Linggo, Oktubre 15, 2017

Sekretarya


Angkop lang sa kanya ang ngalan
ng kanyang responsibilidad,
sapagkat may lihim sa pagitan
nila ng pinakamataas.
Labas sa tanggapan,
sa ibang lugar matatagpuan.
Bakit mababagabag?
Wala siyang kasalanan
kung sa kanya natagpuan
ang hindi masumpungan ng naghahanap.
Hagdan ito sa mas maluwag na buhay,
sa gabi-gabing pag-ibig
at nakababaliw na halinghing.
Ngunit hindi na raw lihim an lihim
kung tatlo na ang nakababatid.
Ilang buwan na nga ba siyang
hindi dinaratnan?
Tatlo na yata
sila ngayong nakaaalam.