Miyerkules, Disyembre 31, 2014

Dalawang Hanay


Isang mahaba’t makitid
na itim na guhit.
Sa magkabilang gilid
nakahanay ang mga mall.
Maliliit ang kanilang pagitan
minsan isang dangkal,
minsan pulgada lamang.
Masdan ang kanilang kalamnan,
sa loob, sa labas,
malusog, mabulas.
Sa kanilang malayong likuran,
hindi pansin ang pagkakahanay
ng mga pagamutan.
Patatlu-tatlong dangkal
ang kanilang pagitan,
yayat na yayat
ang kanilang katawan.


Paggalaw ng Pasko


Mula nitong Disyembre 15, hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Lalo kapag nakakarinig ako ng Christmas song sa kapitbahay, sa aming radyo o sa mga bangketa at mall. Pag naririnig ko sa TV Patrol o sa 24 Oras ang mga linyang, “Sampung araw na lang po, Pasko na.” Pag ginagabi ako nang uwi at nakikita ko sa mga kalsada at sa malalaking gusali ang masisiglang Christmas light at umiilaw na mga parol. Minsan nga, nainis pa ako sa Landmark Trinoma. Nobyembre iyon, gabi. Pauwi ako. Nasa dyip ako noon, kagagaling lang sa UP Diliman. Bahagya akong nainis nang makita kong nagliliwanag ang mall sa sobrang dami ng nagsabit at naglambiting mga Christmas light. Iba’t iba ang kulay. Parang matalim at manipis na kutsilyo, gumuhit sa isip ko, na ang gayong gawain ay matinding kapitalismo. Ginagamit ang Pasko para tumaas ang benta. Mas masarap nga namang mamili kung dama mo sa binibilhan mo ang Kapaskuhan.

Ang sinasabi kong hindi maipaliwanag na nadama ko—ay kahungkagan. Hindi ako makapaniwala na sampung araw na lang, Pasko na. Na umuunti pa, nagiging siyam, walo, pito, habang papalapit ang araw. Hindi ako makapaniwala na ilang araw na lang, Pasko na, at hindi ko pa rin ito ramdam. Hindi ko maunawaan kung bakit parang wala lang ito sa akin. Parang paghihintay sa isang pangkaraniwang araw—pangkaraniwang araw na ipinagpipilitan ng lahat na espesyal. Maging sa mga coteacher ko at mga kaibigan, ganito ang naririnig ko. “Hindi ko ramdam ang Christmas,” sabi ng isa. Ano ang nangyari sa aking Pasko? Bakit kumupas ang kulay nito?

Salamat sa pagtanga kung gabi, sa pagmumuni sa harap ng mga tasa ng tsaa at kape, sa paglalakad nang mag-isa at sa ilan pang anyo ng paglilimi, naunawaan ko ang pinanggagalingan ng gayong kahungkagan.


Madalas kong marinig noong bata pa ako ang linyang, “Para lang sa bata ang Pasko.” At dahil wala akong karanasan na gaya ng sa mga kinaringgan ko niyon, hindi ko iyon nauunawaan. Pumapasok lang sa isang tenga at lumalabas sa kabila, sabi nga. (Sapagkat ganoon naman ang pag-unawa. Hindi sapat na kilala lang ang salita. Kailangang nauunawaan ang dala nitong diwa. At para mangyari iyon, may danas dapat ang nakakarinig/nakakabasa.)

Nagtataka rin ako noon kung bakit may mga taong Paskung-Pasko ay nagtatrabaho. Takang-taka ako tuwing nakikita ko ang mga kabaranggay namin sa Callos, sa Nueva Ecija, kung bakit Paskung-Pasko ay may dalang lilik ang ilan at nagpupunta sa tumana. Kung bakit may mga nakasakay pa sa kalabaw o patuki at nagpupunta sa bukid. Kung bakit maraming nanay at tatay ang Paskung-Pasko ay hindi man lamang nakapanglakad. Huwag na iyong bagong damit. Iyon na lamang nakabihis nang pang-alis.

Ilang araw bago mag-Pasko, nabasa ko sa isang photo sa Facebook ang isang joke. Ang mga ito raw ang yugto ng buhay ng tao: una, naniniwala ka kay Santa Claus; ikalawa, hindi ka na nanininiwala kay Santa Claus; ikatlo, ikaw na si Santa Claus; ikaapat, kamukha mo na si Santa Claus. Natawa ako sa huli. Kamukha mo na si Santa Claus. Karaniwan na sa nagkakaedad ang gayong katawan. Mataba at alun-alon ang bilbil. Pero hindi ko ni-share ang photo, o ni-like man lamang. Joke itong malaki ang kurot sa dibdib ko.

Dati, noong nasa elementarya pa ako, espesyal sa akin maging ang Setyembre 1. Sabi nga, “Ber na, malapit na ang Pasko.” Lalo akong natutuwa pag nadarama ko ang malamig na simoy ng hangin na binabanggit sa mga awiting pamasko, kapag nangangatog ako sa ginaw kung gabi at hirap na hirap sa pagbangon kung umaga. Iba pa man din ang lamig sa amin, dahil bukid na ang likod-bahay namin. Noon, kung magpa-Pasko, natutuwa ako sa mga Christmas song, sa kumukuti-kutitap na Christmas light, at sa mga parol na parang duyang nilalaro ng hangin sa pagkakalambitin ng mga ito sa kisame. Kahit napakapangkaraniwan lang ng mga dekorasyong iyon. Nag-aaya rin ako ng mga makakasama sa pangangaroling. Mga pinsan ko o mga kababata.

Pag hapon ng Pasko at pauwi na kami sa Peñaranda, galing Gapan, Nueva Ecija, tuwang-tuwa ako habang tinutuos ko sa isip ko ang mga naaginaldo ko. Lalo kung ang suma total ay umaabot sa isang libo. Iyon din ang mga panahon na naiinggit ako sa dalawa kong kapatid at sa mga pinsan ko, dahil mas marami silang ninong at ninang. Isang pares lang kasi ang ninong at ninang ko dahil biglaan ang pagpapabinyag sa akin dahil sakitin ako noong sanggol pa.

Sa gayong edad, ang tingin ko sa Pasko ay pagkuha sa akin nina Mama at Papa, para isama sa Valenzuela at ibili ng mga damit sa SM o sa Grand Central sa Monumento. Pagpunta sa Gapan para mamasko sa mga kamag-anak namin sa panig ni Papa. Pagmamano sa mga tao na sa mukha ko lang kilala o na noon ko lang nakita. Pagtikim o pagtingin sa iba-ibang pagkain. Pagsisimbang-gabi sa IEMELIF. Pagki-Christmas Party sa eskuwelahan, o pagki-Christmas Party naming mga bata sa kapilya. At pagbili ng mga laruan mula sa mga tinanggap na aguinaldo. Noong simula, robot na nagiging sasakyan ang gusto ko. Kalaunan, pellet gun.

Ang tingin ko rin noon sa Christmas vacation ay hindi bakasyon. Hindi iyong panahon para mag-relax, panahon na walang gagawing assignment at hindi kailangang gumising nang maaga. Ang tingin ko noon sa bakasyon ay panahon para maglaro kami ng mga kababata ko, na mga kapitbahay namin. Hindi rin namin iyon tinatawag na Christmas vacation, kundi “bakasyong munti.” Munti sapagkat naikukumpara sa summer vacation na higit na mahaba.

Nang maghayskul ako, nag-iba na ang tingin ko sa Pasko. At ni hindi ko iyon napansin. Ang tingin ko na noon sa Pasko ay panahon para pumorma, ipakita sa iba ang magandang bihis, at tumanggap ng mga papuri sa mga kamag-anak. Na kesyo ang puti-puti ko at iba pa. Habang ang tingin ko naman sa bakasyon ay panahon para umuwi sa Nueva Ecija, at magpakasaya. Panahon para makasama sina Nanay at Tatay, lola’t lola ko, na matagal kong hindi nakita. Panahon para makipagkulitan sa mga pinsan ko. Hanggang nang magtapos ako sa kolehiyo, ganito ang pananaw ko. Normal na normal sa isang teenager. Bahagya pa nga akong nailing sa sarili noong nasa unang taon na ako sa hayskul, at balak ko pa ring ipambili ng pellet gun ang napamaskuhan ko.

Nang magbeyte anyos ako at nang nagtatrabaho na ako, unti-unti, nagbago uli ang pagtingin ko sa Pasko. At hindi ko ulit ito agad namalayan. Hindi na espesyal sa akin ang Setyembre 1. Katunayan, may dala pa nga itong mga hibla ng lungkot at takot na isinasaboy sa aking mukha. Sapagkat malapit na ang Pasko. At pagkatapos nito, Bagong Taon na. Panahon na ng paglilimi sa kung ano lamang ang mga nagawa ko sa lumipas na taon. Pag patapos na Oktubre, mas matingkad pa kung minsan sa isip ko ang paparating na 13th month pay kaysa sa paparating na Pasko. Hindi naman sa pagtatanggol sa sarili, ngunit hindi naman pagiging mukhang pera ang ganito. Sabihing namulat lang ako sa katotohanang kailangan ng tao ang pera. Pambayad sa bahay, kuryente, tubig at internet. Pang-enroll at pambili ng bigas. Higit kaysa pambili ng laruang robot at pellet gun.

Hindi na rin ako gaanong natutuwa sa mga dekorasyong pamasko. Masarap na lang sa mata ang mga ito. Hindi na gaano iyong sa dibdib. Naisip ko nga, papaano kaya kung makikita ng batang ako ang higanteng mga Christmas tree na nakikita ko ngayon sa mga hotel at mall? Papaano kaya kung makikita niya ang makukulay na fireworks display na namumukadkad sa kalawakan kung Bagong Taon? Papaano kaya kung makikita niya ang umiilaw na mga parol at higit na masisiglang Christmas light—gaya ng nasa Trinoma? Papaano kaya kung sa kanya ko ibibigay ang mga laruang iniaaginaldo ko sa mga batang pinsan ko? Sigurado ako, magtatatalon siya sa tuwa. Mapapapalakpak siya. Walang mapagsidlan ng saya.

At ganoon nga marahil. Kaya may kahungkagan sa dibdib ko, ay sapagkat hindi na ako ang batang iyon. Iba na ang pagtingin ko sa buhay. May mga responsibilidad na akong pasan. Hindi na kasingsimple ng dati ang lahat. Hindi na puwede iyong palilipasin ang maghapon nang nakatunganga lamang tv sa panunuod ng cartoon at puwedeng gawin ang kung ano mang maibigan. Ngayon, kailangan na ng sakripisyo. Kailangang magsipag at magtiyaga.

Hindi na gaya ng dati ang Pasko. Sapagkat alam kong pagkatapos nito at ng Bagong Taon, balik sa dati ang lahat. Kailangan muling pumasok sa trabaho, nang may sahurin. Nang may maipambayad sa mga bayarin. Kailangang balikan, tsekan at irekord, ang mga quiz at seatwork ng mga estudyante, nang hindi matambakan ng gagawin at hindi maisyuhan ng memo. Mahirap nang hindi ma-rehire, mahirap maghanap ng trabaho. Kailangang balikan ang paper sa masters. Mahirap ma-incomplete. Kung patatagalin ang masters, baka ma-maximum residency. Papaanong mapakikinabangan ang digri kung gayon? Papaanong tataas ang rate at ang sahod? Saglit na pagtakas at pahinga rin ang panahong ito, sa madaling sabi.

Isang bagay rin ang naging malinaw sa akin. Ang Pasko at Bagong Taon ay waring nasa magkaibang bahagi ng see-saw, o ng timbangang libra. Noong bata pa ako, ang Pasko ang nasa ibaba. Ito ang higit na mabigat. Ngunit ngayon, ang Bagong Taon na ang nasa ibaba. Ito na ang higit na matimbang. Sapagkat mayroon na akong konsepto ng lungkot, bunga ng pamamaalam sa mamamatay na taon. Nakadarama na ako ng takot at pag-asa sa sasalubunging bukas. Ngayon ko mas nauunawaan ang nabanggit ng tita ko noong bata pa ako. “Ang Bagong Taon naman talaga ang dapat na ipinaghahanda.”

Iniintindi ng mga indibidwal maging sa araw ng Kapaskuhan ang maraming problema. Itinatakwil nga lamang ng isip dahil sa pagtinging espesyal ang Pasko. Dapat masaya. Naka-relax. Walang iniintinding trabaho. Ngunit hindi iyon maiwawasan. Marami ang sa kinabukasan lamang ng Pasko ay may pasok na. Marami rin ang sa mismong araw ng Pasko ay nasa trabaho. Mas malungkot iyong sasalubong sa Bagong Taon nang nasa duty. Marami ang pa-beynte-beynte kung magbigay ng aginaldo, o wala na ngang iniaabot. Iniintindi ang bayad sa bahay at disconnection notice ng Meralco. Ano pa kaya ang anyo ng aking Pasko kung nasa ganitong yugto na ako?

Naalaala ko tuloy ang sabi ng prinsipe sa The Little Prince ni Exupery. Malalaman mo raw na tumatanda ka na pag nag-iisip ka na ng numero. Numero ang sahod, maging ang iniisip kong nagastos ko sa pagbibigay ng aguinaldo.

Naisip ko tuloy na sa pagdami ng responsibilidad ng tao, umiilap sa kanya ang saya. Gaya nga ng bata. Walang responsibilidad. Kaya kahit sa nadampot niyang bato, nakakadampot siya ng saya. Naisip ko rin ang pinagmulan ng SMP (Samahan ng Malalamig ang Pasko). Ito iyong mga indibidwal na walang kasintahan kung Pasko. Nabuo kaya ito dahil kadalasan, pag tumatanda na, nagiging halos pangkaraniwang araw na lang ang Pasko? At na nagkakaroon lamang ito ng init o matingkad na kulay pag mayroon kang karelasyon?

Para bang nasa isang bilog ang tao at ang Pasko. Ang Pasko ang nasa pinakagitna. At palayo nang palayo ang tao sa patuloy niyang pagtanda. Napapalapit lamang kung minsan dala ng ilang pagkakataon, gaya nga ng pagkakaroon ng karelasyon.

Kaya nitong Pasko, hindi na ako nagtaka kung bakit Paskung-Pasko, dinatanan naming sa Gapan na naglalaba ang tiyahin ko, at kung bakit nagpunta pa sa bukid ang kapitbahay namin. Hindi na ako nagtaka kung bakit maraming magulang ang hindi nakadamit pang-alis at kung bakit marami ang nasa bahay lang.

Pero siyempre, hindi ko rin dapat kaligtaan, na dahil ang Pasko ang nasa pinakagitna ng bilog, hindi talaga ito ang nagbabago—kundi ang mga taong tumitingin dito.


Martes, Disyembre 30, 2014

Lunes, Disyembre 15, 2014

Evangelista St.


Mga limang minutong lakad din bago nakakita ng hardware si Mercy, 45 anyos, mula nang mahanap niya ang Evangelista St. Sa Sta. Cruz siya bumaba, sa tapat ng Manila Grand Opera Hotel. Mula roon, nilakad lang niya hanggang Raon. Basta kayang lakarin, nilalakad niya. Kahit ganito na tanghaling tapat. Nanghihinayang din siya sa P8.50.

Isang lalaking nakalumang t-shirt na itim at pantalong maong na parang ilang araw nang suot ang nakatayo sa harap ng hardware. Mukhang nasa 30 anyos na ito. Nakahalukipkip. Patingin-tingin sa mga tao. Boy siguro ng hardware, sa loob-loob niya.

Tinitigan siya nito nang mapansing papalapit siya.

“Kuya, me bearing kayo?” dinukot niya sa bulsa ng pantalon niya ang nakatuping pilas ng notebook, at tiningnan ang nasa listahan. Nakisilip ang lalaki.

“Dal’wang pares,” sabi niya. “Size 6204 at 6203. Pantubig.”

“Titingnan ko ho,” hinawakan ng lalaki ang papel. “Pahiram po muna.” Ibinigay ni Mercy.

“Hintayin n’yo muna po ‘ko d’yan.” At umalis ang lalaki. Pero hindi ito pumasok sa hardware, naglakad ito palayo. Hanggang mawala sa kapal ng mga tao. Naisip niyang baka wala roon, at sa kapatid na hardware pa ito titingin.

Kinuha ni Mercy sa shoulder bag ang baong Sky Flakes at tubig. Nagugutom na siya.

Maraming tao. Darami pa ang mga ito dahil patapos na ang Oktubre, sa loob-loob niya. Magpa-Pasko na. Marami na namang holdapan at hablutan ng cellphone.

Malapit na siyang mainip nang bumalik ang lalaki.

“Mabuti may natira pa,” bungad nito, nakangiti. “Lima na lang.”

“Magkano po?”

“Three hundred ho’ng isa.”

P1,200 di bale. Pabili iyon ng hipag niyang taga-San Miguel, Bulacan. Para sa tosang. Tumawag kagabi sa asawa niya. Inilista ng asawa niya sa papel ang kailangan. Siya ang pinabili dahil may pasok ito sa pabrika.

Namahalan siya. Walang sinabi sa kanyang presyo ang hipag niya. Hindi rin alam ng asawa niya kung magkano. Pinaabonohan pa nga muna sa kanya ng hipag niya. Babayaran na lang pag-uwi nila sa Undas.

“Itatanong ko muna po sa nagpapabili,” sabi niya. Kinuha niya sa lalaki ang papel.

Naglakad-lakad siya. Magka-canvass muna siya. Ayaw rin niyang mapamahal nang bili. Tulong na rin sa hipag niya. Madalas sila ritong mangutang. Hindi niya muna ito iti-text. Saka na, pag wala siyang nakitang mas mura. Baka mahablot ang cellphone niya. Magpa-Pasko. Mahirap na.

May nakita siyang hardware sa tapat ng isang karinderya. Mas maliit kumpara sa kangina. Dumiretso siya sa loob.

“Kuya, me bearing kayo? Gan’tong size?” Iniabot niya sa nakataong lalaki ang papel. Tinitigan nito ang papel. “6204 at 6203,” sabi niya.

“Magkano’ng sabi sa’yo nu’ng lalaki?”

“Ho?” Naguluhan siya. Hindi niya nakuha.

“’Yung nakausap mo kangina, magkano’ng sabi?”

Naalaala niya ang lalaking naka-t-shirt na itim.

“Three hundred daw po’ng isa,” sagot ni Mercy.

Napailing ang kausap niya. “One fifty lang po’ng isa n’yan. Kalahati’ng kanya kung pinatulan n’yo.” Kita sa mukha nito ang inis.


Pauwi, tumutugtog sa dyip ang isang kantang pamasko. Hindi niya alam ang pamagat. Pero paulit-ulit na binabanggit ang linyang May tatalo pa ba sa Pasko ng Pinas? Ang kaligayahan nati’y walang kupas. Di alintana, kung walang pera. Basta’t tayo’y magkakasama.

At may kung anong hiwagang naging hatid sa kanya ang kanta. Hindi niya maipaliwanag. Ang malinaw sa kanya, hindi iyon saya.


Silang Nasa Kabila


Nagkakaisa sa babala ang tinig at mga titik
ng telebisyon, diyaryo at radyo:
bakal ang mga bisig at kuko
ng paparating na bagyo.
Nagpalit ng bihis ang lungsod.
Wari muling mga langgam o pagong,
nagtago ang mga billboard.

Sa ilang pauwing mga tagasyudad,
bago ulit ang lahat.
Sa hubad-barong kalansay na mga bakal
muli nilang nasisilip
ang kinakalawang
at narerehasang kalawakan.


Miyerkules, Nobyembre 19, 2014

Tugon


gabi

tinakot ng dilim
ang siyudad

hindi ito nasindak

tumugon
ng sanlaksang
nanlilisik na liwanag


Huwebes, Oktubre 16, 2014

Maaari


Kaysarap sa pandinig
ng salitang ‘maaari,’
ang himig ng mga pantig
ang pag-uulit sa mga patinig:
ma – a – a – ri.
Kaysarap bigkasin nang paulit-ulit:
ma – a – a – ri.
Pagsasabing ‘puwedeng oo,’
‘puwedeng hindi.’
Guhit sa pagitan
ng malabo at malinaw.
Sa huling pantig
ibinibigay sa akin ang pasya
( ma – a – a – ri )
kung maglalakas-loob na tumawid
sa huklubang tulay
na hinahambalos ng hangin.

Miyerkules, Oktubre 15, 2014

Pagsasalansan


Marahas, humahalik sa iyong mukha
ang hanging habagat.
At may kung ano kang
nadampot sa tanawin
o may kung anong
iniabot sa iyo ang hangin,
dagli kang nakalikha ng tula.
Mabilis ang daloy ng diwa,
dahong nakalulan sa agos
ng kristal na ilog.
Ang mga salita, taludtod
maingat mong isinalansan:
iniayos, sininop,
pinagsunod-sunod.
Dalawang maingay
na estranghero ang sumakay.
Malulutong ang halakhak,
pinupuno ang maluwag na sasakyan.

Binalikan mo ang isinasalansan,
nagimbal ka sa inabutan:
basag-basag na ang mga ito
sa iyong paanan.


Linggo, Oktubre 12, 2014

Tricycle Driver


Mabagal ang takbo,
payapa ang ugong ng makina,
banayad
maging ang bawat pagkaldag;
nag-aalangan ang bawat pag-iwan
sa nagngangang kanto’t eskinita;
nakababagot ang pagpapalit ng mga larawan.
Dalawa pa lamang ang iyong pasahero:
isa sa loob,
isa sa likod.
Sa lawak ng espasyong
pinipilit sakupin ng mga mata
malimit mong makita
ang patpat na mga anak:
pinakakasimot
ang mga kanin sa pinggan.

Sabado, Oktubre 11, 2014

Pusa


Nakapangalumbaba sa gusgusing mesita,
sa kanyang tabi, maputlang kape
at matigas nang pandesal.
Tulog pa ang tatlo niyang anak.
At bukas, may pasok na naman.

Nirahuyo ng payapang pusa
ang kanyang pansin:
may mangilan-ngilang kulay
ng papalubog na araw
masinop na nakikipagsalitan
sa balahibong kasingsaya
ng puting mga ulap;
tahimik na dinidilaan
ang pagitan ng mga daliri.
Mayamaya, hinabol nito
ang munti’t puting paruparo
na dumaan at dumapo sa damo.
Ngunit lumipad lamang palayo
ang naglalarong insekto.
Naghikab ang pusa, nag-inat
saka payapang naglakad.
Magaan at perpekto ang mga hakbang
walang nililikhang ingay
waring nag-aalalay.
Bahagyang kumukumpas
ang higad nitong buntot
bago naglaho
sa nangangapal at lunting mga talbos.

Nanatili siyang nakatitig sa talbusan.
Kinakalmot ng inggit
ang kaibuturan.


9th Floor


Sa malinis na salaming bintana
pinagmasdan ko ang lungsod,
siya
at ang katawan niyang puno nang alikabok.
Hubad na babaeng nang-aakit
ang nakatitig na mga billboard.
Malalang galis
ang kinakalawang na mga bubong.
Masalimuot ang palitan ng tangkad ng lahat,
at may hiwaga sa kanilang mga pagitan
at sa mga guwang sa kanilang katawan.
Mga mata ng pinya ang mga bintana,
nanlilisik, kayraming inililihim.
Daluyan ng makutim na tubig ang mga daan,
nagbarang basura ang mga tao’t sasakyan.

Sa hangganan nitong lahat,
nakatindig ang malalaking gusali,
bahagyang nagkukubli sa maruruming ulap.
Mga halimaw na laging naririyan,
nakatanaw, nag-aabang.

Martes, Oktubre 7, 2014

Pista Opisyal


Iba sa kadalasan, naupo ka agad
at doon pa sa iniibig mong lugar—
sa tabing-bintana ng bus.
Nagalak ka sa gayak ng siyudad
kaya’t ninamnam mo ang lahat:
ang di kapani-paniwalang dalang
ng mga tao’t sasakyan,
ang kawalang pagmamadali ng mga hakbang,
ang mahinhing pagtawid sa hangin
ng mga busina,
ang salimuot ng buhol-buhol na mga usok,
ang payapang pag-ikot ng mga gulong,
ang pag-asam ng mga gusaling
malampasan ang mga ulap,
ang umagang walang agam-agam.

Ninamnam mo ang lahat,
tulad ng pusa, sa kanyang paghihikab
at pag-iinat,
tulad ng paglasap sa tamis, init
pait ng kape
sa mga hatinggabi ng pagmumuni.
Ninamnam mo ang lahat,
nilasap ng mga pandama,
ng kaluluwa,
nang mapaghugutan ng lakas
at tatag.
Paghahanda sa hanggang gabing
tunggalian.


Huwebes, Oktubre 2, 2014

Galit sa Dalit


I
Inang Wika kung tawagin,
pinagmulan kung ituring.
Ang nanay mo ba’t probins’ya,
‘tinuturing mong basura?

II
Dahil lang sa ChEd at DepEd
masasayang na lamang,
‘tong ating Wikang Pambansang
daang taong ‘pinaglaban?

III
Itong Wikang Filipino,
wawalisin sa koleh’yo?
Baka mawalis, Pare ko,
pati ating pagkatao.


Linggo, Setyembre 28, 2014

Kuwento ng Filipino Teacher na Naging Call Center Agent


Nanginginig ang kanyang mga dahon
sa nagyeyelong hininga ng aircon.
Parang kinukumbulsyon.
Kinurot mo ang kanyang balat
sapagkat nakatayo ka sa sangan-daan,
nakatitig sa dalawang kalsada.
Natural ang ngalan ng una, Artipisyal ang ikalawa.

Natuwa ka na nagawa mong sugatan
ang kanyang balat.
Inamoy mo pa ang lunti niyang dugo
sa iyong mga kuko.
Katiyakan sa kanyang kaganapan.
Ngunit masigla ang liwanag ng araw sa labas
at ang hangin doon ang dapat niyang katambal.

Muli mo siyang pinagmasdan.
At ikaw na itong nasugatan,
nang mapansin mong nabubulok
ang maraming bahagi ng kanyang katawan.


Lunes, Setyembre 15, 2014

HRM


Tiningnan niya agad nang mabuti ang teaching load niya, pagkaabot na pagkaabot sa kanya ng head niya. Nasa ground wood paper iyon, nakasulat ng lapis ang mga detalye. Sa itaas, SANTOS, EFREN L. Sa ibaba, TOTAL: 30 units/hours.

Lunes hanggang Biyernes ang pasok niya. Bago niya tingnan ang pinakamaaga niyang pasok at ang pinakagabi niyang uwi, na laging unang tinitingnan ng ibang titser, tiningnan niya muna ang hawak niyang mga section—dalawang engineering, dalawang IT, dalawang business management . . . at apat na HRM.

Wala siyang gaanong naramdamang lungkot, o inis, o kaba.

Nang unang tatlong taon niya sa pagtuturo (panglimang taon na niya ngayon), nakakaramdam agad siya ng lungkot, inis at kaba, pag nakita niyang may hawak siyang HRM. Lalo kung marami. Hangga’t maaari, ayaw niyang humawak ng HRM. Ni isa, ayaw niya. Kaso, walang karapatan ang titser na mamili ng seksyong hahawakan.

Maraming dahilan kung bakit ayaw niya sa mga HRM. Halu-halong dahilan na nakabuo ng napakasamang timpla. Iyong hindi na niya mainom at masyado nang nakasusuka. Hindi pa kasama rito ang katotohanang kung magtapos ang mga HRM, hindi Pilipinas ang makikinabang sa kakayahan nila. Kundi ang ibang bansa. O kung sa Pilipinas man sila magtrabaho, nagiging kontribusyon lamang sila sa paglala ng kultura ng Pilipinas sa pagpapaalipusta sa mga dayuhan.

Nangunguna sa ugat ng lungkot ni Efren, inis at kaba ang katotohanang ang mga HRM ang pinakamahina at pinakatamad sa lahat ng naging estudyante niya. Sa kanya, hindi naman ganoon kabigat ang pagiging mahina. Magagawan pa ng paraan. Pero iyong mahihina na nga, kaytatamad pa, parusa na iyon sa titser. Walang alam gawin ang mga HRM kundi magpulbo, mag-make-up at magsalamin. Para pang mga bingi at hindi marunong umintindi. Ang isang bagay, kailangang lampas limang beses uulitin. Kaya kung mga HRM ang hawak niya, madalas siyang malatin. Mga bastos pa. Sa mga ito madalas mabastos ang mga titser. Mga walang alam kundi magreklamo. Dito siya unang nakarinig mula sa estudyante ng, “Sir, major subject ba ‘to?” At sarkastiko talaga ang tono.

Nagkaroon tuloy siya ng paniniwalang nawawala o nababawasan ang pagiging mahusay na guro ng isang guro kung mga HRM ang estudyante. Mahirap para sa isang titser na turuan ang mga ito. Dahil ang pagod ay napapatungan ng kawalang-gana.

Ang akala nga niya noong una, nataon lang na ganoon ang mga HRM na nagiging estudyante niya. Pero hindi pala. Maging ang mga kakilala niya na sa ibang eskuwelahan nagtuturo, ang mga HRM ang iniaangal. Nakakapuno raw. Parusa sa titser.

Ngunit ngayon, hindi niya naramdaman ang mga iyon. Walang gumapang sa kanyang lungkot, o inis, o kaba. Maaaring dahil sanay na siya sa mga ito, naisip niya. Marami na siyang karanasan. Mas malakas na ang loob niya. Pero sumusunod na dahilan na lamang ang mga iyon, alam niya. Isang estudyante ang pangunahing dahilan—si Faye.

Unang semestre ng taong aralan 2011-2012 nang maging estudyante niya si Faye. Second year ito noon, irregular student. Dise-seis at disi-siyete ang kadalasang edad ng mga first year college. Pero si Faye, disiotso na nang magkolehiyo. Kaya disi-nuwebe na nang maging estudyante niya.

Katamtaman lang para sa isang babaeng Pilipino ang kaputian at tangkad ni Faye. Balingkinitan ito. Pahaba ang maliit na mukha. Lampas nang isang dangkal mula sa balikat ang itim na buhok na laging naka-ponytail. Medyo matangos ang ilong at may kalakihan ang mga mata. Hindi si Faye iyong babae na sa sobrang ganda, lilingunin ng mga lalaking makakasalubong nito. Kundi iyong babae na hindi bastusin at gumaganda kapag tinititigan.

Ang klase niya rito ay Filipino 1, “Komunikasyon sa Akademikong Filipino.” Tuwing Lunes at Huwebes, alas-siyete y media hanggang alas-nuwebe ng umaga.

Iyon ay sa unang palapag ng Annex B Building. Maputlang asul ang kulay ng kuwarto. Airconditioned.

Dumarating siya sa klase nang nandoon na si Faye. Sa unahan ito lagi nauupo, malapit sa teacher’s table. Madalas, dinaratnan niya itong nagbabasa ng notes sa notebook.

Nakakadalawang linggo pa lamang ang klase, kilala na ni Efren si Faye.

Napansin niya ito dahil sa pagiging mahusay nito. Alam ni Efren na napakadali para sa guro na mapansin ang mahuhusay na estudyante. Parang magandang babae na agad napapansin ng nakakasalubong na lalaki. Malaking bagay sa guro ang mahuhusay na estudyante. Nakawawala ng pagod. Nakapagpapagaan ng mga gawain.

Sa mga quiz niya, si Faye lagi ang highest. Kadalasan nga, perfect pa ang score nito, habang ang karamihan sa mga kaklase nito, bagsak. Nasa tatlo pa nga hanggang lima kung minsan ang nakaka-zero. Naiinis dahil nagtuturo naman siya. May Powerpoint Presentation pa nga. Kaya walang dahilan para may maka-zero.

“Ia-announce n’yo naman kasi, Sir,” sabi ng isang laging late, at kahit kailan niya tawagin, walang maisagot.

“Nauuwi sa memorization ang quiz kapag announced,” sagot ni Efren. “Hindi malalaman sa quiz kung natuto ang estudyante kung nag-memorize lang.”

Sa sulok ng mata niya, nakita niyang nangingiti si Faye.

Para walang problema, minsan, ini-announce niya ang quiz. Subok lang. Long quiz iyon. Pero dahil announced, ginawa niyang mas mahirap ang mga tanong. Ngunit ganoon pa rin halos ang resulta. Marami pa ring bagsak, bagama’t walang naka-zero. Salamat sa number 50 na ginawa na lang niyang bonus.

Ngunit hindi niya roon pinakanagustuhan si Faye, kundi sa recitation. Sa karanasan niya bilang titser at bilang estudyante, naniniwala siyang mas mahusay ang mga estudyanteng mahusay sa recitation kaysa sa mga estudyanteng mahusay sa quiz. Maaaring kopyahin ang sagot sa quiz, at kadalasan, isinasaulo lang. Napakababaw ng pag-unawa kung isinaulo lang. Parang contact number. Pag nasira ang SIM card, makalipas lang ang dalawang taon, o baka nga isa lang, hindi na kabisado ng may-ari ang dati niyang number. Ang sa recitation, madalas, galing sa mismong nagri-recite. Pinakaisip niya ang sagot. Bunga ng pag-aanalisa.

Si Faye, hindi siya gaya ng nakakaantok na mga estudyanteng ang sagot ay binabasa lang sa libro o sa hand-outs mula sa internet, at kapag sinabing “O, ipaliwanag mo ‘yang binasa mo,” ay wala nang maisagot. Si Faye iyong klase ng estudyante na kapag nagsalita, makikinig at makikinig ang buong klase. May laman ang mga sinasabi nito. May lalim. Kitang-kitang bunga ng pag-oobserba at pag-iisip. Madalas nga, sa sobrang pagsang-ayon, napapatango na lang si Efren.

Tandang-tanda pa niya nang minsang mag-recite ito, nang ang paksa nila ay ang mga bahagi ng panalita.

“Napansin ko po kasi, Sir, parang nagbabago ‘yung paggamit natin sa pantukoy,” panimula ni Faye. “Halimbawa po, ‘Sino may sala?’ Di ba, dapat po ro’n, ‘Sino ang may sala?’ May pantukoy na ‘ang.’ Pero siguro po, nakasanayan natin ‘yung pagdidikit sa mga salita. ‘Sino’ng may sala?’ Ganyan. Hanggang sa dahil nakasanayan nga, ang sumunod, nawala na ‘yung pantukoy na ‘ang,’ dahil magkatunog naman kung nando’n ‘yun at nakadikit sa sinusundang salita, ‘Sino’ng may sala,’ do’n sa totally wala ‘yon, ‘Sino may sala?’ Kaya naging ‘Sino may sala?’ Hanggang sa nakasanayan. Ngayon, normal na normal na po ‘yung ganu’n. Mas normal pa po sa kaysa pag nando’n ‘yung pantukoy.”

Napapalakpak siya. Mahina lang, pero napapalakpak siya. Tuwang-tuwa siya sa sagot nito.

Kung tutuusin, hindi naman siya masyadong hanga sa naisip ni Faye. Kaya rin naman iyong maisip ng iba. Ang ikinatutuwa niya ay ang isiping narinig niya iyon sa esudyanteng hindi naman language major, ni philosophy o kung anong social sciences na program. Kundi sa isang HRM.

Kaya kadalasan, pagkatapos ng klase niya sa seksiyong iyon, ang gaan ng pakiramdam niya. Mas gagaan pa sana kung hindi lamang niya naaalaala ang mga laging late at ang mga tuod na nakaupo sa klase, na kapag tinawag niya, iling lang ang sagot.

