Huwebes, Abril 9, 2015

Blumentritt


Kasabay mo na naman sa bus
ang diyos ng tag-araw,
at naglipana sa labas
ang likha niyang mga halimaw.
Mga dambuhalang nagbabaga ang hininga,
mabaho, nakapapaso.
Sinasakal ang mumunting mga hanging
nakatalaga sa paligid.

Hindi umuusad ang inyong sasakyan,
nakapalibot sa abot-tanaw ang dahilan:
sugatang mga daan.
Alam mong mula ang sugat
sa kapiling nitong mga manggagawa’t
sasakyan,
at na nagmumula ang kanilang lakas
sa matamlay na ninyong mga kalamnan.
Ngunit alam mo ring
kasangkapan lamang sila.
Bahagya mo pang nakikita
sa kanilang bumbunan ang antenna.

Sa malamig na tanggapan
na hindi abot ng iyong tanaw,
kumukuya-kuyakoy ang punongbayan.
Nilalaro ng mga daliri ang controller
at nakapatong sa mesa
ang nangangatog na baso ng soda.