Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na tula. Ipakita ang lahat ng mga post

Biyernes, Nobyembre 15, 2024

LAGUSAN ANG MGA AKLAT*


TULA(Y)

 

Dalawampung librong Filipino

ang dala niya sa bayang iyon

ng itim na ginto at malawak na disyerto.

 

Sa dagat ng estrangherong mga letra

sa laksang mga papel at karatula,

sa daluyong ng banyagang mga salita,

sa pananawa ng kanyang ilong at dila

sa mga pagkaing hindi makapagdala

sa kanyang kaluluwa ng ganap na ligaya,

tuwina, mga libro ang kanlungan niya.

 

Sa tahimik niyang silid

na kay bigat sa dibdib ng kawalang imik,

malakas niyang bibigkasin

ang tula sa dala niyang antolohiya,

at dagling magliliwanag

ang kanyang mga mata

pagkabigkas-pagkarinig

sa mga letra, tunog, salita, parirala

sa nilisan niyang bayan.

Liliparin ang hindi nakikitang

nakadagan sa kanyang mga balikat

pag nadaanan ng mga mata niya

ang mga imaheng pamilyar sa kanya:

mga tindang anting-anting sa tapat

ng Simbahan ng Quiapo,

paslit na ginawang gitara

ang pudpod na walis-tambo,

mga estudyanteng nagmamartsa

sa kahabaan ng Legarda,

matandang nangangatog sa pagkahiga

sa gusgusing bangketa.

 

Papaanong sa pagbabasa

sa iilang tula lámang,

nagagawa niyang baybayin

ang layong labingtatlong oras

pauwi sa nilisan niyang bayan?

 

**************************** 

 LAGUSAN

 

Nambalani muli ang aklat ng tula.

Ayokong magpatangay sa panghahatak

sapagkat kay raming gawain

na nanghihingi ng aking oras.

Ngunit pagtapak ko sa lagusang pamagat,

dagli akong hinigop

ng unang mga taludtod—

ng linyang kay sasarap sa tenga,

ng mga hulagway na kagaya

ng mga imahen sa pintura,

ng kay sinop na salansan ng mga salita,

ng nangungusap na mga diwa.

 

At naglakad ako sa kabilang daigdig

na pinagdalhan ng tula sa akin.

Noon ko lang marahil iyon napakinggan—

kumakanta ang kakahuyan,

at may hindi ko maunawaan

na ibinubulong ang bughaw na kalangitan.

Umaawit ang mga batubato,

at umiindak sa ilahas na mga bulaklak

ang bahagharing mga paruparo.

Sa sanga ng punong kamagong,

may musang na natutulog.

Sa damuhan sa likod ng kabalyero,

naghahabulan ang mga kuneho.

Ay, anong rikit na espasyo.

Sa pahina ko na lang ba mararating

ang ganito kapayapang mundo?

 

Ano’t pagtawid ko sa lagusan

palabas sa mundo ng tula

ay kay gaan ng aking katawan

at limang minuto lamang ang nagdaan?


 

****************************  

 MGA PAKPAK

 

Kahit ipiniit ng pandemya at lockdown

sa kay kipot niyang inuupahan,

paulit-ulit pa rin siyang nakakaalpas.

 

Sa gabíng nagbabasa ng nobela,

halimbawa, dahan-dahang

bubuka ang kanyang mga pakpak.

Bubuksan niya ang bintana,

at kay tahimik siyang papaimbulog.

At yayakapin siya ng lamig ng gabí.

Minsan, nagtungo siya

sa luma’t limot na simbahan,

at nasaksihan ang pagtatagpo

ng pinaglalayong magkasintahan.

Minsan, dinadala siya ng pakpak

sa bughaw na lagusan

at matatagpuan ang sarili

sa kay layong nakalipas

o inaasahang malayong búkas.

 

Mga pakpak, hindi lamang bakuna,

ang nagligtas sa kanya

sa mga kuko ng pandemya.


------

* Ang mga tula ay lahok sa Saranggola Blog Awards 2024.









Linggo, Nobyembre 6, 2022

Mga Tiyanak at Iba Pang Tula



MGA TIYANAK

Ito ang kanilang teritoryo—

mukhang kay payak lang na mundo

upang di mahalatang laberinto.

 

“Iligaw sa dawag nitong kagubatan

ang mabababang uring nilalang,”

ang atas sa kanila ng punong aswang.

Sapagkat di sila dapat makalabas,

nang di matanglawan ng sikat ng araw.

 

Kay rami nang pinaslang ng punong aswang.

Galak na galak siya sa hindi maubus-ubos

at kay lilinamnam na mga lamanloob.

Salamat sa laksa niyang tiyanak,

pinagpupugayan siya ng lahat.

 

May mangilan-ngilang nakalabas

sa kagubatan, at binalikan ng katinuan.

Itinuturo nila ang daan palabas,

ngunit inuusig at binabato sila ng lahat.

 

 

 

TIYANAK

 

Siya na lang ang nalalabi sa kanilang uri.

At sapagkat wala nang mga gubat,

sapagkat hindi na kasingsukal

ang tinatawag na mga kasukalan,

itong siyudad na ang kanyang pook-laruan.

Laberinto ang sanga-sangang lansangan,

naninindak ang mga gusaling nakapamaywang.

nanlilinlang ang magkakamukhang daan.

Ang buong lungsod ay mapanglitong

dawag ng ugat at mga laman-loob.

Ngunit hindi niya rito inililigaw

ang kawawang mga nilalang.

Hindi lamang lunan ang nagbago,

umangat din ang antas ng panlilito.

Inililigaw niya ang mga tao sa siyudad

sa kani-kanilang saysay at pangarap.

May mga nag-akalang nasa

pagbuo ng sariling pamilya ang saya,

naligaw sa talagang nais na

mabuhay nang binata at dalaga.

May mga nauhaw sa palakpak.

At ngayong kilala ng lahat,

saka nasasaid ang balon ng galak.

 

Walang silbi ngayon sa kanya

ang pagbabaliktad ng kamiseta.

Kung kaya nilang hindi pakinggan

ang mga alingawngaw ng siyudad,

saka lang sila makakaligtas

sa laberinto sa kanilang utak.

Iilan pa lamang ang nakalabas,

silang sa kabila ng ingay ng paligid

ay nagawa pa ring marinig

ang sinasabi ng sariling tinig.

 

 

MANANANGGAL SA LUNGSOD

 

Dalawang beses lamang kada linggo niyang

hinahati ang pagal na katawan.

Iiwan sa kipot ng inuupahan

ang ibabang bahagi, samantalang

lilipad sa lungsod na mas masalimuot

pa sa dawag ng laman-loob

ang itaas na bahaging kadalasa’y

hindi makapaimbulog

dahil sa hatak ng pagod, gutom at antok.

 

Hindi lang naman sinaklot na katawan

ang kailangan para mabuhay.

May kuryente, internet, renta sa bahay,

tubig na kailangang bayaran,

na kada buwan ay nagbabantang mandagit

kung di makatutupad sa mga palugit.

 

 

Dalawang beses lamang kada linggo niyang

hinahati ang pagal na katawan.

Ngunit hindi mabilang kada araw

niyang hinahati ang sarili.


-----

Ang akda ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12




                                                                https://culturalcenter.gov.ph/

                                                         https://www.dmcihomes.com/

                                                https://www.facebook.com/SaranggolaPH

Biyernes, Hulyo 27, 2018

Sa Mga Gabing Gaya Nito



Dumarapo sa iyo ang lungkot
habang nagsusulat ka
o nagbabasa,
o gumagawa ng kung anuman
na batid mong makabuluhan.
Dumarapo siya sa iyong balikat,
kawangis ng uwak,
at pinapagpag
ang gamugmog na mga gana
sa iyong mga mata.

Sa mga gabing gaya nito,
na gusto mong manghinayang
sa araw na dumaan lang,
ngunit hindi mo magawa,
sapat na sa iyo
ang kaibigang mapagkakatiwalaan
ng mabigat na salaysay
kung papaanong ang buo mong araw
ay natatapos sa higaan.
Ngunit, maraming gabi
ang gaya nito,
na ang tangi mong kapiling
ay kapeng mapait
at murilat na dilim.


Huwebes, Hulyo 26, 2018

Tula


Hindi ikaw ang nagturo
sa aking umibig,
ngunit sa iyo ko natutuhang
panatilihin
ang ganitong damdamin.
Kahit lagi nitong kakambal
ang manghinayang,
malungkot, masaktan.
Pero, sa iyo ko mas natutuhan
ang paglaban.
Hindi pala ito anyo
ng karahasan,
kundi ibang gayak lamang
ng pagmamahal.
Kaya nang sabihin mong
Gamitin mo akong sandata,
sapagkat ang tinta
ay hindi nagtatapos
sa katagang ‘Mahal kita,’
tumayo ako at nagsuot ng tapang.

Salamat, sa iyo ko
napatotohanan,
bahagi ng pagmamahal
ang paglaban.


3/21/18
World Poetry Day

Linggo, Abril 15, 2018

Part-Timer


May bagyo, at suspended ang klase,
pumapalakpak ang mga estudyante.
Marami ang online, nagbababad
ibinabandera ang kalayaang magpuyat
mag-movie marathon, mag-DoTa
mamapak ng mga episode
sa paboritong k-drama.
Gusto mo ring magpakita
ng kahit slice lang ng ligaya,
magkape sa tabing-bintana
magmuni-muni gaya ng pagod at tumatanda.
Pero hindi mo magawa.
Panglimang buwan mo nang
wala pang sahod,
at bukas, wala uling bayad.
Dumating kahapon
ang disconnection notice,
hawak mo ngayon
ang bill ng tubig.

Lunes, Enero 22, 2018

Kalakal


Maraming mangangalakal
sa aming bayan.
May nagtitinda
ng mga pagkain
at samu’t saring kasangkapan.
May nagbebenta
ng naipundar na yaman.
May nagtitinda
ng aliw at katawan.
May nangangalakal
ng ulo ng kanyang
mga kasamahan.


1/16/18

Ukay-Ukay


Nasa ukay-ukay ang aking puso.
Nasa hindi binibisitang sulok,
pinapatanda ng mga alikabok.
May nauna nang
gumamit sa aking puso,
kaya roon siya nagtago.
Nais mo ba siyang makuha?
Magaan lang sa bulsa
ang kanyang halaga.
Sapat na sa kanya
ang tiyaga mong maghalukay
magpagpag,
ang hangad na sulsihan
ang kanyang mga sugat.
Buong sarili niyang iaalay
ang hindi
segunda manong pagmamahal.


1/16/18

Sa Aking Bibig


May mga nakasulat sa aking bibig,
sa aking mga labi, dila, mga ngipin.
Laksang mensahe’t pagnanais
na doon na tumigil at naglambi-lambitin
dahil hindi maga-gawang sambitin.
Marami nang mahahapding salitang
nanugat sa aking mga tenga,
marami nang malalamig
o nang-uusig na mga titig
ang pumaso sa mga mata.
Hindi na nila kaya.
Ngayon, kung talagang nais
mabasa ang mga nakatitik,
halikan ako nang ilang saglit
sa kanlong nitong dilim.
Sapagkat pandama lamang at kaluluwa
ang makakabasa sa kanila.

Ngunit maging itong pagpipilian
ay hindi ko yata kayang ihapag.
Hihintayin ko na lamang siguro
na mabulok sila bibig ko,
at sana ay pagpagin, kalaunan
ng mga kamay ng matandang relo.


1/21/18

Linggo, Disyembre 3, 2017

Deadlines


Kung natabunan na
ng laksang papel,
sa kanlong ng nabubuong yungib
sa ilalim ng dilim,
sarili ay suriin.
Maririnig na
ugong na ng makina
ang tunog ng buntong-hininga,
madaramang daliri na ng relo
ang sariling hintuturo—
patulis at may nguso.
At kung masisilip
ang sarili sa salamin,
dagling mababatid,
ang mga matang
dati-rati’y maningning,
ngayon ay walang
kabitu-bituin.

Keychain


May salaysay itong munting sining
na sa bag ay lalambi-lambitin.
Maaaring sagisag ng sarili,
paraan ng pagsigaw sa mga bagay
na hindi pa rin masabi.
Maaaring payak lamang na hilig,
paris ng tanawing laging iniibig.
Maaaring abot ng kaibigan—
ng dating kaibigan—
na lumamig na ang pagmamahal,
at ang pagpapasalubong paminsan-minsan,
pabalat-bunga na lamang.

Huwebes, Nobyembre 16, 2017

Kape


Batid kong sa ngalan na lamang ng pagsasama
ang patitimpla mo
sa akin ng kape kung umaga.
Isinasabay sa kape ng mga bata,
sapagkat ayaw nating mapaso
ng kanilang pag-uusisa.
At batid kong batid mo,
sa ngalan na lang din
ng pakikisama ang pag-inom ko.
Hindi malayo sa ating hapunan
na kinakain natin nang mekanikal
kaya walang bango at linamnam.
Kaya ba sila lumilikha
ng rabaw na mapag-uusapan,
ramdam nilang nanduduro
ang katahimikan?
At hindi ko alam kung iyong nababatid,
iniinom ko ang kape
kung wala nang init.
Para sanayin ang sarili, marahil
sa dati ay ganap mong pag-ibig
ngunit malaon nang lumamig.