Linggo, Agosto 26, 2012

Nakaraan


Marami na ang nagbiling
‘wag magtayo ng bahay
sa sahig na nalalatagan
ng mga napilas na dahon ng kalendaryo
o manirahan sa mga bayang
pinaglibingan ng mga kamay ng relo.
‘Pagkat wika nila
ang nakaraan ay nakaraan
at ang bukas at ngayon ay iba sa kahapon
at ang mamaya ay hindi ang kangina.
Ngunit paanong gagawin?
Masisisi ba natin silang
nagsipatayo ng pahingahang kubo
sa mga lupang tinulugan na ng mga anino?
Silang naniniwalang
ang nasa mga palad lang ng ngayon at bukas
ay pananabik, pagsubok at pag-asa
habang hawak-hawak sa leeg ng nakaraan
ang katiyakan?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento