Lunes, Hulyo 15, 2013

Guwardiya sa D. Jose Station


sinisilip mo ang bunganga
ng ngumangangang mga bag
merong may tubig, laptop, libro
merong may payong, baunan, bimpo
merong may tsinelas
at maruming sando

nginangatngat na naman ng dilim
ang avenida
ang mga gusali at mukha ng mga tao
nagsasapin-sapin na naman ang mga busina
at kumukupad
ang mga dyip na pa-mcu at malanday

niluwangan mo ang nganga
ng jansport na pula
nagliwanag sa iyong mga mata
ang mukha ng ensaymada       

napakurap ka
napalunok ng laway

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento