Lunes, Disyembre 26, 2016

Sapagkat Lagi Tayong Nagmamadali


Hindi na tayo kumakanta kung naliligo,
hindi na halos nakikipagtawanan kung kumakain,
hindi na kinakausap ang sarili sa salamin.
Hindi na natin tanda
kung kailan natin huling pinagmasdan
ang dapithapon at bukangliwayway,
kung kailan huling ikinagalak
ang biglaa’t malakas na ulan.
Hindi na tayo nakikipagkumustahan
sa mga kapatid, mga kaibigan
hinggil sa kanya-kanyang kalagayan.
Nalilimutan na natin ang rikit
ng payak at libreng mga bagay.
Nagmamadaling makina na
ang tingin natin sa buhay.
At sa pagitan ng bawat pagsalubong natin
patakbo
sa paparating na dyip,
sagsag na paglakad
papasok sa trabaho,
naiiwan natin sa hindi na nahalong kape
ang mga munting piraso
ng ating pagkatao.


12/13/16

Huwebes, Nobyembre 3, 2016

Mekanikal


Kanina, nang lampas
dose oras na sa opisina,
natabunan ng papel,
nag-iisa,
may narinig akong
mahinang ugong ng makina.
Hinawi ko ang kurtina,
walang dumaang sasakyan
sa kalapit na kalsada.
Walang naiwang gadget sa silya,
sa mesa, istante o mesita.
Ilang araw na akong
nakatira sa opisina.
Gabi-gabing mag-isa.
Hinlalato ng relo ang mga mata.
Ito ba ay tunog
ng aking hininga?



10/14/16

Tugon


Ihihingi ko pa rin ng paumanhin
ang hungkag kong ganti
na “Ok lang,”
walang bahagya mong ningas,
sa pangungumusta mong
biglang nagparamdam
kaninang
meron kang kailangan.



10/6/16

Titser


Marami tayong papel.
At isa na nga rito,
matabunan ng papel.



10/10/16

Sound (T)rip


May mga musika
na isasalba ka
sa parusa ng kalsada.
May mga musika na
pasasagasaan ka
sa harurot ng alaala.



10/11/16

Libro


Huwag sanang isiping
madamot ako.
Mga munti kong piraso,
itong hinihiram mo.
Ako ang napupunit
tuwing isinasauling gulanit.
Ako ang nasusugatan,
tuwing natutuklasang
may mantsang naiwan.
Huwag sanang isiping
ito ay pagkamakasarili.
Mas nais ko ang pang-uring
umiibig
kaya namimili, nag-aatubili.



10/6/16

Pahina


Merong pagkakataong
sa pagbuklat sa libro,
siyang mababasa mo
ay munti mong piraso.



10/6/16