Lunes, Mayo 21, 2012

Biyaheng Na[bu/vo]tas


Alas-dos ng madaling-araw ng Martes, Abril, napakadalang lang ng mga sasakyan sa EDSA.

Isang ordinary bus ang pa-Navotas, wala pa yata sa labing-lima ang sakay. Panay ang tingin ng isang bakla sa magkasintahan sa bandang likod. Panay ang halikan ng mga ito. Pakiramdam niya, hindi na humihinga. Guwapo ang lalaki, at nai-imagine niya, siya ‘yong babae. Kahit hindi ito maganda.

Nagbabasa naman ng “Hataw” ang matanda sa tabing bintana, at nanonood ng sex scandal sa cell phone ang isang lalaki. Habang tulo-laway na natutulog ang payatot na lalaki sa tabing-pinto.

Huminto saglit ang bus, may isang bumaba. At biglang may sumakay, lalaking naka-t-shirt na puti.

“Holdap ‘to!” paltik na .45 pistol ang dala ng lalaki. “Patakbuhin mo!” utos nito sa tsuper.

Nahinto ang lahat— ang naghahalikan, ang nagbabasa, ang nanunuod, ang nagpapantasya. Liban sa natutulog. Mabilis na ang takbo ng bus.

“Ilabas lahat ng pera.”

Ni-cut ng humahagibis na kotse ang bus, namreno ang tsuper, nasubsob ang mga pasahero, nalaglag ang “Hataw” at ang cellphone na may scandal at nahulog sa sahig ang natutulog at parang tinadyakan ang holpdaper palapit sa windshield, humampas ang mukha sa posteng hawakan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento