Linggo, Setyembre 18, 2011

Kalawanging Dyip


Wala ni isa man sa pamilya namin, extended family kami, ang hindi napamahal sa dyip ni Tatay.

Pangalan ko ang nakasulat sa noo niyon, “Mac-mac.” Ako kasi ang panganay na apo. At napakalaki ng kinalaman niyon sa kamusmusan ko at sa aking pagkatao.

Anim na buwan lang ako nang iwan nina Mama at Papa sa Nueva Ecija, kina Nanay at Tatay, mga magulang ni Mama. Wala raw kasing makuhang mag-aalaga sa akin. Sa Valenzuela sila nakatira. Titser sa elementarya si Mama, at namamabrika naman si Papa.

May sari-sari store sina Nanay. Malakas. Malapit kasi sa eskuwelahan, at dito rin bumibili ng lutong ulam ang mga nagtatrabaho sa piggery at poultry sa paanan ng Sierra Madre. Itong tindahan daw na ito ang dahilan kung bakit ang taba-taba ko nang bata pa ako. Idagdag pang panganay na apo nga ako, sunod na sunod ang luho.

Pangsiyaman lang ang dyip. Kaya hindi kalakihan. Kombinasyon ng pula at abo ang pintura nito sa labas, at maputlang pula ang mga upuan. May ni-welding na disenyong kabayo sa unahan. At nakasulat sa saya ang “Tatang Inggo & Inang Maria,” lolo’t lola ko sa tuhod, mga magulang ni Tatay.

May top load iyon. At kahoy ang kisame, na may malaking butas na malapit sa pinto. Noong bata pa ako, may basahan lagi sa butas na iyon.

Pero sa mga ito, dalawang paglalarawan sa dyip ang pinakanatatandaan ng mga tao. Una, napakarami na nitong kalawang. May biro nga na minsan, akala raw ng mga pasahero, buhangin ang nalalalaglag sa mga hita nila. Napakahaba kasi ng hindi sementadong kalsada. Niyon pala, kalawang na. At ikalawa, na pangalan ko nga ang nakasulat sa noo nito, “Mac-mac.” Kaya maraming nakakakilala sa akin.

“A, Mama Ene, ‘yan ba ‘yong Mac-mac? E kayputi pala.”

“Aba, ‘yan ang palaki namin,” pagmamalaki ni Tatay. Malakas siya lagi kung magsalita. Parang may kaaway. “Hustong ipanganak e iniwan na sa’min,” idurugtong pa niya, kahit ang totoo nga ay anim na buwan na ako nang iwan sa kanila.

Dahil sa dalawang katangian iyon, lagi akong tinutuksong “Mac-mac kalawang” nang nasa elementarya pa ako. Kaya may mga pagkakataong ikinahihiya ko ang dyip namin. At may mga pagkakataong mas gusto ko pang maglakad kaysa sumakay roon.

Nang nasa elementarya nga ako, madalas akong makipagbuno sa mga nanunukso sa akin. Minsan, umuuwi akong ngumangawa.

Sabi ni Tatay, mas matanda pa raw kay Mama ang dyip namin. Gayong apatnapu’t lima na ngayon si Mama. Marami na nga raw ang nasirang dyip at naibentang sasakyan ng mga taga-Callos, baryo namin, pero ang dyip namin, nandoon pa rin. Mabagal na nga lang, nauunahan pa ng mga traysikel.

Sa buong Callos, wala pa siguro sa isang daan ang hindi pa nasasakay sa dyip namin. Inaarkila ito kung may libing, kung susundo ng musiko pag pista, at ng mga pulitiko para sunduin ang mga botanteng alam nilang “kanila na” kung eleksiyon. Dito ri isinakay si Mama at ang mga tita ko nang humilab ang tiyan at kailangan nang isugod sa ospital. Ito rin ang ginagamit namin pag hahakot ng inaning palay at magnininong sa kasal si Tatay, at pag pupunta sa bisita sa kabayanan.

Higit sa lahat, ipinapasada ni Tatay ang dyip. Isang beses kada araw.

Alas-tres ng madaling-araw kung bumangon si Tatay para mamasada. Hindi na niya kailangan ng alarm clock. Kusa na iyon, sampung minuto bago mag-alas tres, nagigising na siya. Parang bang kaibigan niya ang madaling-araw, at ginigising niya ito.

Matangkad si Tatay. Walang balbas at bigote. Panot. Kayumanggi. Mapungay ang mga mata. At napakahilig sa inuman.

Maninigarilyo muna siya at magkakape. Itim na itim lagi ang kape niya, napakapait. At sobra siya kung manigarilyo. Nakakadalawang kaha kada araw.

Pagkatapos, maliligo siya. Mabilis lang siya kung maligo. Sinasabon niya ng sabong panlaba ang panot niyang ulo. Nakakamisetang puti, short na maong at tsinelas na de-ipit na siya pag pumuntang garahe.

Hindi ko nakita ang ganito larawan nang bata pa ako. O maaaring nakita ko, hindi ko lamang maaalaala. Pero dahil ganito ang nakikita ko nang nasa hayskul na ako at nagbabakasyon sa kanila, at nagigising para umihi, ipinagpapalagay kong ganito rin marahil ang gawi niya nang di pa ako nag-aaral at nang nasa elementarya pa lang.

Maluwang ang garahe namin. Kaya pang maggarahe ng traysikel kahit nandoon na ang dyip. Kasama nang nagtambak na gulong, lata ng pintura, putol na host, tubo at kung anu-ano pa.

Papahulo muna si Tatay para manguha ng mga pasahero sa hulo. Mga alas-tres trenta na iyon.

Sa pangalawang gulod nagmamaniobra si Tatay. Malapit na iyon sa dulo ng Callos. Nasa lima rin ang nakuha niyang pasahero. Pero mas marami ang daraanan, mga hindi nagsisakay kanginang pagpahulo. Puwedeng dahil hindi pa nakagayak o nagsabi na lang na daanan na lang sila.

“Aba’y punyeta, mamamatay ‘yon pag dinaanan!” madalas na biro ni Insong Lita, ang laging unang pasahero ni Tatay, at doon lagi sa unahan ng mahabang upuan nauupo.

Kilala na ni Tatay kung sino ang mga sumasakay pag ganito at ganyang araw. Pag Lunes ang pinakamarami. Hindi pa nakalalabas ng Callos, puno na ang dyip. Marami kasing namamalengke at lumuluwas sa Maynila. Pero kung ibang araw, lalo kung Sabado, sa kabayanan na ito ng Peñaranda napupuno. Bagama’t marami na ring sakay bago pa makalabas ng Callos. Kulang na lang marahil ng tatlo o apat na pasahero.

Noong di pa ako nag-aaral, kina Nanay at Tatay ako lagi nakatabi. Pagbangon ni Tatay, babangon na rin si Nanay. Namamalengke rin si Nanay sa Gapan, sumasabay kay Tatay. At pagbangon ni Nanay, bumabangon na rin daw ako. Kaya nasasama ako kay Tatay sa pagpahulo.

Doon ako lagi nakaupo sa tabi ni Tatay, at pag puno na ng pasahero ang dyip, nalilipat ako sa kaliwa niya. Hihinto ang dyip sa amin, sasakay si Nanay. Tulad ng ibang namamalengke, may dala siyang bayong. Noon naman ako aabutin ni Dikong, tito ko. Sabi nila, noong mga unang sama ko raw kay Tatay, umiiyak pa ako pag kinukuha ako ni Dikong. Gustung-gusto ko raw sumama sa Gapan.

Pero siyempre, hindi ako puwedeng isama.

Siyam na kilometro mula palengke ng Gapan hanggang arko ng Peñaranda. Dulong baranggay ng Peñaranda ang Callos. Kaya palagay ko, sampu o labing-isang kilometro ang binibiyahe ng dyip namin. Papunta pa lamang iyon.

Sa Gapan nagbababaan ang mga pasahero. Nandoon kasi ang pinakamalaking palengke sa buong Nueva Ecija, kaya roon namamalengke ang mga may tindahan. Nadadaanan din ng Maharlika Highway ang Gapan. Dito dumaraan ang mga bus na pa-Cubao, na sasakyan ng  magsisiluluwas.

Pagdating ng dyip sa Gapan, bago dumating sa palengke, nagbabayad na ang mga luluwas. Pero ang mga sasakay uli pagbalik, iyong mga mamamalengke nga, hindi muna. Pagbalik na lang sila magbabayad, nang doble.

Sa tapat ng munisipyo ng Gapan ipinaparada ang dyip, sa likod ng plasa iyon, sa harap ng palengke. Mga bandang alas-singko na iyon.

Alam na ng mga namamalengke na roon nila pupuntahan ang dyip. Maging ang mga uuwi ng Callos, galing  Maynila, doon din pumupunta.

Tahimik pa pag ganoong oras. Pero gising na gising na ang Gapan. Nagbibiruan na ang mga magtatraysikel. Mabibigat na ang buhat-buhat ng mga kargador. May naglalakad nang mga tindero ng kutsinta at taho. May mga kaminero nang nagwawalis ng kanal. At marami nang nakaparadang sasakyan sa palibot ng plasa.

Napansin ko ang mga ito nang nasa kolehiyo na ako, at umuuwi ako sa Callos o lumuluwas sa Valenzuela. Pagkatapos ko kasi ng elementarya, kinuha na ako nina Mama’t Papa. Malapit lang kasi kami sa hayskul. At kalahating araw lang ang pasok.

Minsan, sumasabay ako kay Tito Ferdie sa pag-uwi. Madaling-araw iyon. Pinupuntahan namin si Tatay sa likod ng plasa. At doon na lang kami sumasakay. Siyempre, sa tabi ni Tatay kami pumupuwesto.

Alas-seis trenta kung bumalik ang dyip. Minsan, naaatraso nang kaunti. Pag may namalengke na medyo natagalan. Pag hindi pa ito lalakad, humihiga lang si Tatay sa upuan sa unahan, o kaya, nakikipagbiruan sa mga magtatraysikel at ibang drayber ng dyip. Habang naninigarilyo.

Madaldal si Tatay. Mayabang. Pero napakarami niyang kasundo.

Pag may nakabalik nang namalengke, ito naman ang kahuntahan niya. Hindi sila nagsasawa sa kuwentuhan. Samantalang papuntang Gapan at pabalik sa Callos, sila-sila rin naman ang magkakausap.

“Musta nga pala’ng okra n’yo?” itatanong ni Tatay.

“’Ay naku, S’yaho, lugi. Me sakit e. Inutang na nga lang.”

“Siyahong Ene” ang tawag sa kanya ng mga taga-Callos, panganay na babae kasi si Nanay. Si Mama Ene naman siya sa mga tagakabayanan at taga-ibang baryo ng Peñaranda.

Kung may sasakay na galing Maynila, mas nagiging maganda ang kuwentuhan. Lalo kung ngayon na lang uli ito nauwi.

“O, magmano, magmano,” sabi minsan ng isang taga-Bukidnon. “Lolo ‘yan, lolo.”

“E mga anak mo na ba ‘yan?” malakas ang boses ni Tatay. “E kelalaki na pala.”

“Oo nga ho e. Matagal di nauwi e.”

“Aba’y putres, kahit paminsan-minsan, uuwi kayo.”

Punung-puno uli ang dyip pag bumalik ito. Hindi man sa pasahero, sa dami naman ng pinamalengke. Maging ang top load nito, maraming laman. May mga chichiria, karne, de lata, sigarilyo, sabon, shampoo at kung anu-ano pa.

Sa biyahe, kung anu-ano naman ang nagiging paksa ng mga kuwentuhan. Parang komunidad nga ang dyip namin, nasabi ko sa sarili ko.

“Parang nagkikita ‘yung puke ko,” sabi ni Insong Lita.

“Ay, ere, Nanang,” dumukot sa bayong ang baklang si Atong. “Bumili ‘kong sili.”

Tawanan.

Hindi na pumapara ang mga bababa. Alam na iyon ni Tatay. At kung may pinamalengke ito at nasa top load iyon, inaakyat iyon ni Tatay. Saka iaabot sa anak o asawa ng namalengke, na tumutulong sa pagbababa.

Minsan, nakakatuwaan ni Tatay na gulatin ang mga naglalakad na kakilala. May malaking torotot na nakakabit sa bandang sa taas ng side mirror. Busina iyon na ikinabit ni Tito Ferdie, kumukuha ng power sa LPG na nasa ilalim ng upuan. Hihilahin ni Tata ang alambreng nakalambiting sa kisame, at tutunog ang busina. Malakas. Nakabibingi. Parang busina ng tren.

“Ay bayag!” sigaw ng maghuhuweteng.

Tawanan naman ang mga makakarinig.

“Si S’yaho naman kasi! Kumbakit hindi ipaalis ‘yung busina na ‘yon!”

“Kahit ba e,” tatawanan lang siya ni Tatay.

Kung Bagong Taon, ipinahihila sa aming mga apo ang alambreng iyon. Naikipagsagutan sa mga plapla at rebentador.

Hihinto sa amin ang dyip, at bababa si Nanay. Si Dikong ang nagbababa ng mga pinmalengke. Pagkatapos, didiretso sa hulo ang dyip, ibababa ang ibang pasahero. At magmamaniobra uli sa pangalawang gulod.