Madalas, si Faye ang huling lumalabas sa mga kaklase nito. Nauuna lang ito nang kaunti kay Efren. Hindi ito kagaya ng mga kaklase nito na parang may kung anong gintong mapupulot sa labas at kailangang mag-unahan. Lagi itong nagsasabi sa kanya ng “Thank you, Sir,” pagkatapos ng klase. Madalas din, nagtatanong ito sa kanya ng tungkol sa assignment o sa kung ano pang requirements. Pero kahit kailan, hindi naramdaman ni Efren na sumisipsip si Faye. Hindi na nito kailangang sumipsip para magkaroon ng mataas na grado.

Sa bawat isa’t kalahating oras na klase, may labinglimang minutong grace period sina Efren. Maaari silang magpalabas nang mas maaga nang 15 minuto, o pumasok sa klase nang huli nang 15 minuto.

Sa section nina Faye, inilagay niya sa hulihan ang grace period. Pumapasok siya nang 7:35, at nagdi-dismiss nang 8:45. Inilalagay naman niya sa unahan ang grace period sa kasunod na klase, para maging kalahating oras. Ang dahilan niya, nang makabili siya ng pagkain at makapag-almusal sa faculty room. Hindi niya kailangang madaliin ang pagkain niya.

Nag-a-attendance lang siya at binabalikan ang mga inaral noong nakaraang meeting, mula 7:35 hanggang 7:50. Pagkatapos niyon, discussion na. Ngunit nagtuturo na siya at lahat, may mga papasok pa. Hindi na niya pinapansin kahit akala mo may-ari ng eskuwelahan na papasok nang wala man lamang “Good morning” o “Sorry, Sir.” Magugulo lang ang klase. Ang problema lamang, maya’t maya ang dating ng mga late. Paisa-isa. Kaya malaking abala rin.

At lampas 8:15 na, may darating pa. Nakakapalan na siya sa mukha ng mga iyon.

Dalawa ang pinto sa silid, kapwa nasa likod. Kaya kitang-kita niya kung may lalabas o papasok, o kung may late na sumisilip. Kaya ang bawat pagbukas-sara ng pinto, ang lampas sampung ulit na pagbukas-sara ng pinto habang nagsasalita siya, ay napakalaking abala sa pagtuturo niya. Isama pa ang ingay ng nagtatanong na mga late kung nag-attendance na ba. Ilang estudyante ang napapatingin kay Efren. Alam niyang kitang-kita sa mukha niya ang matinding inis tuwing may papasok na late.

Kaya makalipas ang tatlong linggo, inilipat niya sa unahan ang grace period. 7:45 na siya dumarating sa klase. Pero marami pa ring late. Minsan, sa sobrang dami, siya na ang naaawa. Nag-a-attendance pa rin siya bago mag-dismiss, para sa mga late. Pero ang mga dumarating nang lampas 8:15, hindi na niya tinatanggap. 45 minuto nang late ang mga iyon. Bakal na ang pagmumukha.

Nabanggit iyon ni Efren sa coteacher niya na una niyang dinaratnan sa faculty room, isang umagang kadarating lang niya. Normal na nga raw talaga ang ganoon sa mga bata ngayon, sabi ng coteacher niya. Pero dahil daw HRM ang mga estudyante niya, mas matindi ang dapat niyang asahan.

Naalaala niyang bigla ang mga estudyante niya sa dalawang eskuwelahang nilayasan niya. Marami talagang late kung maaga ang klase. Pero tama ang coteacher niya. Iba kapag HRM. Garapalan.

“Pero itanong mo rin, Sir. Baka kasi marami sa mga ‘yan, working student,” sabi ng coteacher niya. “Kasi, Sir, ako, nagbibigay ako ng consideration sa mga ganyan.”

At ganoon nga ang ginawa niya. Tinanong niya ang klase bago mag-dismiss, para naroon ang lahat. Lalo na ang mga working student.

Pero isa lang ang nagtaas ng kamay—si Faye, na kahit kailan, hindi na-late sa klase niya.

“Sa’n ka? Fastfood?” tanong ni Efren.

“Opo, Sir. Jollibee.”

“Bakit n’yo ‘tinatanong, Sir?” tanong ng isang laging late.

“Okey,” nilakasan niya ang boses niya. “Nagbibigay ako ng consideration sa mga working student.” Tumingin siya sa nagtanong. “Ikaw, iho, sa’n ka umuuwi? Ba’t lagi kang late?”

“Project 4, Sir. Laging traffic, e,” depensa nito.

Ang Project 4 ay kalahating oras lang mula sa eskuwelahan nila. Isang oras lang marahil kung isasama ang “matinding traffic.” Gumuhit sa dugo niya ang inis.

Nang araw na iyon, nag-iba ang tingin niya kay Faye. Lalo siyang humanga rito. Para itong guro, siya ang estudyante. At ang dami niyang maaaring matutuhan kay Faye. Papaano kaya hinahati ni Faye ang kanyang oras? Kung siya ang nasa lugar ni Faye, working student, malamang, lagi siyang late sa first period niya. Lalong hindi siya magiging highest sa mga quiz.


Isang mag-aalas-dos ng hapon, nagkasabay sila ni Faye sa canteen. Nasa iisang mesa lang sila. Nagkakape si Efren at nagka-cup noodles naman si Faye. Bigla raw itong nagutom. Kalahating oras pa raw bago ang susunod nitong klase.

Tahimik lang noon sa canteen. Dinig na dinig ang banggaan ng arnis ng mga nagpi-PE sa basketball court. Wala halos estudyante dahil katatapos lang ng tanghalian at maaga pa para sa meriyenda.

Nakapatong sa mesa ang shoulder bag ni Faye, nakabukas. Halatang mumurahin lang ang bag. Parang iyong mga nabibili lang sa Divisoria. Nasilip ni Efren sa pagkakabukas ng bag ni Faye ang notebook na lagi nitong dala. Bahagyang nakabukas dahil sa nakaipit na bolpen. Naisip ni Efren, siguro, nagri-review si Faye.

“Ba’t ka nagwo-working student?” bigla niyang naitanong.

“Hindi po kasi kaya, Sir, e,” sagot ni Faye. “Pinag-i-stop pa nga po ako. ‘Yung kuya ko raw muna, graduating na kasi ‘yon. E ayoko na pong huminto. Isang taon na po kasi ‘kong nag-stop. Kaya nag-working student ako. Hirap din po kasi sa buhay. Nang makatulong din kina Mama. Papa ko lang po kasi’ng may trabaho. Sa pabrika lang.”

Napailing si Efren.

“Buti, kumakasya ‘yung sinasahod mo.”

“Naku, Sir, kulang din po. Kaya talagang nagtitipid ako. Kapag kayang lakarin, kahit pagod, nilalakad ko na lang. Saka lagi po ‘kong may baon. Ngayon lang wala. Hindi na po kasi nakapagluto dahil anong oras na nagising. Sa sobrang pagod. Closing po kasi ko kagabi.”

Itatanong na sana Efren kung magkano ang sahod nito sa Jollibee, kung hindi lang niya nakahiyaan. Naisip niya, panget para sa isang guro ang magtanong sa estudyante niya ng tungkol sa pera.

Napako ang tingin ni Efren sa uniporme ni Faye. Mahaba ang manggas ng puti nitong pang-itaas. Iba sa pang-itaas ng mga nasa engineering, IT at iba pa. Gumuhit bigla sa isip niya ang tanong na matagal nang kumukulit sa kanya.

“E, ba’t ka nag-HRM?”

Nangiti si Faye. Halatang nagulat sa tanong niya.

“Ang totoo n’yan, Sir, andami na pong nagtanong sa’kin n’yan. Parang takang-taka sila na HRM ako.”

Hindi kumibo si Efren, ayaw niyang ma-offend si Faye. Hindi niya makuhang sabihin, na kadalasan, ang sinasabi ng mga titser, tambakan ng mga bobo ang HRM. Mga estudyanteng umiiwas sa board exam. Mga estudyanteng sa pagmi-make-up at pag-iinarte lang magaling.

Ibinagsak ni Faye sa basurahan sa tabi ng mesa ang cup ng noodles.

“First choice ko po kasi ‘to, Sir. Dapat culinary. E hindi namin kaya. Kaya ito na lang. Natutuwa ako kapag nakikita kong natutuwa ang mga taong kumakain ng iniluto ko. Nakakagaan ng pakiramdam. P’wera drama, Sir, a. Kung sila, nabubusog ‘yung sikmura. ‘Yung nagluluto, nabubusog ‘yung puso.”

Nangiti si Efren. Wala siyang naramdamang kakornihan sa sagot ni Faye.


Kalagitnaan ng Hulyo nang mag-prelim exam. Tatlong araw ang examination day, hindi regular schedule. Hapon ang schedule ng exam niya sa section nina Faye. Sa kuwartong iyon din.

Umuulan. Malakas. Madilim na madilim ang langit. Nanghiram si Efren ng malaking payong sa guwardiya, nang hindi mabasa ang mga test paper.

Ipinaayos niya agad ang mga upuan pagdating niya. Saka ipinapasa ang mga test permit. Mahigpit ang utos sa kanila. Huwag pag-eeksamin ang mga walang test permit. Pinirmahan niya agad ang mga permit, saka isa-isang tinawag ang mga estudyante. Pagkaabot ng estudyante sa kanilang permit, kukuha na rin sila ng test paper sa ibabaw ng mesa.

“Itaob muna. Sabay-sabay kayong magsasagot.”

Over 100 ang item ng ginawa niyang exam. May tama o mali, may identification, analohiya at enumeration. Walang multiple choice. Inaasahan niya nang aangal dito ang “masisipag.”

Dahil sa pagod niya, nagsisimula nang magsagot ang mga estudyante saka lang niya napansing wala si Faye. Naisip niyang late lang.

Ngunit magkakalahating oras na, wala pa rin si Faye. Ang naisip naman ni Efren, baka sa ibang section niya ito sasabay ng exam. Dahil conflict sa schedule. Madalas ang ganoon sa mga irregular student.

Nagpalakad-lakad si Efren sa classroom. Mabagal lang. Sa mga ganitong sandali, maging ang tunog ng sapatos ng guro ay lumilikha ng kaba sa mga estudyante.

Malakas pa rin ang ulan. Nanunuot na sa mga buto nila ang lamig. Pinahihinaan na ng mga estudyante niya ang aircon. Lumapit siya sa pinto, at hininaan ang aircon. Noon sumilip si Faye. Napangiti siya. Bahagya niyang binuksan ang pinto. Biglang lumakas sa pandinig niya ang ingay ng ulan. Parang nagwawala.

“Sir, may sasabihin po ako,” bungad sa kanya ni Faye. May hawak itong payong at papel.

Isinara ni Efren ang pinto. Pareho na silang nasa labas.

Iniabot sa kanya ni Faye ang isang papel. Binasa niya—dropping form.

“Sir, magda-drop na po ako.”

Nagulat si Efren. “Bakit?”

“Me sakit po kasi si Papa. Dalawang linggo nang hindi nakakapasok sa trabaho. Namumroblema na sina Mama sa pambaon ni Kuya. Magda-drop na po ako nang mabawi pa ‘yung konti sa na-i-down sa tuition. Gipit po kasi talaga kami, e.”

“Kelan ka babalik?”

Natigilan si Faye.

“Two years muna po siguro ‘kong mag-stop, Sir. Gagradweyt naman na si Kuya. Tapos, isang taon muna ‘kong mag-iipon.”

Pinirmahan ni Efren ang papel. Ilang instructor na rin ang nakapirma. Saka iniabot kay Faye.

“Sige po, Sir. Maraming-maraming salamat po,” sabi ni Faye. Kita niya ang lungkot sa mga mata nito. At kahit maingay ang ulan, dinig na dinig niya sa tinig nito ang sama ng loob.

Binuksan ni Faye ang itim na payong at naglakad papunta sa Main Building.

Bumalik si Efren sa classroom. Nagulat sa pagbukas ng pinto ang mga estudyante niyang garapalang nagkokopyahan.