Linggo, Agosto 26, 2012

Joined Force


Hanggang ngayon, tandang-tanda pa rin ng ilong ko
ang amoy ng buhok mo at pabango.
Kabisado pa rin ng aking mga kamay
ang linya ng iyong baywang at balikat.
Kilalang-kilala pa rin ng aking tenga
ang iyong himig at tinig
kung tumatawa ka, nagtatampo o nagagalit.
At saulado pa rin ng aking isip
ang pagkislap ng iyong mata
at pagkurba ng iyong labi.

Oo, kilalang-kilala ka pa rin nila
at nagkasundo silang
hindi ka nila kalilimutan
‘pagkat ayaw nila
‘pagkat hindi nila kaya.
At hindi ko rin naman sila masisisi.
Gaya ng kaliwa kong dibdib
na hindi ko kayang sisihin
kung bakit matindi
ang galit niya sa kanila.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento