Martes, Abril 10, 2012

Kape at Tula


“Panget,” sabi ng isang kritiko
tungkol sa tula ko sa Facebook
“Sobrang ganda,” wika naman ng isang linggwista
“P’wede na,” para sa isang kuwentista
“’Yong kape mo, lalamig na! Wala nang lasa!” sigaw ni Mama
nasa harap ako ng mesa
kinakatay ang tulang di ko alam
kung panget ba o sobrang ganda o p’wede na
wala na halos usok
ang 3 in 1 na kape
di na masaling ng ilong ko ang bango
pinasadahan ko ang bawat taludtod ng tula
tinasa ang mga tugma
kininis ang mga paglalarawan
ininom ko ang kape
kasing lamig na ng tulis ng lapis
pero masarap pa rin
ewan ko ba sa kanila
masarap naman talaga ang kape
mainit, maligamgam, malamig
matabang, matapang, matamis
depende sa titikim.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento