Linggo, Mayo 20, 2012

Mga Gamu-Gamo


Kalagitnaan ng Mayo, at nagsimula na ang siyam-siyam. Naglipana sa dalawang mahabang bumbilya sa sala ang mga gamu-gamo— siyang-siya sa pakikipaglaro sa liwanag at sa malamig na hangin, nagsisipagruweda, gumuguhit ng numerong 0 at 8 sa kanilang paglipad.

Panay ang hingi ng paumanhin ng lalaking gamu-gamo sa kanyang kasintahan, sa kasalanang hindi pa rin niya alam kung ano.

Hindi naman kumikibo ang babaeng gamu-gamo. Sa halip, lumipad ito palapit sa kabilang bumbilya. Naiwan ang lalaking gamu-gamo.

Gusto lang naman ng babaeng gamu-gamo na suyuin pa siya ng kasintahan, pero baka magalit na ito. Kaya binalikan na niya ito para kausapin.

Nakita niya itong palapit sa dingding, biglang sinakmal ng batik-batik na butiki.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento