Linggo, Oktubre 2, 2016

Nagpakain sa Sistema


Papasok kang masigla.
May mga mata, tainga.
May puso, may kaluluwa.
Papasok kang
buhay na buhay ang pandama.
Papasok ka sa kumpanya
na ikaw
ang ikaw.
Indibidwal na nakauunawa,
alam ang mga dapat
ang mga kailangan.
Ang para sa lipunan.
Tatabunan ka ng mga gawain
sa pinapasukan,
sasakalin
ng malalabong patakaran,
bibingihin
ng makasariling mga angal.
Mawawala ka ng panahong
magsuri, magtanong.
At dahan-dahan kang mauupos.
Patuloy kang magpapanhik-
panaog.
Panhik,
panaog.
Panhik,
panaog.
Panaog.
Panaog.
Panaog.

Panaog.

Sa mekanikal mong pagbangon,
isang umaga,
malalaglag ang iyong mga tainga,
gugulong ang iyong mga mata.
Magtatago sa unan
ang iyong kaluluwa.



9/29/16

Lunes


I
Kahapon, ang tangi mong
pahinga. At hayun ka,
nginatngat at nilapa
ng sanlaksang labada.

II
Hibla lamang ang ating
pahinga. At bukas, sa
aligagang kalsada,
mayroon muling g’yera.

III
Mga daliri tayong
mekanikal ang galaw.
At itong hawlang s’yudad,
ang matandang orasan.

IV
Maiksi lamang ang buhay,
‘ka mo. At heto pa tayo,
di masakay. Dinukutan
ng mga kamay ng relo.


9/25/16

Lipat-Bahay


I
Labis ang ating pagod
sa gin’wang paghahakot.
Ngayong gabing malungkot,
bakit di makatulog?

II
Samu’t saring gamit ang
hindi natin makita.
‘Sinama na ba sila
ng mga alaala?

III
Kay lubak nitong bagong
daan. At ayos lamang.
Sapagkat habambuhay,
di na tayi lilisan.

IV
Kay sarap gumising sa
umaga. Sa bahay na
inyo na, koleksiyon
ang laksang alaala.



9/25/16

Pag-uwi


I
Sanlaksa’ng salaysay, sa ‘ting
dinadaanan. Sayang, na
sa durog nating katawan,
larawan lang na daraan.

II
Mabuting Samaritano
rin ang ilang estranghero.
Sa b’yahe natin sa mundo,
marami ring tandang bato.

III
Mahirap lagi’ng magb’yahe
sa lungsod. May lungkot, takot.
Ngunit uuwi may sigla.
Saya ko’ng makita sila.

IV
Minsan, nakamata ang b’wan
sa ‘king pagal na katawan.
Mapanglaw, at umuusal,
“Kaya mo ‘yan, kaya mo ‘yan.”



9/28/16

Linggo, Agosto 28, 2016

2:09 AM


Bigla, babaeng kay hirap mapasagot
ang naging tingin ko sa antok.
Niligawan ko na, hinarana,
hindi pa rin ibinibigay
maski ang malabong “sige na.”
Balak ko na ngang dramahan
at pagmakaawaan.
“Please naman, please naman.”
Hindi ko na tuloy napigilan,
naitanong ko minsan:
“Ano ba ang problema?”
Kumunot ang noo niya,
parang siya pa ang takang-taka.

“Panay kasi ang isip mo sa kanya.”

Mountaineering


Ipinagkakatiwala natin,
ipinakikipagsapalaran, isinusugal
ang ating mga Linggo,
ang nag-iisang araw sa ating isang linggo
na malaya tayo,
na maaari tayong lumipad,
na nagiging buo ang ating pagiging ako.
Iniiwan natin ang lungsod,
inaakyat, sinusukat, sinusubok
ang tarik, salimuot ng mga bundok.
Sapagkat naluluha tayo, nasusuka
sa sulasok ng usok.
Natutulig sa atungal ng mga tambutso’t*
mararahas na balita.
Nanlulumo sa matinding lagim
ng mga kahirapa’t pagmamalupit.
Kaya kahit mukhang wala nang lakas,
kahit mukhang nanghihina’t napapagal
ang ating mga pakpak,
lagi pa rin tayong naglalakbay.
Kinakaya ang tarik
at ang bigat ng mga dalahin—
at putik, sakaling dumating
ang ulang mabango at malinis.
Tinatawanan natin ang mga pagkakadulas,
at alam nating tumatatag
ang ating pagkakaibigan.
Sa pagsasabi ng “Ingat,” sa mga pag-alalay.
Hindi tayo nalulula kung nasa tuktok na tayo.
Dito natin lalong pinaniniwalaang
may nakahihigit sa atin,
tahimik, walang sawang nagmamasid.
Bubusugin natin ang ating mga mata
mga pandama, at kaluluwa
sa rikit, bango, himig
ng payapa’t lungtiang paligid.

At kinabukasan, Lunes, pagkatapos ng lahat
babalikan natin ang ating mga naiwan.
Matatag na naman
ang puso’t mga laman.
At gaya ng bundok na hindi natitinag,
hindi tayo kakayaning bugbugin
ng halimaw na siyudad.


*pasintabi sa maikling kuwentong “Si Anto” ni Rogelio L. Ordoñez, na siyang pinagmulan ng linyang “atungal ng tambutso.”

Sabado, Mayo 28, 2016

Sinulid


Sinulid ka na lang kung sumagi
sa aking isip,
madaling hawiin,
mabilis mapatid.
Nadapa ako kaninang madilim-dilim.
Nakapulupot na pala
ang mga alaala mo sa akin.