Iginagarahe ang dyip nang alas-siyete trenta, o mag-aalas-otso.

Nang bata pa ako, paghinto ng dyip sa amin, sumasakay kami ng dalawa ko pang pinsan. Sina Jean at Etsika. Sa likod-bahay sila nakatira, mga anak ni Tito Ferdie.

Sumasama kami sa paghahatid sa huling pasahero. At pagdating namin sa amin, nagsahod ang mga palad namin. “Dos! Dos! Dos!”

Tatawa si Tatay. “Kayo na nga’ng nagsisakay, kayo pa’ng babayaran!” Isa-isa niyang lalagyan dos ang mga palad namin. May dos na kalabaw at dos na buko pa noon.

Kung minsan, hindi dos ang ibinibigay niya sa akin. Limang piso. At sasabihin nila, ako raw kasi ang paboritong apo.


Pag Sabado de Gloria, nagpipiknik kami sa ilog, sakay ng dyip. May dala kaming mga lutong ulam, may adobo, sinampalukang manok, tinumis, at pansit. Isang malaking kaldero ang dala naming kanin. May interyor pang gagamiting salbadida. Siyempre, hindi rin kami nawawalan ng kamera. Disposable camera lang ang uso noon.

Maingay kami sa loob ng dyip. Magulo sa dami namin. Kaming mga apo pa lang kasi, sampu na. Umuuwi kasi ang lahat ng kapatid ni Mama.

Inilulusong namin sa ilog ang dyip. Sa mga ganoong panahon, lampas-tuhod na ang pinakamalalim nitong nilulusong.

“Hala, baka malansag!” magbibiro ang isa sa mga pinsan ko. “Puro kalawang na nga e!”

“’Wag kang ganyan, pag ‘binenta ‘to sa museum, mahal ‘to,” ako ang sumasagot nang ganoon.

Sa lupa sa gitna ng ilog ito inihihinto ni Tatay. Kung wala namang makitang bakante dahil sa dami ng damara, marami kasing nagpi-piknik, doon na lang sa mababaw-babaw. Doon sa hanggang bukung-bukong lang ang tubig.

Tatalian ng mga tito ko ng lona ang top load ng dyip, habang itutulos naman sa lupa ang dalawa pang dulo. Sa ilalim niyon kami magsisikain.

Pag-uwi, una-unahan kami sa poso at CR.


Nang mag-asawa si Dikong, tito ko nga, ibinigay ni Nanay sa kanya ang tindahan. Hindi naman kasi nakatapos si Dikong. Wala ring alam na trabaho. Kaya sa dyip at bukid na lang umaasa sina Nanay.

Wala namang kaso roon. Noong una. Dahil malaki ang kinikita ng dyip. Pero nang lumaon, hindi na rin.

Dumating ang panahon na marami nang traysikel. Kaya ang mga namamalengkeng may traysikel, nagtatraysikel na lang. Mas mura nga naman kasi. Hindi pa nila kailangang gumising nang madaling-araw. Kung kailangan lang nila gustuhing mamalengke. Hindi pa sila namamadali sa pamimili.

Kaya may mga pagkakataong dalawa lang ang pasahero ni Tatay, at hindi na siya naghahatid ng pasahero sa hulo.

Nang minsang umuwi ako, nasa kolehiyo na ako noon, at kada sembreak, umuuwi ako, tatlo lang kaming sakay ni Tatay. Si Dikong pa ang isa. Naawa ako kay Tatay. Naalaala ko ang kalakasan ng pasada.

Wala namang pagbabago kay Tatay. Makuwento pa rin siya. Panay pa rin ang tawa. At malakas manigarilyo. Pero parang hindi na ganoon kasaya sa dyip.
Maging nang mananghalian kami. Hindi na gaya nang dati ang mga ulam. Puro init na lang, o kaya, bigay nina Tito Ferdie at Dikong.


Nang mga panahon ding iyon, madalas kong ipagyabang sa mga kaibigan ko ang dyip namin. Na may dyip kaming lampas kuwarenta taon na, pero namamasada pa. At noon, tinatawanan ko na lang ang mga alaala ko noong bata pa ako na nakikipag-away pa ako at umiiyak pag tinutukso akong “kalawang.”

Nasa huling taon na ako sa kolehiyo nang maospital si Tatay. Malala ang naging lagay niya.

Noong una, sabi niya, kulay brown daw ang ihi niya. Nahihilo rin daw siya. Kaya hindi siya namasada umagang iyon. Nang mga sumunod na araw, lumala ang hilo niya. Kaya isinugod na siya sa ospital.

Tapos, natuklasang may problema siya sa bato, sa baga at kung saan-saan pa.  Kinailangan siyang i-CT scan. At i-ICU.

Tinapat na kami ng doktor, maliit daw ang tiyansa. Mga dalawampung porsieynto lang. Nagulat kami lahat.

“Ang bilis naman,” sabi ng tita ko. “E kelakas-lakas pa ni Tatang.”

“Ganyan talaga,” sabi ni Insong Lita nang dumalaw sa ospital. “Pag nagkakomplikasyon, sunud-sunod. Sana lang e kayanin pa ni S’yaho ‘yung mga operasyon.”

Panay ang iyak noon ni Nanay. Kami naman, panay ang dasal. Pero tinatanggap na rin ang maaaring mangyari.

May mga pastor na dumalaw kay Tatay para ipagdasal siya. Maging sa mga istastyon ng radyo, ipinagdasal siya. Protestante kasi kami. Lahat, aktibo sa kapilya. Si Tatay, ipinagmamalaki niya kahit sa mga inuman, hindi man siya palasimba, pero basta Linggo ng Pagkabuhay, walang mintis, nagsisimba siya.

Ang dami rin naming inutangan at nilapitang kamag-anak. Daang libo na ang kailangang bayaran.


Sa kabila ng mga ito, gumaling si Tatay. At nagulat ang lahat. Ang malaking himala pa rito, sabi, habang-buhay na raw ang dialysis, at kung mabuhay man daw si Tatay, malamang, nakaratay na lang. Pero hindi. Tatlong buwan lang ni-dialysis si Tatay. At iyong dyip na akala ng mga tao’y maigagarahe na lang, makalipas ang limang buwan, naipamamasada na ulit.

Pag naaalaala ko nga ito, naiisip kong totoo ang batas ng pananampalataya.


Pagkatapos ko ng kolehiyo, nagkatrabaho agad ako. Sa STI Caloocan, part time Filipino instructor. Noon siningil sina Nanay ng inutangan nila ng mga nagastos kay Tatay. Idedemanda raw sila pag di nila nabayaran.

Walang kaso sa kumare ni Nanay, ang problema raw ay sa asawa nito. Ang usapan daw kasi, isang taon bago bayaran. Pero heto at ilang buwan pa lang, naniningil na.
Hindi alam nina Nanay kung saan kukuha ng bayad. Sobrang laki nga kasi ng nagastos kay Tatay. Matagal pa rin bago mag-anihan.

Limampung libo ang utang nila rito. May kinse mil sila. Kaya trenta’y singko pa ang puproblemahin.

Kuwento ni Tatay, may nagpunta raw noon sa bahay. Taba-kabayanan. Gustong bilhin ang dyip.

“E sino’ng di nagulat. Aba’y bibil’in ‘yon e lumang-luma na? Tapos, trenta mil pa!”

Tumawag ako sa mga tita ko. Kinausap ko si Tatay.

“’Tay, ‘wag n’yong ibenta ‘yong dyip,” nakikiusap ako. “Ako na lang ang maghahanap ng mauutangan,” sabi ko pa. Kahit di ko alam kung may magpapahiram sa akin ng gayong kalaking pera. At kung saan ko kukuhanin ang pambayad, sakaling pautangin ako.

Pero wala ring nangyari. Naibenta rin ang dyip.

Palagay ko, masaya si Tatay sa ibinigay sa kanyang pangalawang buhay. Sa tuwa niya, kahit mawala sa kanya ang dyip na mahal na mahal niya, ayos lang. Dahil malaki pa rin ang dapat ipagpasalamat.


Hindi ako mapagkatulog niyon. Pakiramdam ko, namatayan ako ng napakaimportanteng tao sa buhay ko. Naiisip ko, ano na kaya ang itsura ng garahe? Nakikita ko naman iyon nang wala ang dyip, pero pakiramdam ko, iba ang itsura nito ngayon. Ngayon na hindi na babalik doon ang dyip.

“Mak,” sabi sa akin ni Mama, kagigising ko lang noon. Tinanghali ako nang gising.  “Napanaginipan daw ni Tatang ‘yung dyip.”

Napahinto ako sa paglapit sa lababo.

“Nasa plasa raw s’ya. Tapos, lumilipad ‘yung dyip. Kinawayan daw niya nang kinawayan. Pero hindi raw huminto. Tapos, nagising daw siya. Pagtingin n’ya sa relo, mag-aalas-tres na.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento