema, bakit hindi natin kakayanin? Hindi ko alam ang pinagdaraanan ng mga nalululong sa droga, napapariwara, nagpapakamatay. Pero siguro naman, hindi simple ang pinagdaraanan ng mga konduktor at barker. Walang katiyakan kung magkano ang iuuwing pera. Pagod. Matinding traffic. Init. Pagtataas ng mga bilihin. Kawalang kasiguraduhan sa trabaho. At kung anu-ano pang panghahambalos ng malupit na lipunan. Pasalamat pa nga tayo, at nababahagian pa nila tayo ng saya. Gumagaan ang pagko-commute. Sila na sa unang tingin pa lang, mas may makarapatang malungkot kaysa sa atin.

Maaaring sabihing wala namang mangyayari kung mag-iinarte, lalo naman kung tatakas sa mga suliranin. Totoo. Pero hindi nga ganoon ang nangyayari. Maraming tumatakas, alam natin iyan. Sa madaling sabi, ang ganitong ugali ng mga barker at konduktor, ay hindi lang dahil alam nilang walang mangyayari sa pagtakas at pag-iinarte. Dala ito ng kakayahang magdala ng sarili.

Meron ako dating nabasang quote. Nagandahan ako. Kaya madalas kong maalaala. At kada maaalaala ko ito, naiisip ko sila.

“Life is not about waiting for the storm to pass. It’s about learning how to dance in the rain.”—Vivian Greene

Miyerkules, Agosto 20, 2014

Pila


sa amin pong bayan
lahat
pinipilahan

                      pagkain
        tirahan
                                   pagkakataon
             kariwasaan        

                                                                                                                katarungan

lahat
pinipilahan

sa aming kinatatayuan
madalas naming makitang
pinapasingit
                                                                                                             ang mayayaman


Linggo, Agosto 17, 2014

Samantalang Umuulan


Musika ang matatabang patak ng ulan
inanyayahan ang aking mga paa,
magtungo sa pintuan
masdan ang pagbibihis ng bakuran.

Sa alulod at kanal sa loob ko
masiglang umagos ang mga salita
sa akala kong baradong akda.

Nagwawala ang mga punit-punit
na dahon ng saging,
naglililiyad ang punong bayabas,
nagkukumpas ang mga katawan ng kawayan.
Luminaw ang larawan
ng kinikilala kong tauhan.

Basag na tunog ang kulog.
Parang may treng dumadaan
sa ibabaw ng mga ulap.
Naninindak ang kidlat.
Meron yatang nais isiwalat.
Unti-unti, nagkatinig
ang mumunting mga bagay sa isip.

Nagpaalam ang ulan.
Ang karahasan.
Ang kalungkutan.
Iniwan ang bakuran
sa bagong kasuotan.

Sa mataba’t masiglang lupa,
luntiang damo
nakatindig
ang kinakatha kong maikling kuwento.


NBI Clearance


8:30 ng umaga, Hunyo 4, nang dumating ako sa NBI Recto, sa loob ng Ever Gotesco Mall. Hindi na iyon maaga, dahil sa ganitong mga bagay, 4:30 pa lang, ang haba na ng pila. At ganoon nga nang dumating ako.

Nag-upo sa sahig ang mga tao, dahil iyong mga malapit nang papasukin lang ang may upuan. Sobrang init. Parang mga treng tumutulay sa patilya ko ang pawis ko. Hindi pa bukas ang mall, kaya patay pa ang mga aircon. Marami ang nagpapaypay. Iyong iba, pamaypay ang gamit. Iyong iba, panyo na lang. Ako, dahil walang panyo at pamaypay, kamay na lang. Nakakainip. Marami ang nagsi-cellphone. May nagti-text. May naglalaro ng naglalaro ng Zombie Tsunami at Hill Climb sa tablet. Iyong dalawang babae sa likod ko, parang parehas nang lampas trenta, mangingibang-bansa yata. Pinapayuhan ng isa ang kasama kung papaano ang mga gagawin pag nasa abroad na sila. Pagkatapos, nagkuwento naman ang kausap ng mga bibilhin niya pag sumasahod na sila.

“Naku, pag-aaralin ko talaga’ng mga pamangkin ko. Ayokong matulad sila sa’kin.”

Maya-maya, gumalaw ang pila. Laking tuwa ko—nasa upuan na kami. At maya-maya ulit, gumalaw ulit ang pila. 9:30 na sa cellphone ko. Sa loob na kami. Pero hindi ko na ito ikinatuwa.

Sa loob ng dating sinehan ang bayaran. At puno ng kukuha ng clearance ang tatlong hati ng upuan sa balcony. Ang dami ring tao sa baba. Napakamot ako. Nag-unahan sa upuan ang mga bagong pasok. Iba na ang mga katabi ko. Nasa dulong likod na iyong dalawang babae.

“’Yong mga bagong dating po,” sigaw ng matandang lalaking staff, “pangatlo pa po kayo! Una po sila!” Itinuro niya ang mga nasa gawing kanan. Marami sa mga ito ang tulog. “Kanina pa po silang 4:30 rito. Susunod po sila!” Itinuro niya ang mga nasa gitna. “Saka pa lang po kayo!”

Nakita ko sa mukha ng mga katabi ko ang pagkadismaya.

Kinuha ko sa bag ko ang ‘Peksman’ ni Eros Atalia. Talagang dinala ko ito. Magaang basahin. Okey na okey para sa mga ganitong pagkakataon. Pangalawang kuha ko na ito ng NBI clearance, sa main ang una. Sa UN Avenue. Inabot ako noon ng anim na oras. Sising-sisi ako na wala man lang akong dalang kahit na anong libro.

Maya-maya lang, tapos ko na ang dalawang kabanata ng aklat. 10:25 na. Sumandal ako at umidlip muna.

Nagising ako nang mag-“excuse me” ang nasa dulong upuan. 11:02 na sa cellphone ko. Hindi pa rin gumagalaw ang pila. Nasa upuan pa rin iyong mga kanina pang 4:30. Tumayo ako. Isa lang pala ang bukas na window para sa payment, dalawa ang sa encoding, dalawa ang sa picture taking, at isa ang sa releasing. Naiipon na ang mga tao sa payment.

“B’wisit na gobyerno,” sabi ng may edad nang lalaki na nakaupo sa aisle. “Gan’tong bagay na lang di pa magawa’n ng paraan.”

“Sobrang hirap kumuha, ‘no?” sabi ng kasama nito. “Dapat, hindi tayo nahihirapan sa pagkuha ng NBI clearance. Hindi naman tayo kriminal. Cleared naman tayo sa NBI.”

Tama, sa isip-isip ko. Ako, kung hindi lang talaga kailangan, hindi ako kukuha ng NBI clearance. Kahit pa sabihin sa aking kumuha na dahil kakailanganin din. Ang kaso, pre-employment requirement. Hindi ako sasahod hangga’t hindi ako nakakapagpasa.

Bumalik ang babaeng nag-“excuse me” kanina. May dalang mineral water. Kumain siguro. Gusto ko ring kumain. Gutom na ako. Pero tiniis ko na lang ang gutom ko. Sa bahay na lang, nang makatipid. Gipit. Walang teaching load nitong summer. Dalawang buwang walang pera. Mabuti’t nag-almusal ako, kung hindi, baka kanina pa ako hinimatay.

Saktong alas-dos na nang makabayad ako ng P115. Kinse minutos pa, naiabot ko na sa nasa releasing ang resibo ko. At maya-maya lang, ibinalik din sa akin. Nakatatak sa likod, NBI RELEASED JUN 11 2014. Napakamot ako. Babalikan pa sa susunod na Miyerkules.


4:05 na nang dumating ako sa bahay. Wala pa ring kain. Binuksan ko ang radyo, sa FM, at dumiretso ako sa kusina.

Habang kumukuha ako ng kaning-lamig, ibinabalita sa radyo na nakalabas na ng bansa ang dalawang itinuturong sangkot sa pork barrel scam—pagnanakaw ng P10 bilyon sa kaban ng bayan.


Antolohiya*


Gabing walang imik,
kinuha ko sa salansanan
ang isang inaalikabok na aklat,
                                                      antolohiya ng mga tula.
Nagbasa ako ng tatlong akda.
                      tungkol sa pag-ibig
           tungkol sa pag-ibig

                                   tungkol sa pag-ibig

Sa bawat isang matatapos
tahimik kong naririnig
unti-unti
gumuguhit
ang isang himig.
Pinupunit ang gabing walang imik.

Sarili kong tinig.


*pasintabi sa tulang ‘Tatlong Hiling’ ni Romulo Baquiran, na may linyang ‘pag-ibig, pag-ibig, pag-ibig.’

Huwebes, Agosto 14, 2014

Pagtawid


Nasa magkabilang dulo kami ng linya. Parehong gustong tumawid, pero parehas ding natatakot. Siya ang naglakas-loob, kaya kami nagpang-abot.

Siguro, sa ibang nakakakilala sa kanya, ang pagiging romantisista niya at ang kaugnayan niya sa pag-ibig na eros, ang pinakamatatandaan sa kanya.

Siya si June Vin. Makinis siya, ngunit hindi kaputian para sa isang babae. Bagama’t hindi rin naman masasabing maitim. Mahaba ang itim na itim niyang buhok. Mapungay ang mga mata niya na parang laging iiyak. May maliit siyang nunal sa ilong na parang langib ng sugat. Tungkol sa pangalan niya, madalas siyang mapagkamalang lalaki. Sa mga orientation noon sa hayskul, madalas daw niyang makita ang pangalan niya sa listahan ng pangalan ng mga lalaki. Madalas din siyang biruin ng mga tao. “Alam ko’ng birthday mo! Alam ko’ng birthday mo! June ‘no?” Kaya laking gulat ng mga ito pag sinabi niyang “July po.” Kasunod na niyon, siyempre, ang medyo mahabang paliwanag.

“Ke Daddy nanggaling ‘yon parehas,” paliwanag niya noon sa akin. “’Yong ‘June,’ me gustung-gusto s’ya dating professor n’ya. Nu’ng college. Hindi n’ya niligawan. Kasi nga, professor n’ya. Tapos, ‘yung ‘Vin’ naman, sa pangalan n’ya. ‘Vincent.’ Pinagsama n’ya. Para kahit do’n man lang daw, magkasama sila.”

At dahil daw roon, sabi niya, hindi siya tinatawag ng mommy niya sa pangalan niya. Mek-mek ang tawag nito sa kanya. Natawa tuloy ako.

Matindi ang pagka-romanticist ni June. Ewan kung dulot ng pangalan niya, o sikolohikal na epekto nito sa kanya. O kaya naman ay talaga nang romanticist siya. Pinatindi na lang ng sikolohikal na epekto sa kanya ng pangalan niya.

Mahilig siyang manuod ng mga pelikula tungkol sa pag-ibig. Higit limang beses na niyang napanuod ang ‘Dear John,’ ‘Serendipity’ at ‘500 Days of Summer.’ Higit sampung beses ang ‘Titanic.’ At pag nagpapaliwanag siya, lalo kung tungkol sa pag-ibig, o pag may estudyanteng nanghihingi sa kanya ng payo sa love life, halimbawa, marami sa sinasabi niya ang mula sa mga pelikula. Minsan, sa Star Cinema pa.

Ganito niya sinisimulan ang mga payo niya, “Sabi nga ni Richard, ni Leonardo di Caprio sa ‘The Beach…’”

Itong pagka-romanticist din na ito ang dahilan sa matinding kalokohan niya  nitong bago mag-Pasko. Ang dahilan kung bakit hindi siya naka-attend sa Christmas party, kaya kalahati lang ang natanggap niyang Christmas bonus.

May boyfriend daw siya noong hayskul, kuwento niya sa akin. Nagkaroon sila ng pangako sa isa’t isa noong third year sila, na makalipas ang sampung taon, kung magkahiwalay sila, at wala siyang boyfriend at walang girlfriend ang lalaki, sila ulit. Natawa talaga ako nang ikinukuwento niya ito.

“Ang drama mo, a!” Naalaala ko ang mga eksena sa pelikula na may magkababata na may isusulat sa isang papel na pangako nila sa isa’t isa, saka ilalagay sa isang bote o kahon at ibabaon sa ilalim ng puno, tapos, huhukayin nang mga binata’t dalaga na sila.

First year college daw, sila pa rin. Kaso, naagaw ng kaibigan niya sa kanya ang boyfriend niya. Parang telenobela talaga. Mula raw noon, hindi na siya nagkaroon ng boyfriend. Hanggang magkatrabaho siya. Ang baba-baba raw nang naging tingin niya sa sarili niya dahil doon.

“Kaya nga ako nag-MA, e,” sabi niya. “Para tumaas-taas naman ‘yung tingin ko sa sarili ko.”

Nakaramdam ako ng hibla ng awa sa kanya. Hindi natatagpuan ng mga taong sumusunod sa dikta ng lipunan ang sarili nila.

“An’dalas ko kasi talagang maisip,” dugtong niya, “na ba’t n’ya ‘ko niloko? Ba’t nila ‘ko niloko? Saka kaya ako nandito ngayon. Dati pa, gusto ko nang mag-teacher. Kaso, may problema kami nu’n. Financial. Sabi ni Dade, nasa business ad daw ang pera. Kaya ito’ng pinakuha sa’kin. Ngayon, gusto kong ma-experience maging teacher. Para masabi ko naman sa sarili kong na-experience ko ‘yung first choice ko. Para mahanap ko rin ‘yung sarili ko. Baka after this, hindi na gan’to ‘yung inferiority complex ko. Ipinaliwanag ko talaga ‘to nang mabuti kina Mame. Pumayag naman silang ipagpalit ko ‘yung pagiging insurance staff ko sa car company. ‘Yung 25 thousand ko monthly dito sa 11 plus per month. Apat na kasi kaming nagtatrabaho. Okey-okey na kami, financially.”

Pang-romanticist pa rin ang kuwento niya. Madrama pa rin. Parang puro paglalagay ng pekeng kulay sa mga bagay, magkakulay lang. Pero sa kuwento niya, nakaramdam ako ng lungkot. Sa katotohanang maraming kayang sirain ang problema sa pera.

Bago dumating ang petsa na magkikita sila ng lalaki, madalas silang magka-chat sa Facebook. Pero hindi nila napag-uusapan ang napag-usapan nila noong third year sila. Sabi ni June, mas maganda raw kung hindi pag-uusapan. Kung mangyayari na lang. Parang pagpapaubaya sa tadhana.

Dahil sa madalas nilang pagtsa-chat, malakas ang paniniwala ni June na pupunta ang lalaki. Pero kumalat ang dilim sa tagpuan, hindi ito dumating.

“Ayos lang,” sabi niya. “At least, wala akong ‘what if.’ Na pa’no kung hindi ako pumunta at pumunta s’ya? E di pagtanda ko p’wedeng isipin ko pa ‘yon. Na pa’no kaya kung pumunta ‘ko? Ang mahalaga, wala sa’kin ang mali. Kasi, pag wala sa’yo ang pagkakamali, pag wala sa’yo ang kasalanan, mas magiging magaan ang dibdib mo. Mas makakatulog ka nang mahimbing.”

Pero sa pagkukuwento niya, sa buka ng mga labi niya, sa paghina’t paglakas ng boses niya, sa galaw ng mga mata niya, kitang-kitang hindi ayos sa kanya.

Sa bus, ang nasa tabing-bintana lagi ang hinahanap kong upuan. Sa biyahe, madalas akong tumitingin sa langit, lalo sa mga bahaging kulay asul ngunit napalilibutan ng mga ulap. Sa mga bahaging parang lagusan. Madalas, nai-imagine kong mula roon, makikita kong bumababa ang Diyos. Tapos, magdadasal ako, ng kung ano mang hiling ko. Sa isip lang. Hindi ako pumipikit. Para bang nangangarap lang. Mula noon, madalas ko nang mahiling na sana, dumating na ang lalaking para kay June. Minsan tuloy, naisip kong naging romantisista na rin yata ako, kasasama sa kanya. O baka naman kaya kami nagkasundo, dahil parehas kaming romantisista. Hanggang sa maisip kong romantisista naman ang lahat ng taong nangangarap. May kanya-kanyang lebel nga lang.

Ngunit sa akin, hindi ang mga ito ang pinakanatatandaan ko kay June. Kundi ang desisyon niyang tumawid sa linya. Iyon ay sapagkat alam ko ang kuwento sa likod ng kanyang mga pagtawid. Alam ko ang mga pinagkuhanan niya ng lakas ng loob at ang bigat ng kanyang mga hakbang habang tumatawid. At alam kong mas isinisiwalat nito ang pagkatao niya kaysa sa pagiging romantisista niya.


Abril na noon, Lunes, tapos na ang grades ng mga bata. Clearance na lang ang ipinapasok naming mga empleyado, para sa huling suweldo. Isasabay na sa pagpapasa ng clearance ang pagpapasa ng letter of intent para sa mga gustong magpatuloy sa ISAT (Institute of Sciece and Technology) College.

Sa mesa sa tabing pinto uli kami naupo. Ako uli ang nakaharap sa labas, sa Edsa. Gusto kong nakikita ang nagdadaanang sasakyan. Sa akin, humahagibis na sasakyan ang mga tao sa lungsod. Di gaya ng mga nasa probinsiya. Laging nagmamadali. Laging may kung anong hinahabol. Hindi nai-enjoy ang biyahe.

Dito kami madalas magkuwentuhan ni June, habang nagmimeriyenda o nanananghalian. Mas maluwang at mas maraming klase ng ulam. Mas kakaunti ang tao kumpara sa canteen. Mas nakakapag-usap kami. Mas mahal nga lang nang kaunti ang mga pagkain.

Medyo alangang tawaging ‘karinderya’ ang lugar. Dahil airconditioned at ang linis-linis. Salamin ang pinto at ang mga bintana. At dahil bahagya lang naman ang layo sa eskuwelahan, may ilan ding kumakaing estudyante. Iyong naghahanap marahil ng ibang ulam, o ng katahimikan.

Isang kantang hindi ko alam ang pamagat pero madalas patugtugin ni June sa tablet niya ang tumutugtog sa matangkad na radyo sa tabi ng kahera. Someone’s always saying goodbye, I believe in hurts when we cry. Tama lang lagi ang lakas ng radyo nila. Hindi masyadong mahina, na sila lang ang nakaririnig. Hindi rin masyadong malakas, na hindi na magkaintindihan ang mga nag-uusap.

Nakapangalumbaba si June. Nakapagtataka na hindi niya sinasabayan ang kanta. Naka-pencil cut na itim siya, at royal blue na blouse, kakulay ng polo barong ko. Pantalon ang pambaba nila pag TTh, pencil cut pag MWF.

“Ano’ng balak mo?” umayos siya nang upo.

“Di pa ‘ko sure, e. Pero malamang, ayoko na. Madali namang matanggap pag ganito, e. Pag first sem. Naisip ko kasi, kung tutuloy ako, isang taon na naman dahil isang taon ang kontrata rito. Isang taon na naman akong magtitiis sa mababang sahod. Di ba nga, balak ko nang lumipat sa publishing house, dahil gipit talaga kami. Natatakot lang akong baka di ko kayanin do’n. Kaya naisip ko, lilipat na lang ako sa ibang school. School pa rin pero sa mas malaki ang sahod. Ikaw?”

Hindi siya kumibo, nanatiling nakatingin sa akin, nag-iisip. Lumapit ang babaeng anak ng may-ari ng karinderya, ipinatong sa mesa namin ang dalawang puting tasang nakapatong sa mga puting platito.

“Natutuwa akong one year kong na-experience maging teacher. Nakaka-enjoy pala talaga. An’sarap sa pakiramdam ‘yung naisi-share ko ‘yung mga naiisip ko. Tapos, nakikinig sila. ‘Yung ramdam ko ‘yung worth ko. Sa industry kasi, 8 AM hanggang 9 AM, wala kaming ginawa kundi maglinis ng mesa. Dito, an’daming nangyayari sa loob ng isang araw ko.”

Humigop ako ng kape, habang nakatingin sa kanya. Napansin kong mas maganda siya pag ganoon na mukhang malungkot na seriyoso. Masarap titigan ang mga mata niya na mapungay at parang sa iiyak.

“Tapos, pag nakasalubong ako sa labas, papansinin ako. ‘Yung ramdam ko ‘yung existence ko.”

Naisip ko, lalo pag sa hayskul. Papaano pa kaya pag iyon ang naranasan niya? O kaya, papaano kaya kung ang sa unibersidad ang naranasan niya? Na puwede siyang maglakad nang wala man lamang nakakasalubong na estudyante niya. Ito kasi, college lang. Halos dalawang libo lang ang estudyante. Apat lang ang program, IT (Infromation Technology), CS (Computer Science), HRM at business management. Pero hindi ako kumibo.

“Ang pinakanagustuhan ko, ‘yung nu’ng birthday ko,” bahagyang nangiti si June, lumitaw ang mapuputi at pantay na pantay niyang mga ngipin. “Hindi kami nagklase ng isa kong section. ‘Yung pinaka-favorite ko. Tapos, may cake talaga sila. May video presentation pa. Puro mga picture ko. Ako raw kasi’ng favorite prof nila.”

Nangiti ako. “Ang sweet, ‘no?”

Tumango siya.

“So ano nga’ng balak mo? E di tutuloy ka pa?”

Nahinto ang paghigop niya ng kape. “An’dami ko kasing nakitang panget, e.”

Nagulat ako sa sagot niya. Kumunot ang noo ko.

“Tingnan mo, a. Sabi nu’ng orientation, ‘wag daw pag-uusapan kung magkano’ng rate natin. Sacred daw kasi ‘yung ganu’ng mga bagay. Tuwang-tuwa nga ako nang sinasabi ‘yun ni Dean. Nu’n pala, pare-parehas tayong P111 ang per hour. Unfair ‘yon. Kasi ako, thesis na lang ako sa MA ko. Nag-LOA (Leave of Absence) lang ako, dahil mag-iipon muna ‘ko. More than P100 thousand kasi’ng magagastos sa defense. E an’dami sa’tin, newly grad lang.”

Tumango ako. “E, ganu’n naman talaga sa mga gan’tong school. Ang turn-over rate nga raw rito, fifteen every year. Di ba? Isipin mo nga ‘yon. Every year, fifteen na teacher ang umaalis. Halos kalahati. Hindi makatagal sa sahod. Hindi sila marunong magmahal sa empleyado.”

“Oo nga. Pero sana naman, ‘wag nang sinasabing sacred. Masyado nang panloloko ‘yon. Ginagamit mo na ‘yung emosyon ng tao,” sabi ni June. “Saka ‘yung sa sahod, grabe. Hindi naman kasi madali’ng trabaho natin. Imagine, ang grading period natin, apat. Prelim, midterm, prefinals at finals. Kung may tatlo kang subject, doseng exam ang gagawin mo in a sem. Tapos, ipi-print pa natin ‘yung grade at papipirmahan sa mga student. Dapat, nasa kalahati’ng makapirma. Saka mo pa lang ie-encode.”

“Ang matindi pa d’yan, ‘ka mo, ‘yung sa finals. Two days after the examination day, encoding na. Pag hindi nakapag-encode, memo. Ano tayo, mga robot? Ang reason nila, kelangan daw madali ‘yung grade para mai-release agad, nang matagal ang enrollment season. Para maraming makapag-enroll. Puta, puro pera’ng iniisip nila. Wala man lang consideration sa’tin.”

“Saka ba’t kelangan nating papirmahan sa mga bata ‘yung gradesheet? Para tuloy tayong hindi gano’n ka-authorized. Para bang wala tayong masyadong power. Hindi tulad nu’ng mga college teacher sa ibang school.”

“Hindi talaga!” sagot ko. “Alam mo ba, si Sir Jake, hindi ko pa pala naikuk’wento. Kulang ng upuan sa classroom n’ya, kumuha ‘yung bata sa kabilang classroom. Dapat daw, ang magbubuhat pag gano’n, ‘yung maintenance. E walang maintenance. Si Sir Jake ang nagbuhat ng upuan nu’ng bata. ‘Protocol po kasi natin dito ‘yan, Sir,’ sabi raw nu’ng instructor sa kabilang room. Hiyang-hiya raw kay Sir ‘yung estudyante. Kinukuha raw sa kanya ‘yung upuan. Si Sir, sa inis n’ya, hindi n’ya ibinigay ‘yung upuan.”

Napailing si June. “Grabe ‘no? Kaya minsan, may mga student na ambaba nang tingin sa’tin. May thinking kasi silang sila ang nagpapasahod sa’tin.”

“Mali ‘yung mga bata sa gano’ng pag-iisip. Pero mas malaki ‘yung mali ng school, kasi sa kanila nagmula ‘yung ganyang pagtingin nu’ng mga bata, e. Tapos, tino-tolerate pa nila. Tingnan mo, ano’ng tawag nila sa mga estudyante? Customer. Talagang garapalan. Ipinamumukha nilang hindi ito school. Na business ito,” humigop ako ng kape. “Saka pansinin mo, parang walang halaga sa kanila ‘yung pagkatuto ng mga bata. ‘Yung academic excellence.”

“Ay, oo. Sobra,” sagot ni June. “’Yung library, ang unti ng aklat. Pero sa assessment form ng mga bata, nakikita ko, P1,500 ang library fee nila. An’dami ko ngang pina-research sa kanila, basic lang naman, pero hindi nila makita d’yan. Tapos, sabi  nu’ng ibang faculty, di ba, sarado raw ang library pag summer kahit may klase? Pero kasama pa rin sa binabayaran ng mga bata.”

“Saka kung talagang after sila sa pagkatuto ng mga estudyante, ang iha-hire nila, hindi man mga MA graduate, ‘yung may mga experience man lang. Hindi mga newly grad. Ako, marami ‘kong nakikitang reason d’yan. Una, ‘yung mga newly grad, okey ‘yon kahit sa mababang sahod. Kasi nga, wala pang experience. Then, ‘yang mga ‘yan, mga bata, madaling pasunurin. Walang tanong-tanong, sunod lang nang sunod. E sobrang bulok ‘yung sistema dito,” sabi ko. Hindi ako nangimi sa sinabi ko, kahit beynte tres pa lang ako, at si June, beynte kuwatro. Ganoon ako nang unang taon ko sa trabaho, sa una kong eskuwelahan. Hindi nakikita ang mga mali sa kumpanya.

Nanatiling nakatingin sa akin si June, habang humihigop ng kape.

“Sabi nga ng mga kaibigan ko pag nagkukwento ‘ko tungkol dito, gan’to raw talaga sa lahat ng school. Maraming panget. Wala naman daw perpektong school. Ang sagot ko naman, ba’t di nila subukan dito. Wala ngang perpektong school, pero ‘yung sistema dito, sobrang bulok. Saka puta,  puro papasok na pera ang mahalaga sa kanila.”

Tumingin ako sa paligid. Baka may estudyante o empleyadong kumakain. Kangina pa kami nag-uusap, hindi man lang namin naisipang baka may nakakarinig sa amin. Pero wala. Kami lang at dalawang tindera sa katapat na tindahan ng damit ang customer.

“’Yung paggu-gross cutting nila, sa sobrang tindi, mukha na silang tanga,” sabi ni June. “Imagine, pag below ten ang student, isang aircon lang ang gagamitin. Tapos, ‘yung susi, kinukuha pa natin sa guard, inila-log-in. Hindi tuloy makapasok ‘yung mga student. Nasa waiting area lang kahit ang init-init o umuulan. Dahil lang sa dahilan nilang ang binayaran lang ng mga bata e ‘yung aircon sa time na may klase sila. Mukhang tanga ‘no? Hindi kaya sila nahihiya?”

Natawa ako. “’Yung sa exam ang matindi. Pinipilit na maximum of four pages lang. Kahit hindi na mabasa sa sobrang liit ng font. Pag lumampas, pagagaw’in ka pa ng answer sheet. ‘Yung photocopy, ampanget pa. An’labo na nga, may mga itim-itim pa. Putang gross cutting ‘yan.”

“Alam mo, sa industry, hindi gan’to,” humina ang boses ni June. Para bang kaylungkot ng sasabihin. “Kasi, do’n, kahit pa sabihing business din ‘yon, medyo fair sa mga customer. Kasi, dapat, deserve nila ‘yung goods and services na makukuha nila. E ito, business na nga, sobra pa sa pagiging kapitalista. Nakakatakot kasi an’dami na nilang branch sa buong bansa. Bawat city rito sa NCR, meron. Bawat province yata, meron. Grabe. Gan’to karami’ng naloloko nila. Nadadaan sa mga radio at TV commercial.”

“Tapos, ‘yung mga syllabus pa nila, mali-mali. Hindi na nga updated, mali-mali pa.” Humigop ako ng kape. Dawalang sunod. Nagulat pa ako na wala nang kainit-init ang kape at na iyon na ang huling lagok. “Hindi maayos ‘yung order ng mga topic. Actually, pati naman ‘yung curriculum dito, e, hindi sa pang-aano, hindi maganda. Panget. Tama ba namang pagsama-samahin sa isang subject ang literature, sociology at anthropology? Ano pa’ng matututuhan do’n? E sa literature nga lang, kulang na’ng isang sem, e.”

“Pero alam mo kung ano’ng pinakaayaw ko rito?” tanong ni June. “Politika.”
Hindi ako kumibo. Kitang-kita ko sa labas ang nangakatambay at naninigarilyong mga estudyante. Isang pulang bus na pa-Novaliches ang dumaan. Itim na itim ang makapal na usok.

“An’dudumi ng mga tao rito. To think na sila ang mga nagtuturo sa mga bata, tapos, ganyan sila. ‘Yung family meeting lang na ‘yon, e, nakakasuka. Grabe.”

Ang Family Meeting ay meeting ng mga faculty member, araw-araw. Ala-una hanggang ala-una y medya nang hapon. Sa bawat araw, may instructor na nakalataga. May mga instructor na pang-Lunes, may pang-Martes, Miyerkules, Huwebes at Biyernes (walang pasok sa eskuwelahan kung Sabado). Mga immediate supervisor ang nagpa-facilitate sa meeting.

“Pa-family-family meeting pa nang tawag, dahil pamilya raw tayo,” sabi ko. “Hindi gan’to ang gusto kong pamilya.”

“Alam mo, nu’ng una kaming ipatawag do’n, kaming Tuesday group, natuwa talaga ‘ko. Kasi, sabi, bayad daw tayo sa thirty minutes na ‘yon. Tapos, ang pag-uusapan lang, mga tungkol sa buhay natin. Tungkol sa family mo, mga pangarap mo, ganyan. Para raw gumaan ang pakiramdam natin. Para maging mas maayos ang pagtuturo natin. Tuwang-tuwa talaga ‘ko. Nu’n pala, kinukuhanan lang tayo ng impormasyon kung kaninong immediate supervisor tayo galit. Kung sino’ng may balak pang mag-stay. Kung sino ‘yung mga napapangitan sa management ng school.”

“At ‘yon ang ginagamit against sa’tin,” sabi ko. “Tingnan mo si Sir de Castro, binanggit n’ya sa Family Meeting na inis s’ya sa immediate supervisor n’ya dahil alam n’ya, pinag-iinitan s’ya. Next sem, natanggal s’ya. Sabi pa, kakaunti raw kasi’ng teaching load kaya tinanggal. Nagpatawag pa ng meeting para lang do’n, halatang guilty. Ang tinanggal daw e ‘yung pinakamababa sa performance evaluation. E ang galing-galing kaya ni Sir, gustung-gusto nga ng mga estudyante ‘yon, e. Saka one year ang contract natin. Tapos, after a month lang, nalaman natin na hindi pa pala tapos ng MA itong head ng IT. E si Sir, tapos na. Kaya pala pinag-iinitan s’ya.”

Marami pa kaming napagkuwentuhan ni June nang araw na iyon. Madalas kaming mag-usap tungkol sa mga sama ng loob namin sa kumpanya, pero iba nang araw na iyon. Siguro, ganoon talaga. Ang mga bagay na pinag-uusapan, kahit parang paulit-ulit lang, bumibigat at nag-iiba nang timpla, pag nasasaling ng pamamaalam.

Tinanong ko siya ulit kung ano na ang plano niya, kung magpapatuloy pa ba siya. Pag-iisipan pa raw niya. Sabi ko, ako, baka hindi na.


Kinabukasan, Martes, hindi pumasok si June. Pinag-iisipan pa rin kung tutuloy pa siya. Ako naman, nagpasa na ng clearance at resignation letter. Hinakot ko na rin ang lahat ng gamit ko.

Nang sumunod na Lunes na kami nagkita ni June, nang kuhanin namin ang certificate of employment namin at ang tseke para sa huli naming suweldo. Nagkape ulit kami habang nagkukuwentuhan. Nagpasa na rin daw siya noong Huwebes ng clearance at resignation letter. Sa dalawang araw na pag-iisip, napagdesisyunan na raw niyang bumalik na lang sa car company. Mag-iipon daw muna siya nang makatapos na siya sa masteral. Malakas ang dating sa akin ng sinabi niya. “Nalulungkot ako, kasi, kada maiisip ko ‘yung first choice ko, ‘yung pagtuturo, ‘yung experience ko dito’ng maiisip ko. An’dating ngayon sa’kin, ganu’n kapanget ang pagtuturo.”


Magdadalawang taon na kami ngayong hindi nagkikita ni June. At tuwing nauupo ako sa tabing-bintana sa bus, at napapatingin sa langit, sa bahaging parang lagusan, madalas kong mahiling na sana, bumalik siya sa pagtuturo. At magkaroon ng magandang pagtingin sa minsang pinangarap na propesyon.