Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagsasalin. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagsasalin. Ipakita ang lahat ng mga post

Sabado, Enero 3, 2015

“Mensahe” ni Charles Bukowski


Nakaupo ako rito
nang kung ilang oras na,
nagmamakinilya, at umiinom
ng alak.

Akala ko
mag-isa lang ako.
nakasara ang bintana
at pinto.

ngayon, isang matabang langaw
panget at itim
ang umupo sa gilid
ng aking baso.

saan ito
nagmula?
napakatahimik, walang kagalaw-galaw?

ganoon marahil ang nagaganap
kapiling
ang kamatayan.


Linggo, Setyembre 22, 2013

“Sa Itim na Lawa” ni Mary Oliver


Sa Itim na Lawa, payapa na
ang ginambalang tubig
makalipas ang maulang gabi.
Sumalok ng tubig ang nagsatasa kong mga kamay. Uminom ako
nang matagal.  Lasang
bato, mga dahon, apoy. Malamig itong
nahulog sa katawan ko, ginigising ang mga buto. Narinig ko sila
sa kailaliman ko, nagsasabi
ano itong magandang
nangyari?

Huwebes, Agosto 22, 2013

“Ulan” ni Rebecca Leonard


Ulan
Matiwasay, payapa, masaya

Ulan
Malungkot, kirot, karahasan

Ulan
Pag-iyak, sakit, muhi

Ulan
Pananatili

Ulan
Paglisan

ULAN, Ulan, ulan…

Lunes, Abril 1, 2013

“Kaluguran” ni Otto Rene Castillo


Ang pinakamagandang bagay
para sa mga lumaban nang buong buhay
ay makarating sa hangganan at sabihin;
naniniwala kami sa masa at sa buhay
at ang buhay at masa
di kami pinabayaan kailanman.

Sa ganito lamang nagiging lalaki ang mga lalaki,
nagiging babae ang mga babae,
araw-gabing nakikipaglaban
para sa buhay at sa masa.

At sa pagsapit nito sa katapusan
binubuksan ng masa ang pinakamalalalim nilang ilog
at lumulusong sa mga ‘yon nang habang-buhay.
Kaya’t nagiging malayong apoy sila, buhay,
nililikha ang puso ng halimbawa.

Ang pinakamagandang bagay
para sa mga lumaban nang buong buhay
ay makarating sa hangganan at sabihin;
naniniwala kami sa masa at sa buhay
at ang buhay at masa
di kami pinabayaan kailanman.

Linggo, Marso 31, 2013

“Sabihin Mo sa Akin, Hubad Ba ang Rosas?” ni Pablo Neruda


Sabihin mo sa akin, hubad ba ang rosas
O ‘yon lang ang tangi niyang kasuotan?

Bakit ikinukubli ng mga puno
Ang kariktan ng kanilang mga ugat?

Sino’ng nakaririnig sa mga pagsisisi
Ng ninanakaw na kotse?

May mas malungkot pa ba sa buong sanlibutan
Sa tren sa gitna ng ulanan?

“Mga Batang Makata” ni Nicanor Parra


Isulat mo ang iyong ibig
Sa anumang estilong iyong nais
Masyado nang maraming dugong tumagas sa tulay
Upang patuloy na maniwalang
Iisa lamang ang tamang daan.

Sa panulaan kahit ano’y pinahihintulutan.

At sa tanging kalagayang ito, siyempre,
Kailangan mong pagyamanin ang blangkol papel.

Linggo, Marso 17, 2013

“Iniibig Kita” ni Nazim Hikmet


Iniibig kita
tulad ng pagsasawsaw ng tinapay sa asin saka kakainin
Tulad ng pagbangon kung gabi nang may mataas na lagnat
at pag-inom ng tubig, na babasa sa aking bibig
Tulad ng pag-aalis ng balot ng mabigat na kahong iniabot ng kartero
nang walang palatandaan kung ano ito
kinukutuban, masaya, nagdududa
Iniibig kita
tulad ng paglipad sa ibabaw ng dagat nang nakaeroplano sa unang pagkakataon
Tulad ng may kung anong gumalaw sa aking kalooban
nang unti-unting magdilim sa Istanbul
Iniibig kita
Tulad ng pagpapasalamat sa Diyos na tayo’y nabubuhay.

“Ang Hayop” ni Manuel Bandeira


Kahapon, may nakita akong hayop
Sa maruming pasilyo
Naghahanap ng pagkain sa basurahan

Nang may makitang kung ano
Di nito iyon sinuri ni inamoy
Nilunok lang nang buong katakawan

Ang hayop ay hindi isang aso
O isang pusa
O isang daga

Ang hayop, Panginoon ko, ay isang tao!


“At ang Buwan at ang mga Bituin at ang Sanlibutan” ni Charles Bukowski


Mahahabang paglalakad sa gabi—
ang mga ito ang maganda sa kaluluwa:
sumisilip sa mga bintana
pinanonood ang pagod na mga may-bahay
na sinusubukang labanan
ang lasenggero nilang kabiyak.

Lunes, Disyembre 10, 2012

“Katiyakan” ni Roque Dalton


Matapos ang dalawang oras na pagpapahirap, binuhusan ng Apache at ng dalawa pang pulis ng isang baldeng tubig ang bilanggo para gisingin ito, saka sinabing: “Inutusan kami ni Colonel na sabihin sa‘yong binibigyan ka ng pagkakataong iligtas ang sarili mo. Kung mahuhulaan mo kung sino sa amin ang may isang kristal na mata, hindi ka na pahihirapan.” Pagkatapos magpalipat-lipat ng tingin sa mga mukha ng mga magpaparusa sa kanya, itinuro ng bilanggo ang isa sa kanila. “S’ya. Kristal ang kanang mata n’ya.”

At sinabi ng namanghang pulis, “Ligtas ka na! Ngunit pa’no mo nahulaan? Nagkamali’ng lahat ng kasama mo dahil ang mata ay pang-Amerikano, kaya napakahirap n’on.” “Napakasimple,” sabi ng bilanggo, nararamdamang hihimatayin na naman siya, “’yon ang kaisa-isang matang tumingin sa akin nang walang muhi.”

Siyempre, ipinagpatuloy pa rin nila ang pagpapahirap sa kanya.

Miyerkules, Marso 28, 2012

“May Nakilala Akong Isang Henyo” ni Charles Bukowski


May nakilala ako sa treng isang henyo
ngayon
mga 6 na taong gulang,
umupo sa siya tabi ko
at habang mabilis na lumulusong sa baybayin
ang tren
nakarating kami sa karagatan
at tumingin siya sa akin
saka sinabi,
hindi maganda.