Huwebes, Marso 17, 2011

Supremo


Siguro nga, Supremo,
hindi larawan mo
nakaukit sa piso.
Siguro nga,
wala kang pambansang parke
gaya ng Luneta
o museo
tulad ng Fort Santiago.
Marahil hindi rin ganoon karami,
Supremo, mga bayan,
gusali’t paaralan
na isinunod sa iyong ngalan,
di gaya nina Quezon at Rizal.
Pero ito ang tandaan mo, Supremo,
kundi marahil sa iyong itak
at kundi umalingawngaw
sa bawat kanto ng Pilipinas
sigaw mo sa Balintawak,
baka hindi naiwagayway
ni Aguinaldo sa Cavite
watawat ng ating kalayaan.


Siguro nga, tama sila,
hindi ka puwedeng maging pambansang bayani
dahil naitatag mo lang naman
ang Katipunan
nang matibag ang La Liga Filipina,
dahil lumaban ka lang naman
nang matanaw mong nasindihan na
ng Noli at Fili
mitsa ng rebolusyon.
Pero naniniwala pa rin kaming mga aktibista, Supremo,
kaming nananalig sa dahas
at hindi sa pawang pakiusap,
na hindi mo tinalunton ang pilapil
na hinulma ni Rizal,
bagkus, naniniwala kami,
na hinawan mo ang mga damong-ligaw
para makalikha ng higit
na mahusay na kalsada
tungo sa tinitingala nating demokrasya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento