Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maikling prosa. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na maikling prosa. Ipakita ang lahat ng mga post

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Sakal


Kailangan ko ng nobelang The Sound and the Fury ni William Faulkner, hindi sa klase sa masters, kundi para sa aking sarili. Hindi ko pa kasi iyon nababasa, kaya pakiramdam ko, ang laki ng kahungkagan sa literary life ko. Kaya nga Biyernes ng hapon, bago umuwi, galing sa PLM kung saan ako nagtuturo, dumaan muna ako kay Romy sa Blumentritt. Mas gusto kong sa kaibigan o kakilala nanghihiram, kaysa sa library. Namamadali kasi ako sa pagbabasa pag sa library, dahil may due date, kahit pa puwede namang ipa-extend ang aklat. At dahil doon, hindi ko gaanong nai-enjoy ang pagbabasa.

College pa, magkaibigan na kami ni Romy. Parehas kaming kumukuha ng Masters in Creative Writing sa La Salle. Iyon nga lang, katatapos lang niya ng college at ako, nakakadalawang semestre pa lang sa masters, nang mapagtanto naming sa Filipino pala namin gustong magsulat, na hindi hamak palang mas masarap magsulat at magbasa ng mga akda sa wikang araw-araw mong ginagamit.

Pagsilip ko sa gate ng apartment niya ay nakita ko agad siyang nagkakape, habang nakapatong na sa plastik na mesita ang aklat.

“Pogi,” sabi ko pagkatapos ko siyang sutsutan. “Kainitan ‘yang kape mo.”

Natawa siya. “Pasok, pasok.” At hindi na nag-abalang ipagbukas ako ng pinto.

Mag-isa lang sa apartment si Romy. Taga-Meycauayan sila. Nag-apartment siya dahil sa apat na unibersidad siya nagtuturo, puro part-timer. Nang hindi siya masyadong mapagod.

Inalok niya ako ng kape, pero tumanggi ako. Hanggang mamaya, kung anu-ano na ang pinagkukuwentuhan namin.

“Narinig ko na naman kanina sa TV ‘yung linyang ‘lalagay na sa tahimik.’ ‘No ba ‘yon?” natawa si Romy. Iyong sarkastiko niyang tawa.

“Sabi sa showbiz news ‘yan ‘no? Sa kasal nina Marian at Dingdong?” hula ko.

“Oo,” sabi niya. Ubos na ang kape niya. “Kahit nga ang mga magulang natin, e, pag tinanong natin kung mas tahimik ba ang buhay-may-asawa, sasabihin nilang hindi. Sinasabi lang sa TV ‘yang ‘lalagay na sa tahimik’ na ‘yan para maging mas inspiring, saka dala na rin siguro ng impluwensiya ng fairy tale. And they lived happily ever after. Saka para hindi na rin kailangan pa ng paliwanag. Magpapaliwanag ka pa kasi pag sinabi mong complicated ang buhay-may-asawa. Bakit complicated? Pa’no naging complicated?”

Tumango ako. Alam ko na kung saan patungo ang usapan namin. Lalo’t ganitong apektadong-apektado siya sa narinig.

“May natutuhan nga ‘ko, P’re. Ang galing,” panimula niya. “Tingnan mo, a. Kasal. Magpapakasal ka dahil gusto mo na. Nalaman ko ngang ang pagpapakasal, malaki ang relasyon sa status mo sa society. Example, marami ‘kong kilalang taga-probins’ya na lampas beynte lang, beynte-k’watro, ganyan, nabuntis na agad, nakabuntis, o gusto na talagang mag-asawa. Lalo ‘yung mga walang trabaho. E kasi, wala silang mapagkaabalahan. Kaya makikipagrelasyon, at mabubuntis nga’t makakabuntis. O kaya, mag-aasawa nga, para ma-experience ang ibang buhay. Masyado nang batumbato sa daily life nila. Kaya pansinin mo ‘yung mga nakatapos, ‘yung maraming opportunity sa buhay, ‘yung maraming pinapangarap at alam na malaki ang chance nilang maabot ‘yon, lumalampas na minsan ng thirty, wala pang asawa.”

Hindi ako sumagot. Matagal ko nang napapansin iyon.

“So, kasal nga, kasal,” sabi niya. “Ngayon, pag ‘kinasal ka, hindi lang bagong buhay ‘yan, baka mas paghigpitan ka pa ng napangasawa mo, mahirapan ka rin sa commitment at responsibilities. In short, masasakal ka. Sakal.”

Napangiti ako sa anagrams niya. Ang husay. Naalaala ko ang tuldik at kudlit niya, parehas apostrophe sa Filipino.

“Akala ko nga dati, pinagbabawalan lang kapag girlfriend, boyfriend, pag asawa na, dahil iyo na, hindi na. Hindi pala. Mas mahigpit pa nga kung minsan. Base sa marami kong nakilala, a. Kaya lumiliit ang mundo nila. Kaya totoo pala ‘yung line na naririnig natin, like, ‘mag-masters ka na, hindi mo na matatapos ‘yan pag nag-asawa ka na.’ Di ba?

“Ngayon, dahil sakal na sakal na, mag-aaklas ‘yan. Aklas.” Napangiti akong lalo. “Aalis sa bahay nang walang paalam, o kung minsan, gagawin pa ‘yung ayaw ng karelasyon. Parang naghahamon. Nagrerebelde. And then, pag hindi na-handle nang mabuti, the last stage, kalas. Maghihiwalay sila.”

Gusto kong mapapalakpak sa husay niya sa anagrams sa Filipino. Ano kaya sa Filipino ang anagrams? Malamang na meron. Pero kinalabutan ako sa paliwanag niya. Kasal, sakal, aklas. At pag hindi naayos, pag nabuwal at hindi na bumangon, kalas. Naalaala ko ang magkasunod na pelikula ng mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo. Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal, Sakali, Saklolo. Parehas pumapaksa sa salimuot ng buhay-may-asawa.

“Wala ka na talagang balak mag-asawa?”

Nag-isip siya saglit. Madalas naming tanong iyon sa kanya. Napaka-cynical kasi ng tingin niya sa pag-aasawa. Masaya na siya sa pa-girlfriend-girlfriend. Puwede ba namang habambuhay na ganoon?

“Dati, wala. These past few months, naisip ko, ayokong magsalita nang tapos. Pero, mas nakikita ko pa rin ang sarili ko na hindi mag-aasawa.”

Nablangko ako. Ironic na ngayon na may gayon siyang formula na anagrams ay saka pa siya naging maingat sa pagsasalita. Maturity marahil.

“Saka unfair ‘yung society,” sabi niya. “May line si Eli Guieb sa short story n’yang ‘Kasal.’ It says there, kinabisado ko talaga, “Nakapanlulumong ikulong sa loob ng mga panaklong, na para bang kilala na ng iba ang kabuuan ng iyong pagkatao batay sa mga kategorya kung saan ka nila ibubulsa.” Maraming p’wedeng interpretation do’n, kahit i-base sa story, sa context, marami pa rin. Pero ako, base on my schema, gan’to ko tinitingnan ‘yon. Kung di ako mag-aasawa, ikukulong ako ng society sa category. Una r’yan, maraming magsasabing bading ako. Ipagpipilitan nila ‘yon. Sasabihin, ‘e ba’t walang asawa?’ O kaya, sasabihin nilang hindi ako masaya. Na para bang ang pagiging ganap na lalaki, at pagiging masaya, o pagiging ganap na tao, sige, e nakadepende sa pag-aasawa.”

Tama, sa isip-isip ko. Kasal. Nabasa ko na ang maikling kuwentong iyon sa Likhaan 1996. Kasal, pero tungkol sa paghihiwalay. Kalas.

Tumagal pa nang mahigit isang oras yata ang kuwentuhan namin. Pero kung saan-saan na napunta. Pero sa pag-uwi ko, naiisip ko pa rin ang sinabi niya. Kasal, sakal, aklas, kalas. Naiisip ko kaya ito dahil ang husay ng anagrams, o dahil sa takot ko sa sinasabi nito? Single na ulit ako. Pero gusto ko namang mag-asawa at magkapamilya.

Sa Monumento, habang nasa dyip, sa tabi ng driver, may nakita akong aso sa tapat ng Victory Mall. Nakikigulo sa paroo’t paritong mga tao. Parang alien. At naisip ko, askal. Asong-kalye. Naisip kong sa paglipas ng dekada ay marinig pa kaya iyon? Malamang na palitan na ito ng aspin. Asong Pinoy. Sino nga kaya ang nakaisip niyon? Ang tindi ng malasakit sa aso. At tama rin naman. Hindi naman talaga gaya ng pusang kalye ang asong nakikita sa kalye. Laging may nagmamay-ari sa aso. Hindi gaya ng pusa. Minsan, walang nagmamay-ari. Pagkatapos, may isa na naman akong naisip. Sakla. At isa pa ulit, laksa. Laksang askal na naglalaro ng sakla? Puwede. Sa lamay ng mga taong pumapatay sa kanila. Puwede kayang pelikula iyon? Dawn of the Planet of the Dogs?*


Mag-aalas-seis na ako dumating sa bahay. Dinatnan ko si Papa na nasa ilalim ng owner namin, may kung ano na namang binubutingting. Nasa tabi ng pinto ng owner si Mama, nakaupo sa monobloc, at nakapatong sa stainless na takip ng makina ang kape. Alam kong para kay Papa iyon. Napatigil ako sa paglalakad. Bigla kong naalaala ang mga pagkakataong kinakausap kaming magkakapatid ni Papa, pag may isa sa amin na nakapagtataas ng boses kay Mama, at ang mga madaling-araw na maaalimpungatan ako’t maririnig na nag-uusap sila ni Mama, tungkol sa mga gastusin sa bahay at sa mga pangarap namin, gaya ng pagkakaroon ng sariling bahay.

At bigla akong may naisip. Parang gumuhit talaga iyon sa isip ko, at nag-iwan ng malinaw na marka. Nang hindi ako maligaw.

Lakas.



*pasintabi sa pelikulang ‘Dawn of the Planet of the Apes’

Biyernes, Enero 16, 2015

Best in Student's Evaluation


“Ayoko ngang nagko-compute ng grades, nakakabaho ng hininga!” malakas na sabi ni Sir DJ.

Tawanan. Hindi ko agad nakuha. Nangiti na lang ako nang ma-gets ko na. Hindi sa biro kundi sa pagiging slow ko. Natawa rin ako sa irony, na kay Sir DJ ko pa iyon narinig.

English teacher si Sir DJ, bading at mahilig sa musika. Maganda ang boses, mala-David Pomeranz. Iyon ang palagay kong dahilan kung bakit gusto niyang tinatawag siyang DJ. Parang disc jockey. Ipinipilit, dahil Daniel San Jose ang buo niyang pangalan. DSJ ang talagang inisyal.

Nasa 33 anyos na siguro si Sir DJ. Payat na matangkad. Medyo blonde ang buhok. Mabait daw siyang tiyuhin. Siya ang nagpapaaral sa dalawa niyang pamangkin. Isang hayskul at isang kolehiyo. Parehas pa man ding private.

Siya ang nakakuha ng best in student’s evaluation award last semester. Nakakainggit, dahil tinalo niya ang lahat. Sa akin, iyon ang pinakamahalagang award ng teacher. Patunay na gusto ka ng mga estudyante, at na may natutuhan sila sa iyo. Para bang pagiging tao, kapag maraming natutuwa at humahanga sa iyo. Nahiling ko na sa mga susunod na taon, magkaroon din ako ng gayong award. Pagsisikapan ko. Pag-aaralan kong lalo ang mga subject ko. Sasamantalahin kong two preparations lang ako.

Cash at plake ang iniabot sa kanya. Nasa dalawang libo lang siguro iyon, dahil kuripot ang aming eskuwelahan.

“Thanks for this award,” sabi ni Sir DJ, tangan ang plake at ang sobre. “I would like to express my gratitude to Dean and to my immediate supervisor. I did not expect that among us, forty instructors, I would be granted this honor. This is indeed a surprise that I am very thankful of.”

Unang linggo iyon ng Nobyembre, unang linggo para sa ikalawang semestre.

Pero kalagitnaan lang ng Enero, nag-AWOL si Sir DJ.

Patapos na ang Enero nang malaman ko sa kuwentuhan ng mga coteacher ko, o mas maganda yatang tawaging tsismisan, na kinausap ni Sir Renz, head ng GE Department, di Sir DJ. Tinerminate daw si Sir DJ. Nalaman palang nagpa-part time siya sa ibang school, at dalawang school pa.

“Magagalit talaga sa kanya,” bulong ng isang HRM instructor. “Full time s’ya rito, tapos, commited pa s’ya sa iba. S’yempre, against ‘yun sa management practice. Pa’no s’yang makapagbibigay ng magandang service dito?”

“Saka sinabi naman ‘yun nang ma-in tayo rito,” sagot ng NSTP instructor. “Na pag full time ka na rito, hindi ka na p’wedeng magtrabaho sa ibang school. Kahit saan naman, ganu’n ang policy.”

“Pero ang galing n’ya, a. Hindi ko napansing three schools s’ya. Mostly, pakanta-kanta nga lang s’ya,” sabi ng isang IT instructor.

“Pero grabe pa rin ‘yun, ‘no?” sagot ng isang psychology instructor. “Termination agad.”

Sa isang klase ko na klase rin ni Sir DJ, nagtanong ang mga estudyante kung bakit wala si Sir.

“Hindi ko alam, e,” pagmamaang-maangan ko. Ayokong ako naman ang ipatawag ng immediate supervisor ko.

“Wala na raw s’ya, Sir, e.”

Nagulat ako. Wala rin talagang maililihim sa mga estudyante.

“Sayang, napakataas pa namang magbigay ng grade ni Sir.”

Na-curious akong bigla. “Bakit, ano’ng grade mo sa kanya?”

“1.0 po,” mabilis na sagot ng estudyante. “1.5 na po ang pinakamababa sa’min.”

Natahimik ako. Gulat na gulat. World literature na kayhirap na subject, minamani nang ganoon ang grade?


Hindi na nakuha ni Sir DJ sa locker niya ang lahat ng gamit niya. Kamamadali, dala marahil ng kahihiyan, maraming natira. Isang umaga, binuksan iyon ni Sir Renz. Bukod sa amin, sila lang ni Dean ang may susi sa mga locker namin. Ipinatong niya sa katabing mesa ang natirang mga gamit ni Sir DJ. Napapapalatak siya at napapailing.

Kinabukasan niyon, narinig ko sa bulungan ng mga coteacher ko, na walang tsek ang mga prelim exam ng mga estudyante ni Sir DJ. Maging ang lahat ng mga seatwork.

Isang nakatambay ako sa harap ng bahay namin, nagtsatsaa at patingin-patingin sa mga bituin, napansin ko na lang sa sarili ko na hindi na ako ganoon kainterasado sa best in student’s evaluation award.

Sabado, Enero 10, 2015

Pocket Wi-fi


Mag-a-anim na buwan na ang internet namin. DSL ang gamit namin dati, naputulan kami noong Hunyo dahil dalawang buwan kaming hindi nakabayad. Abril at Mayo. Ako kasi ang nagbabayad ng internet, at wala naman akong trabaho nang summer vacation. Naospital pa si Papa, nagastos ang naitabi kong P5,000.

Noong Agosto, kailangang-kailangan ko na talaga ng internet. Dahil sa masters ko at sa trabaho, history teacher ako sa kolehiyo. Sa ngayon, kasali na yata sa basic needs ng tao ang internet. Binabayaran namin ang utang naming dalawang buwan para ibalik ang internet. Kaso, nabuwisit lang si Mommy. Hanggang Agosto raw ang pinababayaran  sa amin.

“S’wapang masyado ‘yang mga ‘yan!” sabi niya. “Babayaran, e dal’wang b’wan nga lang ang nagamit natin!”

Kinagabihan, ako naman ang inis na inis. Dahil sa panggigipit sa amin ng telecommunication company na iyon, at sa dahilang wala pa rin kaming internet.

“Pocket wi-fi na lang ang i-apply natin. Para kahit lima’ng naka-connect, kaya,” sabi ng pangalawa namin. “Sa Cloud internet tayo. Mabilis. Tingnan mo ‘yung nasa commercial.”

Totoo. Hangang-hanga nga ako sa nasa advertisement. Nag-download ng pelikula sa torrent ang babaeng artista, saka nag-motorsiklo. Ang bilis-bilis nang takbo niya. Lumilipad ang sasakyan. Tumatalon sa mga tulay, umaangat ang gulong sa unahan. Pagbaba niya, hinahangin pa ang buhok, downloaded na ang pelikula. The lightning experience, sabi sa commercial ng Cloud.

Iyon ang ini-apply namin, doon sa fourth floor ng SM. Sinamahan ako ni Mommy.

P1,999. P999 ang bayad sa internet para sa unang buwan, at P1,000 sa mismong device. Mabigat din sa bulsa. P14,000 lang naman ang sahod ko kada buwan, labas na ang mga kaltas. Pero walang magagawa, kailangang-kailangan.

Pinapirma muna ako ng kontrata. Sa akin na raw ang mismong device. Tatlong araw raw bago magka-internet. Kung ayaw ko na raw sa service nila, ipa-terminate ko lang daw. Puwede ko raw gawing prepaid.

“Pag two months pong hindi nabayaran, Ma’am, Sir, puputulin na po ‘yung net,” sabi ng staff. “Ibabalik lang po pag na-settle na ninyo ‘yung bill.”

“Two months po?” ulit ni Mommy.

“Opo,” tumango ang staff.

Tuwang-tuwa ako nang gabing iyon. Nakapikit na’y nangingiti pa. Sa wakas, makakapag-net surfing na ng mga research sa masters. Mas madaling mag search ng pamagat ng aklat sa OPAC kung alam ko ang hahanapin ko. Makakapag-send na rin sa akin ng PowerPoint presentation sa e-mail ang mga estudyante ko. Para hindi na sila makikisaksak ng flashdrive sa netbook ko pag magri-report sila. Ilang beses na ring nagka-virus ang netbook ko. P500 din ang pagpapa-reformat at pagpapa-install ng mga program.

Pero ilang linggo ko pa lang nagagamit ang internet, naiinis na ako. Sabi, kayang-kaya kahit lima kaming naka-connect. Pero akong mag-isa pa lang ang gumagamit, ang bagal-bagal na. Page not found pa kung minsan.

“Iba-ibang lugar kasi ‘yan, Sir,” paliwanag ng coteacher ko. “May lugar na malakas ang Smart at Globe. May lugar na mahina.”

Binigyan ko ng benefit of the doubt ang Cloud. Dinala ko sa eskuwelahan ang pocket wi-fi. Pero anak ng tokwa, napakakupad pa rin. PPT lang naman ang idina-download ko, inabot pa nang kalahating oras. Partida, fifth floor pa ang faculty room namin. The lightning experience daw. Sira-ulong commercial. Hahagisan mo pala ng kidlat sa sobrang inis! Sayang, hindi ako si Zeus. Nagmamadali pa man din ako dahil may klase na.

Naalaala ko ang kahawig na kuwento ng kapatid ko. Nagpa-register daw siya sa promo, unli call and text for 5 days, dahil nasa Sagada ang girlfriend niya.

“Mayamaya ba naman, Kuya, hindi na ‘ko makakontak. Over used daw. Peste! Akala ko ba, unli? Tapos, eight hours bago bumalik. Kinabukasan, wala ulit. Eight hours na naman. Nasayang lang ‘yung one hundred ko.”

Laging maaga nang apat na araw kung dumating ang  bill namin. Tuwing a-seis dapat, pero a-dos, nasa bahay na. Hindi naman kami nahuli nang bayad, kahit kailan. May dagdag na P32.75 pa nga kaming binayaran noong ikalawang buwan. Sabi ni Mommy, installation fee raw ang sabi sa bill. Tinawagan ko nang nasa faculty room ako, para lang daw sa DSL ang ganoon. Hindi ko naman na nabawi dahil nai-misplace namin ang resibo. Hindi ko alam kung tanga o nanggagantso lang. Bakit sisingilin ng installation fee, pocket wi-fi nga lang naman?


Nang mag-Enero, nagbayad ako ng P6,000 sa tito ko para sa inutang kong pang-tuition nitong second semester. Wala na ring natira sa pera ko dahil sa nagastos namin noong Pasko at bagong taon. Maliit pa ang sinahod noong Enero 15 dahil hindi naman kami bayad noong Christmas vacation.

Hindi ko nabayaran ang bill noong Pebrero 6.

Pebrero 18, nawalan kami ng internet.


Linggo, Enero 4, 2015

Mga Aklat


Walang mapaglagyan ang tuwa ko pag marami akong bagong aklat. Atat na atat na akong basahin ang mga ito, at tuwang-tuwa ako pag nakikita ko ang mga ito na patung-patong at nababasa ko sa mga spine ang mga pamagat. Ipinapatong ko lang muna ang mga ito sa computer table, para lagi kong nakikita. Isasalansan ko lang ang mga ito sa aklatan pag kumukupas na ang tuwa. Ihahalo ko na sa ibang aklat, iaayos nang alphabetical. Ganito ang nangyayari taun-taon, kada Setyembre, pagkagaling ko sa sa SMX Convention Center, sa Manila International Book Fair, at kung Disyembre at Marso, pagkagaling ko sa sale sa UP Press, sa UP Diliman.

Pero kahapon, hindi ganoon ang nangyari. At hindi ko agad iyon napansin.

Nakatanggap ako kahapon ng pitong aklat—Saan Papunta ang mga Putok? ni Rogelio L. Ordoñez, Metamorphosis ni Franz Kafka, Robinson Crusoe ni Daniel Defoe, Sarilaysay ni Rose Torres-Yu, House of the Seven Gables ni Nathaniel Hawthorne, The Old Man and the Sea ni Ernest Hemingway at Animal Farm ni George Orwell—bigay lahat ni Mary Anne. Second hand lang ang mga aklat, bili sa Booksale, sa MIBF at sa mga sale sa National Book Store. Nakasulat sa gilid, sa pinakapahina ng mga ito, ang pangalan niya. Minsan, ng marker, minsan ng signpen. Anne. Pero maayos lahat ang mga ito. May ilang may plastic cover, walang may punit, walang nabasa ng ulan.

Nasa Fairview kami noon, sa bahay ng isa sa aming magkakaibigan at magkakaklase noong kolehiyo. Puro kami AB Filipinolohiya sa PUP, at lahat, titser sa hayskul o kolehiyo. Ala-una dumating ang halos lahat. Doon na kami nagtanghalian. Inuman pagkatapos. Tanduay ice lang, dahil hindi naman umiinom ang mga babae.

Alas-kuwatro na dumating si Mary Anne. May dalang mga chichiria na nakalagay sa supot ng Mercury Drug.

“Grabe, ikaw ang pinakamalapit. Ikaw ang pinakahuling dumating!” biro ng isa na sa Pasig pa nanggaling.

May inasikaso pa raw kasi siya, ayaw naman niyang sabihin kung ano.

Isa si Mary Anne sa pinakamahusay sa klase namin. Magaling siya sa panitikan, at mahusay sa mga pananaliksik na pampanitikan. Naiinis nga siya kapag itinuturo ang panitikan sa paraang subjective, gaya ng madalas daw na mangyari sa hayskul. Kaya nga sa kolehiyo siya nagtuturo.

“Masisilip mo kasi sa mga akdang pampanitikan ang kasaysayan, kung ano ang buhay dati, kung ano’ng kultura noon at ngayon. Kaya dapat, hindi ito binabalewala,” madalas niyang sabihin kahit noong nag-aaral pa kami.

Hindi tapos si Mary Anne ng masters. Naiirita raw kasi siya sa mga guro niya.

“Kung anu-ano’ng itinuturo nila. Hindi nila nakikita ‘yong salimuot ng social sciences, na maraming p’wedeng sagot at na nakadepende sa kat’wiran mo kung alin ang mas matimbang na sagot. Hindi nila masilip ‘yung relasyon ng bawat larangan sa isa’t isa,” sabi niya noong nakaka-27 units na siya.

Makalipas ang ilang oras na kuwentuhan, inaya niya kami sa kanila. Sa Diliman lang sila nakatira. Ipanamimigay na raw niya ang mga aklat niya. Nagulat kaming lahat.

“Bakit?” sabi ng isang taga-Makati.

“Sa dyip na lang natin pagkwentuhan,” sabi niya. Nakangiti siya, pero iyon lamang sa bibig. Wala iyong sa mga mata.

Sa dyip, inilibre niya kaming lahat. Walo kami. Ikinuwento rin niyang mangingibang-bansa na siya, sa Qatar. Kung ano ang trabaho roon, ayaw niyang sabihin.

“Kailangang-kailangan kasi ng pera. S’yempre kung dito ‘ko, pa’no kong makakaipon? E magkakapamilya rin ako balang-araw.”

Naalaala ko ang nagastos nila nang ma-caesarian ang hipag niya.

Pagdating sa kanila, pumasok siya sa kuwarto niya. Saka ipinatong sa mesa sa tabing pinto ang natitira pang mga aklat. Nahingi na raw ng mga estudyante niya ang iba. Isang estudyante niya ang kumuha sa lahat ng Bob Ong, isa ang nakakuha ng limang John Steinbeck. Mayroon daw doong Grapes of Wrath. Nanghinayang ako na hindi kami napaaga nang punta.

Silid na Mahiwaga?” sabi niya, tangan ang aklat.

“Akin ‘yan, akin!” sabi ng isa, at iniabot ni Mary Anne ang aklat.

“Tatlong Ambeth Ocampo?”

Kinuha ng pangalawa sa pinakamahilig sa amin sa kasaysayan. Kumpleto na raw kasi niyon iyong pinakamahilig sa amin sa kasaysayan.


Kagabi, alas-onse na ako dumating sa bahay. Tulog na ang mga tao. Binuksan ko ang ilaw sa computer table. Sinulatan ko ang flyleaf ng bawat aklat. Isinulat ko ang buong pangalan ko, ang petsa at ang lugar kung saan nanggaling ang aklat. Ganito ko inaangkin ang bawat libro ko. Kung sa nabili ko, isinusulat ko pa ang presyo at kung saan ko nabili.

Binuklat ko ang Saan Papunta ang mga Putok? Natapat sa Kapayapaan sa Madaling-araw. Matagal ko nang nabasa ang kuwentong iyon. Tungkol sa amang pulubing hindi makabanaag ng pag-asa sa buhay. Kaya nagpasagasa na lamang siya sa tren, isang gabing umuulan—kasama ang kanyang anak.

Binasa kong muli ang akda.

Masarap mangarap, ngunit mapait kung alam mong hindi mo na matutupad, sabi sa maikling kuwento.

Alam kong hindi gayon si Mary Anne. Ngunit parang may mabigat na damdamin pa ring ngumangatngat sa akin. Nakakasira ng pagtingin sa buhay.

Binuksan ko ang ilaw sa sala. Kinuha ang lahat ng aklat, at isinalansan sa aking aklatan.

Lunes, Disyembre 15, 2014

Evangelista St.


Mga limang minutong lakad din bago nakakita ng hardware si Mercy, 45 anyos, mula nang mahanap niya ang Evangelista St. Sa Sta. Cruz siya bumaba, sa tapat ng Manila Grand Opera Hotel. Mula roon, nilakad lang niya hanggang Raon. Basta kayang lakarin, nilalakad niya. Kahit ganito na tanghaling tapat. Nanghihinayang din siya sa P8.50.

Isang lalaking nakalumang t-shirt na itim at pantalong maong na parang ilang araw nang suot ang nakatayo sa harap ng hardware. Mukhang nasa 30 anyos na ito. Nakahalukipkip. Patingin-tingin sa mga tao. Boy siguro ng hardware, sa loob-loob niya.

Tinitigan siya nito nang mapansing papalapit siya.

“Kuya, me bearing kayo?” dinukot niya sa bulsa ng pantalon niya ang nakatuping pilas ng notebook, at tiningnan ang nasa listahan. Nakisilip ang lalaki.

“Dal’wang pares,” sabi niya. “Size 6204 at 6203. Pantubig.”

“Titingnan ko ho,” hinawakan ng lalaki ang papel. “Pahiram po muna.” Ibinigay ni Mercy.

“Hintayin n’yo muna po ‘ko d’yan.” At umalis ang lalaki. Pero hindi ito pumasok sa hardware, naglakad ito palayo. Hanggang mawala sa kapal ng mga tao. Naisip niyang baka wala roon, at sa kapatid na hardware pa ito titingin.

Kinuha ni Mercy sa shoulder bag ang baong Sky Flakes at tubig. Nagugutom na siya.

Maraming tao. Darami pa ang mga ito dahil patapos na ang Oktubre, sa loob-loob niya. Magpa-Pasko na. Marami na namang holdapan at hablutan ng cellphone.

Malapit na siyang mainip nang bumalik ang lalaki.

“Mabuti may natira pa,” bungad nito, nakangiti. “Lima na lang.”

“Magkano po?”

“Three hundred ho’ng isa.”

P1,200 di bale. Pabili iyon ng hipag niyang taga-San Miguel, Bulacan. Para sa tosang. Tumawag kagabi sa asawa niya. Inilista ng asawa niya sa papel ang kailangan. Siya ang pinabili dahil may pasok ito sa pabrika.

Namahalan siya. Walang sinabi sa kanyang presyo ang hipag niya. Hindi rin alam ng asawa niya kung magkano. Pinaabonohan pa nga muna sa kanya ng hipag niya. Babayaran na lang pag-uwi nila sa Undas.

“Itatanong ko muna po sa nagpapabili,” sabi niya. Kinuha niya sa lalaki ang papel.

Naglakad-lakad siya. Magka-canvass muna siya. Ayaw rin niyang mapamahal nang bili. Tulong na rin sa hipag niya. Madalas sila ritong mangutang. Hindi niya muna ito iti-text. Saka na, pag wala siyang nakitang mas mura. Baka mahablot ang cellphone niya. Magpa-Pasko. Mahirap na.

May nakita siyang hardware sa tapat ng isang karinderya. Mas maliit kumpara sa kangina. Dumiretso siya sa loob.

“Kuya, me bearing kayo? Gan’tong size?” Iniabot niya sa nakataong lalaki ang papel. Tinitigan nito ang papel. “6204 at 6203,” sabi niya.

“Magkano’ng sabi sa’yo nu’ng lalaki?”

“Ho?” Naguluhan siya. Hindi niya nakuha.

“’Yung nakausap mo kangina, magkano’ng sabi?”

Naalaala niya ang lalaking naka-t-shirt na itim.

“Three hundred daw po’ng isa,” sagot ni Mercy.

Napailing ang kausap niya. “One fifty lang po’ng isa n’yan. Kalahati’ng kanya kung pinatulan n’yo.” Kita sa mukha nito ang inis.


Pauwi, tumutugtog sa dyip ang isang kantang pamasko. Hindi niya alam ang pamagat. Pero paulit-ulit na binabanggit ang linyang May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas? Ang kaligayahan nati’y walang kupas. Di alintana, kung walang pera. Basta’t tayo’y magkakasama.

At may kung anong hiwagang naging hatid sa kanya ang kanta. Hindi niya maipaliwanag. Ang malinaw sa kanya, hindi iyon saya.


Linggo, Setyembre 14, 2014

Student’s Evaluation


“Ma’am, kamusta sa’yo si Adora?” sabi ko kay Ma’am Bells. Nasa faculty room kami. Nagri-record ako ng seatwork sa laptop ko, nasa harap naman siya ng salamin. Nag-a-eye liner.

“’Ay, naku! Hindi ko alam ang mga pangalan nila,” tumingin siya sa akin. “Alam mo kung bakit?”

“Bakit po?”

“Kasi, dati, sabi sa’kin sa evaluation, may favoritism daw ako. Kasi, ‘yung ibang estudyante, tinatawag ko sa pangalan. E ano’ng magagawa ko? E sa natandaan ko, dahil pala-recite. Kaya ngayon, hindi ko sila tinatawag sa pangalan nila. At ni hindi ko alam ang mga pangalan nila. Malalaman ko lang pag halimbawa, ‘A, ikaw si Ganito…,’ o tapos, titingnan ko sa class record. ‘Bagsak ka sa’kin, a.’ ‘Yon, Sir. Gano’n ako.”

Itatanong ko sana kung papaano niya nalalagyan ng grade ang recitation kung hindi niya kilala ang estudyante. Pero hindi na ako kumibo. Tiwalang-tiwala siya sa estratehiya niya. Baka ma-offend lang siya pag nagtanong ako.

“Ten years ago na ‘yung comment na ‘yon sa’kin, Sir. And up to now, dala ko ‘yon. Hindi ko na tinatandaan ang mga estudyante!”

Isa iyon sa pinakanatatandaan kong pag-uusap namin ni Ma’am Bells. Marahil, natandaan ko iyon dahil sa bitterness niya sa evaluation. At sa maling pagtingin na madalas kong marinig sa mga titser…ang pag-aangkop ng teaching method para sa evaluation, sa halip na para sa mga estudyante.

Sa tantiya ko, nasa 35 taon na si Ma’am Bells. Maiksi ang makapal niyang buhok. Madalas siyang naka-blouse na light color. Makinis sana siya kung hindi lang dahil sa mga marka ng tagyawat sa kanyang mukha.

Sampung taon na siya sa unibersidad na iyon, private university kung saan siya nagtapos ng college. Ako naman, newly hired. Nitong June lang. Part-timer lamang ako. 9 units lang.

Isa pang usapan namin ni Ma’am Bells na natatandaan ko ay iyong 10:30 ng umaga, bago siya pumasok sa next period niya. Ang klaseng papasukan niya ang first period ko, pang-7:30 to 10:30 ko. Siya ang sa second period.

“Takot nga ‘yung mga ‘yon sa’yo, Sir,” sabi niya. Nagsusumbong pala sa kanya ang mga bata, dahil siya ang adviser. “Lagi raw kasing mali ang sagot nila.”

“Papa’no naman kasi, Ma’am, ginagawang subjective. Ngunit Filipino, akala, subjective na. E science ang Filipino, linguistic. May tama at mali. O kundi naman, ‘yung sagot nila, hungkag. Sentence lang. Pag hinawi ko ‘yung sentence, walang laman.”

“Saka sabi ko nga sa kan’la, okey lang magkamali. Kasi, estudyante pa lang sila.”

Tumango ako.

“Kausapin mo na lang din ulit sila, Sir,” sabi niya. “Para din ‘yan sa evaluation mo.”

Mabait naman si Ma’am Bells. Masarap tumawa. Palabiro. May mga ilang bagay lang talaga akong ayaw sa kanya. Hindi personal. Kundi sa pagtuturo.

Madalas, parehas 7:30 ang first period naming dalawa. Sa iisang building. At madalas, dumarating siya nang 7:20. O kung minsan, late nang ilang minuto. Magmi-make-up pa siya. Ako, 7:40, umaakyat na ako. Pero 7:00, nasa school na ako. Siya, umaakyat siya nang siguro, 8:00 na. Nakikita ko minsan dahil magkatapat lang kami ng classroom. Kawawa naman ang mga estudyante. Kalahating oras na naghihintay.

45 units si Ma’am Bells. Normal iyon sa unibersidad na iyon. Nagulat nga rin ako noong una. Pag may accreditation, nagiging 24 units ang 45 units o higit pa na hawak ng mga titser. Ang galing. Lusot.

Tulad din si Ma’am Bells ng ibang titser. Dahil puro 3 oras ang klase roon, at mataas ang mga load, isang oras lang silang nagtuturo. Ang dalawang oras, kombinasyon ng breaktime, early dismissal, late na pagpasok ng titser, at OBE (Out-come Based Education). Pero natural, sa dami nang tsitsekan, ang mga ipina-OBE, hindi na tsinetsekan. Kinukuha na lang ang pangalan. Perfect na.

Hindi ko rin siya nakitang nag-prepare man lang ng lesson o sa kung anomang may kinalaman sa pagtuturo. Hindi ko naman sinasabing dapat, laging nakikita ng coteacher na naghahanda sa pagtuturo ang coteacher niya. Maaari namang kasing sa bahay siya naghahanda. Pero iyong kahit minsan, hindi mo nakitang naghanda, gayong araw-araw, nakikita mo, iba na yata iyon.


Isang umaga, pagdating ko sa faculty room, nandoon na si Ma’am Bells. Madalas, ako ang unang tao sa faculty room. Pero ngayon, siya.

Nakabukas ang netbook niya, tumutugtog nang mahina ang ‘It’s All Coming Back’ ni Celine Dion. Ipinatong ko sa kabilang mesa ang backpack ko, at pinanood ko siya.

Nakaitim na blazer siya. Noon ko lang siya nakitang naka-blazer. Hindi naman maginaw. Mahina niyang binabasa ang nasa slide ng PowerPoint presentation niya. Sa tabi ng netbook, isang textbook. Biology marahil, dahil iyon ang itinuturo niya.

Sa saglit na panonood, naramdaman kong parang hindi siya ang Ma’am Bells na halos araw-araw kong nakakakuwentuhan. Hindi ako sanay na ganoon siya.

7:20, nang marami-rami na kami sa faculty room, nag-CR ako. Pagbalik ko, napansin ko ang nakapaskil sa board. Letter, mula sa Guidance Office. Payagan daw ang mga estudyante pag pinababa ng GO para sa student evaluation sa kani-kanilang teacher. Ang petsa, Agosto 18 hanggang Agosto 22. Isang linggo na lang bago ang Agosto 18.

Naunawaan ko ang lahat.

Iyon lang, at nasira na ang umaga ko.


Linggo, Agosto 17, 2014

NBI Clearance


8:30 ng umaga, Hunyo 4, nang dumating ako sa NBI Recto, sa loob ng Ever Gotesco Mall. Hindi na iyon maaga, dahil sa ganitong mga bagay, 4:30 pa lang, ang haba na ng pila. At ganoon nga nang dumating ako.

Nag-upo sa sahig ang mga tao, dahil iyong mga malapit nang papasukin lang ang may upuan. Sobrang init. Parang mga treng tumutulay sa patilya ko ang pawis ko. Hindi pa bukas ang mall, kaya patay pa ang mga aircon. Marami ang nagpapaypay. Iyong iba, pamaypay ang gamit. Iyong iba, panyo na lang. Ako, dahil walang panyo at pamaypay, kamay na lang. Nakakainip. Marami ang nagsi-cellphone. May nagti-text. May naglalaro ng naglalaro ng Zombie Tsunami at Hill Climb sa tablet. Iyong dalawang babae sa likod ko, parang parehas nang lampas trenta, mangingibang-bansa yata. Pinapayuhan ng isa ang kasama kung papaano ang mga gagawin pag nasa abroad na sila. Pagkatapos, nagkuwento naman ang kausap ng mga bibilhin niya pag sumasahod na sila.

“Naku, pag-aaralin ko talaga’ng mga pamangkin ko. Ayokong matulad sila sa’kin.”

Maya-maya, gumalaw ang pila. Laking tuwa ko—nasa upuan na kami. At maya-maya ulit, gumalaw ulit ang pila. 9:30 na sa cellphone ko. Sa loob na kami. Pero hindi ko na ito ikinatuwa.

Sa loob ng dating sinehan ang bayaran. At puno ng kukuha ng clearance ang tatlong hati ng upuan sa balcony. Ang dami ring tao sa baba. Napakamot ako. Nag-unahan sa upuan ang mga bagong pasok. Iba na ang mga katabi ko. Nasa dulong likod na iyong dalawang babae.

“’Yong mga bagong dating po,” sigaw ng matandang lalaking staff, “pangatlo pa po kayo! Una po sila!” Itinuro niya ang mga nasa gawing kanan. Marami sa mga ito ang tulog. “Kanina pa po silang 4:30 rito. Susunod po sila!” Itinuro niya ang mga nasa gitna. “Saka pa lang po kayo!”

Nakita ko sa mukha ng mga katabi ko ang pagkadismaya.

Kinuha ko sa bag ko ang ‘Peksman’ ni Eros Atalia. Talagang dinala ko ito. Magaang basahin. Okey na okey para sa mga ganitong pagkakataon. Pangalawang kuha ko na ito ng NBI clearance, sa main ang una. Sa UN Avenue. Inabot ako noon ng anim na oras. Sising-sisi ako na wala man lang akong dalang kahit na anong libro.

Maya-maya lang, tapos ko na ang dalawang kabanata ng aklat. 10:25 na. Sumandal ako at umidlip muna.

Nagising ako nang mag-“excuse me” ang nasa dulong upuan. 11:02 na sa cellphone ko. Hindi pa rin gumagalaw ang pila. Nasa upuan pa rin iyong mga kanina pang 4:30. Tumayo ako. Isa lang pala ang bukas na window para sa payment, dalawa ang sa encoding, dalawa ang sa picture taking, at isa ang sa releasing. Naiipon na ang mga tao sa payment.

“B’wisit na gobyerno,” sabi ng may edad nang lalaki na nakaupo sa aisle. “Gan’tong bagay na lang di pa magawa’n ng paraan.”

“Sobrang hirap kumuha, ‘no?” sabi ng kasama nito. “Dapat, hindi tayo nahihirapan sa pagkuha ng NBI clearance. Hindi naman tayo kriminal. Cleared naman tayo sa NBI.”

Tama, sa isip-isip ko. Ako, kung hindi lang talaga kailangan, hindi ako kukuha ng NBI clearance. Kahit pa sabihin sa aking kumuha na dahil kakailanganin din. Ang kaso, pre-employment requirement. Hindi ako sasahod hangga’t hindi ako nakakapagpasa.

Bumalik ang babaeng nag-“excuse me” kanina. May dalang mineral water. Kumain siguro. Gusto ko ring kumain. Gutom na ako. Pero tiniis ko na lang ang gutom ko. Sa bahay na lang, nang makatipid. Gipit. Walang teaching load nitong summer. Dalawang buwang walang pera. Mabuti’t nag-almusal ako, kung hindi, baka kanina pa ako hinimatay.

Saktong alas-dos na nang makabayad ako ng P115. Kinse minutos pa, naiabot ko na sa nasa releasing ang resibo ko. At maya-maya lang, ibinalik din sa akin. Nakatatak sa likod, NBI RELEASED JUN 11 2014. Napakamot ako. Babalikan pa sa susunod na Miyerkules.


4:05 na nang dumating ako sa bahay. Wala pa ring kain. Binuksan ko ang radyo, sa FM, at dumiretso ako sa kusina.

Habang kumukuha ako ng kaning-lamig, ibinabalita sa radyo na nakalabas na ng bansa ang dalawang itinuturong sangkot sa pork barrel scam—pagnanakaw ng P10 bilyon sa kaban ng bayan.