Linggo, Agosto 28, 2011

Mga Kahol ni Clinton


Mayo pa lang, at ilang linggo pa bago magpasukan, pero wala na akong mapagkaabalahan. Inip na inip na ako. Ganito yata talaga, sabik na sabik kang magbakasyon, at sa unang tatlong linggo, masayang-masaya ka, pero kalaunan, maiinip ka rin. Hahanap-hanapin mo rin ang mga nakasanayan mong gawin. At ito pa ang isang ayoko pag bakasyon, hirap na hirap akong makatulog. Gaya ngayon. Mahihiga ka nang alas-onse, minsan, alas-tres na, dilat na dilat pa ang mga mata mo.

Sayang ang oras pag ganito. Kaya bumangon ako. Maige nang lumipas ang oras nang may nangyayari, kesa sa nakatanga lang ako’t pinipilit na makatulog. Tumingin ako sa orasan sa bumbunan ng TV. Alas-dose na.

Nagkalkal ako ng kung ano-ano sa book shelf ko, saka nagbukas ng radyo. Wild Confession na ang programa ni Papa Jack sa 90.7 Love Radio. Nasimulan ko na’t natapos ang kuwento ng isang babae sa University belt tungkol sa “ginawa” nila ng boyfriend niya, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok.

“Fixin A Broken Heart” na ang tumutugtog sa radyo.

Nahagip ng mata ko ang maliit na kahon sa ibabaw ng aklatan. Inabot ko.

Bigay pa ‘yon sa akin ng matalik kong kaibigan, si Francia, nang magtapos kami ng elementarya. Ibinigay niya ‘yon sa akin, kasama ng isang chessboard, at ‘yong kahon ngang ‘yon ang lagayan ng mga piyesa. Ngunit kalaunan, kapapahiram, nasira ang chessboard, at nagkawalaan ang mga piyesa. Nagkulang-kulang. Pati ang hati sa loob ng kahon, na naghihiwalay sa mga itim at puting piyesa, natanggal. Kaya ngayon, hindi na mga piyesa ng tses ang laman niyon, kundi samu’t saring gamit na naglalaman ng mga alaala ng aking mga kahapon— mga classcard ko noong kolehiyo, tiket sa World Trade Center nang magtapos ako ng kolehiyo, stab ko sa entrance exam sa PUP, registration form sa masteral degree, mga payslip ko sa tatlong paaralang pinagtuturuan ko, resibo sa fast food chain nang una akong kumain sa labas nang mag-isa, Domo cell phone chain na bigay sa akin ni Crystalin, dalawang pakong may pinturang pula sa may tulis, na ginamit namin nang mag-retreat  kami, mga litrato, at kung ano-ano pang mga bagay na walang kasilbi-silbi sa iba, pero bibilhin ko nang kahit pa isang milyon, pagtanda ko’t mayaman na ako, at nawala ito. Iniahon ko ang mga laman niyon, at isa-isa kong tiningnan ang mga litrato. Nakatutuwa, ang guwapo ko pa dati.

Naakit akong titigan ang isang litrato roon, ang litrato namin ng paborito kong aso, si Clinton. Sa litrato, nakasandong pula ako, nakaupo sa sahig. Nakalatag sa sahig ang mga text ko ng Pokemon. At nasa kanan ko si Clinton, himas-himas ko sa ulo.

Sa Nueva Ecija ako lumaki, doon kina Nanay at Tatay, mga lolo’t lola ko. Anim na buwan pa lang ako nang iwan ako roon nina Mama’t Papa. Wala kasing makuhang yayang mag-aalaga sa akin. At doon nga, sa lugar na iyon, na simple ang pamumuhay, na kahit parang paulit-ulit ang nangyayari sa araw-araw ay lukob naman ng di maipaliwanag na kasiyahan at hiwaga, nakasama ko si Clinton.

Hindi ko na matandaan, o maari rin namang talagang hindi ko alam, kung ilang taon ang tanda ko sa kanya. Pero sa tantiya ko, nasa tatlo o apat na taon na rin ako nang ipanganak siya.

Panahon ‘yon ng aking kamusmusan, mga panahong wala pa akong muwang sa mundo. Hindi pa nag-aaral, hindi pa marunong bumasa’t sumulat, hindi pa marunong magkunwari. Ngangalngal at maglulupasay, maski sa buhanginan, pag may gusto ngunit di nakuha. Noon ko siya unang nakita, bagama’t hindi ko pa alam kung alin siya sa mga ‘yon.

Kasama ko noon ang mga pinsan ko, na gaya ko ay mga musmos din, dahil ako na ang pinakamatanda sa aming magpipinsan. Katatapos lang yata naming maglaro noon, nang makuha nila ang aming pansin. Tulad ng ina nila, itim silang magkakapatid, na noong nasa elementarya na ako’t marunong nang magbilang ay naisip kong mga nasa anim o pito rin ang kabuuang bilang. Nangakahiga sila sa sahig na sinapinan ng mga luma’t marurungis na sako. Nakapikit pa ang mga mata nila. Sabay-sabay sumususo sa ina nila. Agawan sa suso. Siksikan. Gitgitan.

Hindi ko pa alam noon ang mangyayari, na ipamimigay sa mga kapit-bahay namin ang mga tuta kapag awat na ang mga ito, at na ang ina nila ay ipagbibili, na sa malamang ay matagal nang naitae ng mga nakabili. Hanggang isang hapon, nagulat na lang akong isang tuta na lang ang nasa luma’t marungis na sako. Iipod-ipod ito kung lumakad. Malaki ang tiyan, at mukhang malaking daga pag malayo. Di bale dalawang aso na lang ang natira sa amin noon— si Romnic, malaking aso, maganda ang tindig, at mangahel-ngahel ang mga balahibo, na sa palagay ko nang nasa wastong gulang na ako’y isinunod sa pangalan ng artistang si Romnic Sarmenta; at siya nga, si Clinton.

“Clinton”… hindi ko alam kung sino ang nagbigay sa kanya ng pangalang ‘yon. Basta nakagisnan ko na lang na ‘yon na ang tawag sa kanya ng mga tao sa bahay. At napagaya na lang ako.

Nang minsang makasama ko si Tatay sa terrace, nasa mataas na paaralan na ako noon at sa Valenzuela na nag-aaral, kinuha na kasi ako nina Mama’t Papa, tinanong ko siya kung bakit “Clinton” ang ipinangalan kay Clinton.

“Ke Bill Clinton ba ‘yon, ‘Tay?” hindi ko pa kasi kilala si Bill Clinton noong nasa elementarya pa ako.

“E pa’no pa nga,” nakaupo si Tatay sa tumba-tumba, naninigarilyo.

‘Yon lang, at naging tiyak na sa akin na sa dating pangulo nga ng Amerika isinunod ang pangalan ni Clinton. Hindi ko na nga lang pinag-ukulan pa ng pansin kung si Bill Clinton ba ang pangulo ng Amerika nang ipanganak si Clinton.

Nang mga panahong hindi pa ako nag-aaral, ‘yong mga panahong tuta pa lang si Clinton, paipod-ipod pa kung maglakad at tamilmil pa kung kumain, ay hindi ko siya nilalaro, ni pinag-uukulan ng pansin. Parang wala lang siya sa akin noon. Dahil meron naman akong mga laruan. May laruang robot ako, mga laruang kotse, trak-trakan, baril-barilan at tao-tauhan. Saka marami rin akong kalaro. Ngunit nang nasa kinder na ako, nang maliksi na siyang kumilos at malakas nang kumain, nang hindi na siya isang tuta bagama’t hindi pa isang ganap na aso, ay lagi ko na siyang inaasikaso. Pinakakain ko siya lagi ng tirang pagkain. Pag nailagay na sa tabo ang mga pinagsimian, na hinaluan ng kanin at nilagyan ng konting tubig at sabaw ng ulam, dadalhin ko na ‘yon sa kanya, saka ko isasalin sa luma’t di kalakihang planggana. At  tatawagin ko siya.

At pag hapunan ang ipakakain ko sa kanya, sa kadiliman ng gabi, ay magugulat na lang ako sa bigla niyang pagsulpot. Hindi ko alam kung saan siya nanggagaling. Kung sa punong kamyas ba, sa may mangga, sa loob ng bahay o sa may gaod. Sa itim na itim niyang balahibo, parang bahagi na rin siya ng dilim, ng gabi.

“Kuuu, Clinton. Kuuuuu!”

Agad siyang lalapit, at pagkababang-pagkababa ko ng pagkain, uupakan na niya iyon. Hindi pa rin ako aalis noon. Tatalungko lang ako sa tabi niya, at panunuorin siyang kumain. Pag nakita kong paubos na ang laman ng planggana, pupunta na ako sa gaod, kukuha ng isang tabong tubig. Ibubuhos ko ‘yon sa planggana para inumin niya. Kaso, hindi naman niya iniinom.

Hanggang kalaunan, di ko na siya tinatawag. Paglabas ko ng bahay, sinasalubong na niya ako.

Tuwing wala akong pasok, tuwing holiday at tuwing Sabado’t Linggo, lagi ko siyang pinaliliguan gamit ang sabong panlaba. Sina-shampoo ko pa siya minsan, pag may nakita akong tirang shampoo sa gaod. Minsan nga, may nakita akong lumang sepilyo sa tabi ng palo-palo. Kinuha ko. Ibinuka ko ang bibig ni Clinton, saka ko siya sinepilyo. Tumahol. Malakas. Umangil! Napasigaw ako sa gulat. Napaatras.

“Ano’ng nangyari?” humahangos si Dikong, tito ko. “Nakagat ka?”

Umiling lang ako. Ramdam ko pa rin ang mga kabog sa dibdib ko.

“’Wag ka nang lalapit kay Clinton a,” si Nanay, nang naghahapunan na kami. “Baka makagat ka pa no’n.”

Hindi na nga ako lumapit kay Clinton. Pero ilang araw lang. Nang mga sumunod na araw, ako na uli ang nagpapakain sa kanya.

“Ako na’ng magpapakain kay Clinton, Dikong.”

“Ako na, baka makagat ka pa.”

“Ako na. Hindi ‘yan.”

“Baya’n mo nga s’ya Omel,” nagtitinga si Tatay. “’Wag mo kasing bubu’sitin.”

“Sinepilyo ko lang.”

“E ‘wag mo ngang gagano’nen,” iniabot sa akin ni Dikong ang tabo.

Sabay kaming lumaki ni Clinton. Sabay naming tinawid ang mataas na pader ng pagbabago. Isang pader na sa ayaw at sa gusto mo, tatawirin mo.

Nang mag-elementarya ako, isa nang ganap na aso si Clinton. Matikas na ang kanyang katawan. Malayong-malayo sa mala-daga niyang porma noong tuta pa siya. Bagay na bagay sa sa kanya ang maamo niyang mukha. Alanganing itim-alanganing kape ang kanyang ilong, at pinaghalong pula at kahel ang kanyang mga mata. Mangitim-ngitim at mahahaba at matutulis ang kanyang mga kuko. Malambot, pino at mahaba ang malagong itim na balahibo sa kanyang likod at buntot, gayondin sa kanyang dibdib, tiyan at mga paa, na ang kulay naman ay mangahel-ngahel, na naging dahilan, para maisip kong si Romnic ang ama niya.

Mapungay ang mga mata ni Cinton. Buhay at masaya. Na noong nasa kolehiyo na ako’y naisip kong kahit aso siya, parang nakakikilala siya ng pag-asa. Parang marunong mangarap. Itim na itim ang tuldok niyon sa gitna, kasing-itim ng balahibo niya sa buntot at likod.

Tuwina, lalo na pag nakikita niya ako, kumakaway-kaway ang mahaba niyang buntot. Habang nakabuka ang bibig niya at nakalawit ang dila. Saka siya biglang sasalubong sa akin. Ako naman ay mapapaupo sa kalsada o mapahihiga, saka pagdididilaan ni Clinton.

Higit sa lahat, ang pinaka di ko malilimutan kay Clinton ay ang kanyang mga kahol. Na kahit nga yata kumahol ang sampung aso, kaya kong makilala kung alin doon ang kay Clinton. Buong-buo ‘yon. Parang hindi nakakikilala ng anumang takot at kaduwagan.

Minsan, nang naglalaro kami ng trak-trakan ng mga kaklase ko, na mga kapitbahay lang din namin, doon sa tarangkahan namin, na tinambakan ng mga buhangin, bigla kaming nagulat sa iyak at malalakas na kahol ng aso. Tayuan kami. Tumanaw kami sa labas. Nakita ko si Clinton, nasa kabilang kalsada, nakikipag-away kay Tigre, aso ng kapitbahay namin. Nag-iiiyak na tumakbo si Tigre pauwi sa kanila. Hinabol ito ni Clinton hanggang sa tarangkahan, at nang hindi abutan, umuwi na siya sa amin.

“Ang galing ni Clinton, ‘no?” pagmamayabang ko— para bang sinasabi kong, “Aso ‘ko ‘yan. Aso ‘ko ‘yan.”

“Oo nga,” si JP, hawak-hawak ang laruang bulldozer. “Takbo ‘yong aso nina Nanang Pina ye.”

Matalino si Clinton. Minsan nga, pag sarado ang mga pinto sa terrace, sa garahe at sa tagiliran ng bahay, makikita ko na lang siya sa tindahan. Mabilis siyang papasok. Tumatakbo. Saka lulukso palagos sa butas sa rehas, na abutan ng binili ng mga bumibili. Kasyang-kasya siya roon. At pagbagsak sa lupa, tuloy pa rin siya pagtakbo. Minsan naman, inaabutan ko siyang kumakain ng feeds sa tindahan. At minsan, nakikita na lang namin siyang may kagat-kagat na malaking daga. O kung minsan, ahas.

Tinuturuan ko pa nga siya dati ng mga trick. Napanuod ko kasi sa TV si Saber, asong nakakamot ang likod ng kanyang amo, nakapagkukunwaring patay, nakakapag-flush ng inidoro at nakapipindot ng switch ng ilaw. Sa likod-bahay ko tinuturuan si Clinton. Pag hapon.

“O, Clinton o,” inihagis ko ang isang piraso ng patpat.

Hindi niya pinulot. Tiningnan lang. Ako ang pumulot.

“Clinton o,” hagis na naman ako ng patpat.

Ganoon uli. Ako na naman ang pumulot.

Kung minsan naman, pag bumibili ako ng text sa tindahan sa kanto, sumasama siya sa akin. Nakikipagkarera pa ako sa kanya. Pero kahit kailan, hindi ko siya naunahan. Kahit ako lagi ang nauunang tumakbo. Minsan nga, kapipilit kong maunahan siya, natalisod ako, at nasubsob sa kalsada. Lumapit sa akin si Clinton, dinilaan ako sa noo. Malungkot ang mga mata niya.

Madalas din siyang pumaroon sa eskuwelahan namin. Katapat lang kasi ‘yon ng bahay namin. Minsan pa nga, nasa grade 4 na ako noon, nakita siya ng titser namin. Tumatae sa buhanginan, malapit sa daan.

“Kanino ba’ng aso ‘yon?” itinuro ni Mam Sigua si Clinton. “Do’n pa tumatae yo.”

“Ke Mac-mac ‘yon. Si Clinton,” sumagot ang isa kong kaklase.

“Batuhin mo nga ‘yong asong ‘yon! A, Aldrin.”

Lumabas si Aldrin. Kumuha ng bato, saka binato si Clinton. Paitaas ang bato, palobo sa hangin. Halatang ayaw matamaan si Clinton.

Umalis si Clinton. Nagtatatakbong lumabas ng eskuwelahan.

Dumami uli ang mga aso namin. May isang uwi si Tito Ferdie, galing Aliaga, babae. Pinangalanang “Cheesecake.” At may isa pa. Lalaki naman. Bigay ng taga-bundok na suki namin sa tindahan. Pinangalanan namang “Cupcake.”

“Pag me nagbigay pa ng aso, ‘wag na kayong tatanggap a. Kerami-rami nang aso,” sabi ni Nanay. “Makakagat ‘yang mga ‘yan. Gastos mo pa. ‘Yan lang Clinton na ‘yan, ketapang-tapang.”

Pati nga naman kasi ang nagdaraang mga bisikleta’t kalabaw pag umaga’t hapon, kinakahulan ni Clinton. Pati ang mga traysikel minsan, hinahabol.

At tama si Nanay. Meron nga uling nagbigay.

“Bayaan mo na nga. At nang me bantay ‘yong mga palay.”

Dahil si Tatay ang may sabi, walang nagawa si Nanay.

Babae ang bagong salta. Bigay nina Francia. Anak ng aso nila. “Selena” naman ang ipinangalan dito ng mga tita ko. Inis na inis kasi sila sa karakter na Selena ni Princess Punzalan sa teleseryeng “Mula sa Puso” nina Rico Yan at Claudine Barretto.

Pero dumami man ang aso namin, kay Clinton pa rin ako pinakamalapit. Pag nga pinapakain ko na sila, kay Clinton ang pinakamarami. Tapos pag nilayasan ni Selena o ni Cheesecake o ni Cupcake o ni Romnic ang pagkain nila, isinasalin ko agad ‘yon sa kainan ni Clinton. Kaso, di naman niya kinakain.

Pag may kinakain din akong tinapay, si Clinton lang ang binibigyan ko. Inihahagis ko ‘yon, at nasasalo niya sa ere.

“Binibili ‘yan, tapos ipinapakain mo lang sa aso,” napagalitan ako minsan ni Tita.

Pag magsasara na kami ng bahay, may kanya-kanyang puwesto ang bawat aso. Sa likod-bahay sina Selena at Romnic. At kasama naman ni Clinton sa terrace sina Cheesecake at Cupcake. May rehas ang terrace, kaya di rin sila makalalabas. Wala namang nawawalis o nasusurong tae. Ihi lang na pinupunasan naman agad, bago pa may batang madulas.

Minsan, may galang asong ulol sa amin. Payatot. Nakapasok daw iyon sa terrace namin. Malalaki rin kasi ang pagitan ng mga rehas niyon.

Bahagya na ring nakakubli sa Sierra Madre ang araw nang mapagkuwentuhan ‘yon nina Tatay sa terrace, habang nangakatanga at nakikipagkumustahan sa mga dumaraan. Sa inaning palay ni Ganito, sa pagpapaaral ng anak ni Kuwan.

“E duwag naman pala ‘yong dalawa,” naninigarilyo si Tatay, nakataas ang isang paa sa upuang kahoy. “Sinilip ko sa bintana e. Ano kaya ‘ka ko ‘yong maingay. Nakita ko ‘yong dalawa, nakasiksik sa ilalim ng mesa. Nakikipagsakmalan si Clinton sa asong ulol. Kawawa nga si Clinton e.” 

Nakaramdam ako ng awa kay Clinton. Pero mas mabigat ang pagmamalaki.

Pag kinukuha ako nina Mama, para magbakasyon sa Valenzuela, wala pang isang araw, naaalaala ko na agad sina Nanay at Tatay, ang mga pinsan ko, ang mga kalaro ko, mga tito’t tita ko, saka si Clinton. Sino kaya’ng nagpapakain sa kanya? At pagbalik namin sa Nueva Ecija, isa siya sa mga una kong hinahanap.

Kapapasukan lang noon, nang mamatay si Cheesecake. Nakita na lang sa tabi ng poso. Nakanganga. Mangasul-ngasul na ang mga mata. Nilalanggam.

Tinalungkuan naming magpipinsan si Cheesecake.

Dumaan si Clinton sa gawi ni Cheesecake, at si Romnic, tumingin-tingin.

“Malungkot sila Kuya yo,” itinuro ng pinsan ko sina Clinton at Romnic.

Sa tabing-ilog namin inilibing si Cheesecake. Ayaw ni Dikong na tumulad sa mga taga-amin na itinatapon lang sa ilog ang mga bangkay ng pusa, manok, aso.

Makalipas lang ang isang buwan, nasagasaan naman ng traysikel si Cupcake. Nabuhay pa nang una. Pero kinabukasan, nakita na lang na patay na. Doon uli inilibing.

At ilang buwan lang, nagkasakit naman si Romnic. Ipinadala pa ‘yon ni Tatay sa beterinaryo. Tapos parang nanghina si Romnic. Ayaw kumain. Ayaw uminom. At isang hapon, nakita na lang ding patay sa ilalim ng punong mangga. Doon na lang siya inilibing.

“Sa katandaan na lang siguro ‘yong kay Romnic,” si Tatay.

Si Nanay naman, naiyak pa. “Matanda na rin ‘yang si Romnic. Antagal-tagal na sa’tin.”

Sumunod na bakasyon, magi-grade 5 na ako noon, kinuha uli ako nina Mama’t Papa.

Nakaiinip talaga sa Valenzuela. Walang magalaan. Walang matakbuhan. Wala halos puno. Puro pabrika. At pag gabi, ang unti ng bituin.

Nagpabili ako kay Mama ng brick game sa Royal Mall. At mula noon, madalas, nandoon lang ako sa kama at naglalaro.

“Mac o, si Tita mo,” iniabot sa akin ni Mama ang cell phone— Nokia 3210 pa ang sikat na yunit noon.

Bumangon ako sa kama at binitiwan ang brick game. Sabik na akong makausap si Tita. Gusto ko nang malaman ang mga nagaganap sa amin.

“Mac, patay na si Clinton,” malungkot ang boses niya— parang biglang naging tahimik ang mundo, naglaho ang ugong ng bentilador, namatay ang TV, huminto sa pagsisigawan ang mga nagbabaketbol sa labas. “Nakita ni Dikong sa ilalim ng mangga.”

Binitawan ko ang cellphone. At sumiksik ako sa dingding. Yakap-yakap ang isang unan.

Dinampot ni Mama. “Bakit?” nakatingin siya sa akin. “O, Ine, bakit ba? Ano’ng nangyari? Ba’t umiiyak si Mac-mac?”

Pagdating ni Tita sa Valenzuela kinabukasan, niyakap ko siya agad. Mahigpit.

Makalipas ang dalawang araw, umuwi kami sa amin. Sina Mama’t Papa na ang nag-ayang umuwi kami. Panay kasi ang iyak ko.

“’Tay, sa’n n’yo inilibing si Clinton?” tanong ko agad, hindi ko pa man naibababa ang bag ko.

“Do’n sa me mangga. Do’n s’ya nakita ng Dikong mo we.”

Pinuntahan ko ang pinaglibingan kay Clinton. Nakatulos sa lupa ang krus na kahoy na yari sa gatong kawayan. Tagibang ang pagkakatulos.

Wala na ngayon ang krus na ‘yon, maging ang punong mangga. Pinagtayuan na ng bahay nina Dikong. Pero hanggang ngayon, nasa mga alaala ko pa rin si Clinton.

Ibinalik ko sa kahon ang litrato naming dalawa, tumingin ako sa orasan. Mag-aala-una na, pero parang nawala lalo ang antok ko. Ibinalik ko ang kahon, at tinungo ko ang kama. Kailangang pilitin kong makatulog.

Nang mahihiga na ako, sa katahimikan ng gabi, sa pagitan ng ugong bentilador at hilik ng mga kapatid ko, nakarinig ako ng mga kahol. Buong-buo. Parang hindi nakakikilala ng takot at kaduwagan.

Huwag Niyo Akong Iiwan



Kayo
na kasama ko
pag sumasakit aking tiyan
kahahalakhak
nagpapaalala sa aking
masarap tumawa
at makapangyarihan
ngiti sa mga labi at ningning sa mga mata
‘wag n’yo ‘kong iiwan.

Ikaw
na kapalitan ko
ng mga kuwento't sentimyento
habang umaakyat sa footbridge
sa Muñoz
nag-aabang ng bus sa EDSA
tumutusok ng mga fishball at kwek-kwek
sa tabing kalsada
ang buhay ay sanga-sangang landas
malamang, maghihiwalay tayo
ngunit hihilingin ko pa rin
sana dito ka lang sa aking tabi
anuman ang mangyari.

Sa mga trabahong umuubos
ng halos buo kong lakas
gumagasta ng lahat kong oras
sana, sana lang
wag kayong maubos
wag kayong matapos.

Dahil kung ako’y nag-iisa
at tanging naririnig
bulungan ng mga kuliglig
ugong ng refrigerator
at hilik ng aking mga kapatid
sa gabing napakatahimik
nararamdaman ko
haplos ng masasakit na gunita
mahigpit na yakap ng nakatatakot na bukas
mga titig ng mga multong
ako ang may gawa
at nakikita ko
nakatutuksong ngiti
ng mataas na kisame.


Footbridge Muñoz


Kanginang umaga, sa Edsa
habang umaakyat ako sa Footbridge Muñoz
nakita na naman kita.
Doon ka pa rin nakaupo
sa baitang na ‘yon ng hagdan
at sa ibaba
abala pa rin sa pagsisiksikan ang mga sasakyan.

Nakapagtataka ang iyong mga ngiti
dahil kahit parang ganap nang niyakap ng lungkot
ang iyong mga mata
naroon pa rin ang kapangyarihan nitong makahawa
at malakas pang makaayang
salubungin ang pag-asa.

Kulubot na ang iyong balat
at malalim na’ng mga gatla
sa taas at baba ng iyong mga labi
tulad ng mga bitak sa napabayaang kalsada.

Dumukot ako ng barya
sa bulsa ng longsleeve ko.
At ang naiahon ko, isang Emilio Aguinaldo.

Nasa NLEX na ngayon
ang sinasakyan kong bus.
At ang gabi ay lalong pinadilim, pinahiwaga
ng nagmamadaling mga sasakyan
ng malungkot na hangin
ng malakas na ulan.
Sira ang bintana ng bus sa aking naupuan
at basa na sa anggi ang kaliwa kong balikat.
May hatid na lamig
ang bawat butil ng ulan
at kasabay ng malamig na hanging
pabangga-bangga sa aking pisngi,
naalaala kita.
Paano ka kaya
 ngayong malakas ang ulan?

Sa Bumuo ng Konsepto ng Maganda’t Guwapo



Ikaw—kung sino ka man
na bumuo ng konsepto
ng guwapo’t maganda
kinamumuhian kita.
Kinamumuhian kita
gaya ng pagkamuhi ng babae
sa lalaking
gumahasa sa kanya
ng dayukdok pa ring manggagawa
sa kurakot, mandarambong na politiko
ng isang ina
sa kabit ng kanyang asawa
ng pulubi
sa walang kuwentang lipunan
higit sa pagkamuhi ng tsuper
sa tumatangkad na presyo ng gasolina.

Ikaw—kung sino ka man
na bumuo ng konsepto
ng maganda't guwapo
magtago ka na
dahil malaki'ng kasalanan mo sa mundo.




Ikaw—kung sino ka man
na bumuo ng konsepto
ng maganda't guwapo
hindi mo alam—pero sana
malaman mo
kung ilan ang tumandang binata’t dalaga
kung ilan ang piniling magmukmok na lang
sa kani-kanilang kuwarto
kaysa maglamyerda sa kalsada
kung ilan ang napapakukuyom ng kamao
pag humaharap sa salamin
kung ilan ang nabuhay
na puno ng kaapihan
kung ilan ang nagtangkang
magpakamatay
nang dahil sa konsepto mo
ng maganda’t guwapo.

Sayang at hindi mo na nakikita
naging buhay ng iba
na pinalad maging guwapo’t maganda,
kung paano sila nagmayabang sa kani-kanilang sarili
na para bang gamit ang mukha
marami silang kayang gawin,
ni naririnig
walang hanggang pagpapakumbaba—kung pagpapakumbaba
man iyong matatawag at di kawalang tiwala’t
padurusa’t, kawalang kasiyahan
ng mga di umabot
sa itinakda mong
konsepto ng kagandahan.

Pagbalik sa Gunita



Gusto kong magtayo ng bahay
sa sinapupunan
ng masasayang alaala
sa daigdig na yakap-yakap
ng kaligtasan
malayo sa mga titig at sulyap
ng mga multong
ako ang lumikha.

Gusto kong magising isang umaga
na naroon
masayang naroon
sa di malilimot
na mga kahapon.
Nanamnamin, higit kaysa dati
bawat segundong lumipas
at magpapakasaya sa kada
minuto-oras-araw-buwan-taon
na pilit kong tinitingalang
mas mainam ang bukas
kaysa sa ngayon.

At pag nalalapit
nang magpang-abot
mga hintuturo
ng kahapon at ngayon
kukuhanin ko
tadyang ng aking panaginip
hihingahan
at bubuo ako ng isa pang panaginip
na may diwang
di natatapos
masasayang gunita.

Ngunit hindi ako roon
nagdilat ng mga mata
kundi sa aking kasalukuyan
na parang bumubulong ng
“ang alaala ay tapos na
at sa isip at litrato
mo na lang makikita.”



Kahapon ay Ngayon



Ibig kong talian ng sinulid
at hilahing pabalik
di napapagod na mga kamay ng orasan
gawing pakaliwa
inog ng mundo
isa-isang puluti’t ikabit
mga nalagas na dahon
ng kalendaryo.

Gusto kong gawing bukas ang ngayon
gawing ngayon mga kahapon
dahil doon
doon sa mga kahapong iyon
naroon ang kaligtasan
naroon ang katiyakan
naroon ang masasayang gunita
naroon ka.


Sabado, Agosto 27, 2011

Sa Loob ng Kulambo


Dati, noong bata pa ako
pag walang kuryente’t walang bentilador
tiyak nang tangan mo
ang karton ng sigarilyo
kundi mo man makita
ang iyong abaniko.
Papaypayan mo ‘ko nang papaypayan
nang mahimbing nang tulog
at di pagpawisan
habang inihehele
ng awitan ng mga kuliglig
at ng uyaying
ikaw lang ang may alam.

Doon, sa loob ng kulambo
sa espasyong malayo
sa mga kagat ng lamok
sa dilim ng gabi
sa pangamba at takot
natagpuan ko ang isang paraiso.

Ngayon, may sarili na ‘kong pamilya
nakatira sa bahay na de-aircon
walang lamok
at di kailangan ng katol
ngunit gustung-gusto ko pa ring balikan
kahit ilang sandali lamang,
ang paraiso
sa loob ng kulambo.

Pagtakas…Pagsagupa



Ilayo niyo ako
sa pook na ito
itakas sa mga titig at sulyap
ng kasalukuyan
at sa nakasalubong na palad
ng nakangiting bukas.
At pag hindi na nila tayo
nasusundan
dalhin niyo ako kahit saan
kahit hindi na roon
sa mga palasyo’t mga kuwartong
nakikita ko lang
sa pagyayakapan
ng aking mga pilik-mata
basta doon
sa hindi ko makikita
pagsikat at paglubog ng araw
sa lugar na hindi ko maririnig
mga yabag
ng mga paa ng orasan.

Huwag kayong mapapagod
na samahan akong
humanap ng lunas
sa mga daang hindi natin kilala.

At kung sakaling abutan nila tayo
magyakap lang kayong dalawa’t
sasagupain ko ang dilim.


Makapal na Salamin





Masyado mong pinakaisip
kanyang sasabihin
pag humingi ka ng paumanhin
at humiling
na muli siyang makapiling.

Ngayon, natatanaw mo siya
ngunit hindi ka na niya nakikita.
At alam mo, sa kaibuturan ng iyong pagkatao
kahit paanong sigaw, hiyaw
iyong gawin
hindi ka na niya maririnig.
Ngunit humihiling ka pa rin
sana, sana kahit ngayon man lamang
marinig niya
iyong sasabihin.

Ngunit paano, paano niya pa maririnig
e may takip na’ng bulak
magkabila niyang tenga?
Paano mo pa sa kanya ipasisilip
tamis ng pag-ibig
sa iyong mga labi
e mga mata niya’y
ganap nang nakapikit?
Paano mo pa ngayon ipararating
pagsisisi’t hinanakit
e may makapal nang salaming
sa inyo’y nakapamagitan?

Ipinikit mo
iyong mga mata
at gumapang, gumuhit
sa nagdadalamhating pisngi
katibayan ng panghihinayang, pagsisisi.

Ngunit hindi iyon umabot sa kanyang labi
pagkat hinarang ng makapal na salamin.