Biyernes, Hulyo 27, 2018

Sa Mga Gabing Gaya Nito



Dumarapo sa iyo ang lungkot
habang nagsusulat ka
o nagbabasa,
o gumagawa ng kung anuman
na batid mong makabuluhan.
Dumarapo siya sa iyong balikat,
kawangis ng uwak,
at pinapagpag
ang gamugmog na mga gana
sa iyong mga mata.

Sa mga gabing gaya nito,
na gusto mong manghinayang
sa araw na dumaan lang,
ngunit hindi mo magawa,
sapat na sa iyo
ang kaibigang mapagkakatiwalaan
ng mabigat na salaysay
kung papaanong ang buo mong araw
ay natatapos sa higaan.
Ngunit, maraming gabi
ang gaya nito,
na ang tangi mong kapiling
ay kapeng mapait
at murilat na dilim.


Huwebes, Hulyo 26, 2018

Tula


Hindi ikaw ang nagturo
sa aking umibig,
ngunit sa iyo ko natutuhang
panatilihin
ang ganitong damdamin.
Kahit lagi nitong kakambal
ang manghinayang,
malungkot, masaktan.
Pero, sa iyo ko mas natutuhan
ang paglaban.
Hindi pala ito anyo
ng karahasan,
kundi ibang gayak lamang
ng pagmamahal.
Kaya nang sabihin mong
Gamitin mo akong sandata,
sapagkat ang tinta
ay hindi nagtatapos
sa katagang ‘Mahal kita,’
tumayo ako at nagsuot ng tapang.

Salamat, sa iyo ko
napatotohanan,
bahagi ng pagmamahal
ang paglaban.


3/21/18
World Poetry Day

Biyernes, Hulyo 13, 2018

Paboritong Kuting


Sa maluwang na bodega ng Pamilya Serrano kami nakatira. Dito rin kami iniluwal ni Nanay. Kapiling namin sa bodega ang gulanit na mesa, matandang aparador, mga silyang tatlo na lang ang paa, lumang pakabayo, agiw, alikabok, mga daga at mga ipis.
Anim kaming magkakapatid na kuting. May pangalan na kaming lahat, pinangalanan na kami ni Nanay. Kaya hindi na kami kailangang pangalanan pa ng Pamilya Serrano. Pero sabi ni Nanay, kung papangalanan daw kami ng Pamilya Serrano, dalawa ang magiging pangalan namin. Ang pangalan namin bilang pusa at ang pangalan namin kapag tinutukoy kami ng mga tao.
Sa aming anim, paborito ni Nanay si Kamagong, bunso sa aming magkakapatid at purong itim ang kulay. Alam namin iyon, kahit hindi sabihin ni Nanay.
Kapag dedede nga kami kay Nanay, ipinupuwesto niya sa pinakamalapit sa kanyang ulo si Kamagong. Tinitiyak niyang nakakadede kaming lahat, at pinapanood niya kami. Pero nakikita ko, mas pinapanood niya si Kamagong. Dinadilaan pa niya nga si Kamagong para linisan ng balahibo.
Kapag naghahabulan kaming magkakapatid, kay Kamagong nakasunod ang mga tingin ni Nanay. Kung may masubsob sa amin, o mahulog mula sa upuan, tatakbo agad si Nanay. Pero mas mabilis ang takbo niya kapag si Kamagong ang nahulog o natumba.
Tuwing dinadalhan naman kami ng pagkain ni Baste, bunso ng mag-asawang Serrano, ipinaghihiwalay agad ni Nanay ng pagkain sa isang gilid si Kamagong. Magkukumpulan kami sa palibot ng bilog na pakainan, samantalang mag-isang kumakain sa isang gilid si Kamagong.
Kung bakit si Kamagong ang paborito ni Nanay, hindi ko alam. Hindi naman kasi siya nakalalamang sa kahit na kanino sa amin sa kahit saang bagay. Hindi rin siya ang pinakakahawig ni Nanay.
Kung ganda ng huni ang pag-uusapan, malayung-malayo ang ngiyaw niya sa ngiyaw ni Felina, panglima sa aming magkakapatid. Sa kintab naman ng balahibo, wala siyang panama kay Gayon, pang-apat sa amin. At kung pagandahan naman ng mata, tiyak na iwan siya kay Ningning, pangatlo sa aming magkakapatid.  Kaya kung pagiging nakabibighani ang pag-uusapan, hindi si Kamagong ang nangunguna sa amin.
Hindi rin si Kamagong ang may pinakamatalas na pakiramdam. Hindi hamak na mas matalas ang pang-amoy, pandinig at hindi hamak na mas malinaw ang mga mata ni Musang, pangalawa sa aming magkakapatid, kaysa sa kanya. Kung sa pagiging magilas naman, iwan siya sa akin, panganay sa amin, sa pag-akyat, pagtakbo o pataasan ng talon. Kaya hindi rin si Kamagong ang pinakamagaling manghuli ng mga daga sa aming magkakapatid. Bagay na napakahalaga raw sa mga pusa.
Pero ang nakapagtataka, kahit kailan, hindi sinaktan, ni pinagalitan, ni Nanay ang sinuman sa amin nang dahil kay Kamagong.
Minsan, nang madaganan ni Musang si Kamagong, dahil sa laro naming agawan ng binilot na papel, lumapit lang si Nanay, saka sinabing “Mag-iingat kayo at baka magkasakitan kayo.” Hindi niya pinagalitan si Musang, kahit alam kong mas mahal niya si Kamagong. Sa halip, itinayo niya pa silang parehas.
Nang madaganan ni Felina si Kamagong habang dumedede kami, hindi pinagalitan ni Nanay si Felina. Kahit alam kong mas mahal niya si Kamagong kaysa kay Felina. Tinanggal lang niya ang pagkakadagan ni Felina kay Kamagong, saka parehas silang dinilaan sa ulo.

Isang umaga, may dumating na may edad nang babae sa bodega, kasama ni Baste.
“Anim po sila,” sabi ni Baste. “Iyon po ang nanay nila, si Saysay,” saka itinuro si Nanay.
“Isa… dalawa… tatlo…” binilang kami ng babae, “apat… lima… anim.”
Dinampot niya si Felina, saka inilabas sa bodega. Nagkatinginan kaming magkakapatid, saka tumakbo kay Nanay. Dinig na dinig namin ang magandang huni ni Felina. “Ngiyaaaaw! Ngiyaaaw!” Pero takot ang naririnig namin sa huni niya. “Ngiyaaaw! Ngiyaaaw!”
“Huwag kayong matakot,” sabi ni Nanay. “Titingnan lang niya saglit si Felina.”
“Paano pong titingnan?” tanong ko.
“Beterinaryo siya, Alamid,” sagot ni Nanay. “Titingnan lang niya kung malusog ba si Felina. Kung hindi, bibigyan niya si Baste ng gamot na ipaiinom sa kapatid ninyo.”
“Ano po ang beterinaryo?” tanong ni Gayon.
“Sila, anak, ang doktor na sumusuri sa mga hayop. Kaya nilang gamutin ang mga pusa, aso, ibon, kuneho at iba pa. Siya ang tumingin sa akin nang ipinagbubuntis ko pa lang kayo.”
Ibinalik na ng beterinaryo si Felina. Pagkatapos, si Gayon naman ang kinuha niya. Tapos, si Ningning. Sumunod, si Musang. Tapos, ako. Saka niya kinuha si Kamagong.
Nabawasan ang kinang ng mga mata ni Nanay nang kunin ng beterinaryo si Kamagong. Lalo na nang magtagal sa beterinaryo ang aking kapatid.
“’Nay, bakit hindi pa ibinabalik si Kamagong?” usisa ni Ningning. Noon naman pumasok si Baste, bitbit si Kamagong, kasunod ang beterinaryo. Dahan-dahang inilapag ni Baste sa sahig si Kamagong.
 “Ano na po ang gagawin namin, Tiya?” tanong ni Baste.
“Mahina ang puso niya. Lagi mong ipapainom sa kanya ang vitamins na ibibigay ko. Ilayo mo rin muna siya sa mga kapatid niya at sa nanay niya, baka kasi madaganan siya. Masama rin sa kanya ang mapagod. Sensitibo ang lagay niya. Puwede siyang mamatay kapag nagkulang ang pag-aalaga sa kanya. Kapag nasa anim na buwan na siya, malakas na siya. Maaari na siyang makipaglaro ulit sa kanila.”
“Sige po. Gagawan ko po siya ng kulungan. Ikukulong ko na lang muna siya roon.”
Pagkaalis nina Baste, kinausap kami ni Nanay. Iyak naman nang iyak si Kamagong.
“Huwag kang mag-alala, lalakas ka rin, anak,” sabi ni Nanay, habang dinidilaan sa mukha si Kamagong.

Kinaumagahan, ginising kaming lahat ni Nanay, liban kay Kamagong. Dinala niya kami sa isang sulok, at may ipinaliwanag siya sa amin.
“Mahal ko kayong lahat,” panimula niya. “Sana ay huwag ninyong pagselosan ang kapatid ninyo. Mahina ang puso niya. Alam ko iyon, noon pa lang isilang ko kayo. Inuuna ko siya lagi hindi dahil mas mahal ko siya, kundi dahil siya ang pinakangangailangan sa akin.
“Simple lang ang hihilingin ko. Kailangang makita ni Baste na si Kamagong lang ang lagi kong katabi. Para isipin niyang hindi ninyo siya nadadaganan. Sa ilalim ng mesa na lang muna kayo pupuwesto. Kapag gabi na, puwede na kayong lumipat. Tiyak namang hindi tayo pupuntahan ni Baste kapag gabi.
“Bawal din muna ang mga laro. Kaya ba natin gawin iyon, mga anak?”
Tumango kaming lahat.
“Magseselos ba kayo kay Kamagong?”
Umiling kaming lahat.
Ngumiti si Nanay, at lalong nagningning ang kanyang mga mata. Sumiksik kaming lahat sa kanya, at isa-isa niya kaming dinilaan sa mukha.

Sabi ni Nanay, dalawang buwan pa lang daw kami ngayon. Apat na buwan pa raw kaming magtitiis. Pero ayos lang sa amin. Gagawin namin iyon para kay Kamagong. Walang magseselos sa aming magkakapatid, alam ko. Gaya ni Nanay, inuuna lang namin si Kamagong dahil siya ang pinakanangangailangan. Pero sa pagiging kapatid sa isa’t isa, gaya ng pagtingin ni Nanay, magkakapantay ang turing namin.