Sabado, Mayo 19, 2012

Lawin, Agila, Penguin


Kung tatanungin mo ako
kung anong ibon ko gustong maging
sakaling ito ang susunod kong buhay
walang pag-aalinlangan kong sasabihin
“Penguin, hindi agila, hindi lawin.”
At pag tinanong mo ako kung bakit
sasabihin ko sa’yo
“Ang agila’t lawin, ‘singlaya ng hangin
nasusuyod ng titig ang mga gubat
nahihiwa ng pakpak ang mga ulap
bahagi ng amiha’t habagat.
Habang ang penguin, pandak
makupad, hindi nakalilipad
subalit hindi alam ang salitang ‘pag-iisa’
nauunawaan ang pag-ibig at katapatan.”

At pag kinunutan mo ako ng noo
o pinamilugan ng mga mata
sasabihin ko sa iyo, “Wala sa ganda ang saya.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento