Huwebes, Setyembre 8, 2011

Ako Lang Iyon


'wag kang matatakot
pag bigla mong naramdamang
masuyong hinahaplos ng tuwalya
mahaba mong buhok
o pag mahigpit na niyayakap
ng kumot
maganda mong katawan

'wag ka ring makikiliti
pag may langgam na marahan
gagapang
sa iyong mga labi
o magugulat
pag hinalikan ka sa pisngi
tainga, labi
ng mahalumigmig na hangin
o pagmasdan
iyong kabuuan
ng maliwanag na mata ng salamin

'wag ka ngang mangangamba
pag pinupunasan
ng unan
iyong mga luha
o hinihipan ng hangin
mga butil ng iyong pawis

'wag kang matatakot
magugulat
magtataka
'wag

dahil ako lang iyon

wala nang iba

tinutupad lang
ng aking pagkatao
pangako nitong
hindi ka iiwan


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento