Lunes, Nobyembre 7, 2011

Pagkukumpara


Gaya ng kape ang tula;
gaya ng tula ang kape
masarap sipingan sa madaling-araw
o kailanmang naroon ang kapayapaan;
pero hindi gaya ng tula ang kape
nakasasama kung malinsangan
nakasisira ng katawan pag nasobrahan
at liban sa katawan, sa isip
wala nang kayang gisingin.

Gaya ng shabu't marijuana ang tula;
gaya ng tula ang shabu't marijuana
pag nasimulan, lagi't lagi nang hahanapin
hindi lang ng isip at katawan
kundi pati ng gawi't panaginip;
pero di gaya ng tula ang shabu't marijuana
nakababasag ng alkansiya't nakagagasgas ng ATM card
nakapanghihina ng konsens'ya
nakapanlalabo ng hatingg-gabi't umaga.

Gaya ng pagsintang eros ang tula;
gaya ng tula ang pagsintang eros
nakapagpapangiti maging sa pag-iisa
naghahandog ng agresibong emosyon
at minsan, hindi nakakikilala ng takot;
pero di gaya ng tula ang pagsintang eros
makasarili
hindi marunong makinig
sarili lang ang sinusunod.

Ang tula ay tulad ng tula
pag-asa't diwang nahihimbing, ang ginigising
kinakalawang na sistema, ang binabasag
at hindi sarili ang sinusunod
dahil hindi ang manunulat ang amo ng tula
kundi, ang buhay, ang sining.



Linggo, Nobyembre 6, 2011

Giniikan


Hindi ko alam kung anong meron
ni kung anong wala
kung bakit naroon ang saya sa aking mga mata
habang minamasdan, kumpol ng giniikan
na parang lukton, pinawawalan ng treser sa hangin
hanggang bumagsak sa lupa
para ibalik, inutang na sustans’ya
at muling maging bahagi
ng bukid na ilang buwang naging kasiping.

Gaya ng aking kaluluwa
parang nagagalak rin, ikinukumpas mga pakpak sa himpapawid
ng mga tagak, maya, langay-langayan
habang umaawit.
Hindi kaya sila nalulungkot
na ginagapas na
palay na ilang buwang inilayo sa kanila
ng nakatayo, nakadipang panakot-uwak?

Naroon din ang saya, siyempre
sa labi, mata, ng mga magsasaka
habang isinusubo sa treser ang palay
habang ibinubuka ang sako
habang nagpapagpag ng gilik sa katawan
habang pinupunasan ng manggas ng kamiseta
leeg at mukhang humuhulas sa pawis.

Pagkatapos madala sa bahay ng may-ari ang palay
naganap na ang hatian
katas iyon ng mga uhay
na saksi sa kanilang mga buntong-hininga
uhaw, gutom, paghihilot ng balakang.

At habang binibilang nila, kani-kanilang pera
nagpatong ng isang pitsel na soft drinks
at tatlong supot na tinapay sa mesa, aking Lola.

At nang sila'y pauwi na
naisaloob ko, sayang, sayang
kung sana ganito man lang ang sinasapit
ng lahat ng magsasaka sa atin.



Sabado, Nobyembre 5, 2011

Sino’ng Hindi Bibilib sa Panahon?


Habang nakaharap sa kompyuter at nagpi-Facebook
may mensaheng natanggap ang cellphone ko
musta k n?
Galing sa aking ex-girlfriend.
Pagkabasa, ibinaba ko agad aking cellphone.
Sa dami ng nagdaang kahapon
malamang, wala na roon ang emosyon.


Madalas kong marinig
maski noong mura pa aking pag-iisip
na walang sugat na hindi kayang paghilumin
ng paggalaw ng mga kamay ng orasan
at pagkalagas ng mga dahon, ng kalendaryo
at nang lumaki na ako, napatunayan ko ito
may mga galit kasing hindi man inihingi ng tawad sa’kin
o nilakipan ng ngiti o tapik sa balikat
ay ikinagulat ko na lang
na wala na pala’t nilipad na sa alapaap.

Totoo rin sigurong walang hindi kayang palumain
takip-silim at bukang-liwayway
nakalalaway mang balat
kaya nitong hubaran ng kinis
kayang panipisin naggagandahang buhok
at paitimin dating mapuputing tuktok.
Ipinagmamalaki mang piramida sa Ehipto
na nakikipagtagalan kuno sa panahon
kaya nga’t laging pasok
sa seven wonders of the world
iba na rin ang itsura ngayon.
Kayang palumain ng mga segundo
pinakamaganda mang kastilyo
kayang papurolin ng mga minuto
pinakadinadakilang talino
kayang baguhin ng oras
lahat ng sistema at batas.

Ngayon, sabihin mo
sinong hindi bibilib sa panahon?

Parang ngumiti ang larawan
sa profile picture ng aking Facebook account.

Dinampot ko agad aking cellphone
saka dinala sa reply.


Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Suman


Undas na naman bukas, at gaya ng nakasanayan nina Aling Epang, maggagayak sila maski paano. Nagpabili na siya kahapon ng sampung kilong kamoteng-kahoy sa panganay niya, kay Amang.

Nagkukukod siya ng kamoteng-kahoy sa yerong kudkuran, at naglipana ang malalaking langaw. Meron sa mesa, sa braso niya, sa kamay, sa mukha, sa kamote, sa planggana.


Paborito ng bunso niyang si Mario ang mga puto, manang-mana sa Lolo Lucio nito. Kahit ano, di nito uurungan— bibingka, kalamay, palitaw, ginataang munggo, palarusdos, espasol.


Naalaala niya, noong Mahal na Araw lang, bago siya pumunta sa bisita at maghatid ng pakain, napalo niya ito. Masyado kasing malikot, natapon tuloy ang gata ng palarusdos at nabasag ang pinggan. Inasbaran niya ito nang inasbaran, pagkatapos, nag-iiyak ito, hanggang makatulog.


Binilisan niya ang pagkukudkod ng kamote, para malagyan na niya ng niyog at asukal, maibalot sa dahon ng saging, mailagay sa steamer. At nang bukas, madala na sa sementeryo, at maipatong sa nitso ng bunso niyang mahilig sa puto.

Linggo, Oktubre 30, 2011

Sayang ang Ulan at Gabi


Sa mga batang hindi mahihiyang tumakbo
nang hubad at hubo
sayang ang malakas na ulan
kundi sila makaliligo
ni makapagpapaanod sa baha
ng bangkang yari sa diyaryo.

Sa mga batang Recto
sayang ang ulan
kundi sila makagagawa ng tulay na tawiran
ng mga ayaw lumusong sa baha
at di kikita
ng marami-rami ring barya.

Sayang ang gabi
para sa isang puta
kundi siya makaaakit ng kaluluwa’t
makapaglalagay ng laman sa sikmura
at hindi makapaghuhulog sa bulsa
ang mangyayari’y lugi pa siya
sa losyon at pabango.

Sayang ang gabi
sa magbabalot
kung walang lumapit sa kanya
ni isa, para humigop ng sabaw
at kumain ng kiti.

Sa akin
sayang ang ulan
idamay na ang hangin at katahimikan
sayang ang gabi
idamay na ang dilim at buwan at mga bituin
at orkestra ng mga kuliglig
pag wala akong nabuo
ni isang saknong ng tula
at naiambag na diwa
sa paggising sa bansa.

Biyernes, Oktubre 28, 2011

Nasyonalismo


Kung humawak lang naman ng baril
o mag-alis ng pin ng granada

aba, marunong ako

pero iyong asintado

iyong mamumuno ng isang hukbo

iyong lulusob sa Malacañang

iyong susugod sa Batasan

maling tao yata'ng nakausap mo.



Kung magsisigaw lang

ng "Sinong terorista!!

Ang gobyerno, ang Yu Es

sila ang terorista!

habang naglalakad sa lansangan lang ang hanap mo

palagay ko, magkakasundo tayo

pero kung sasabihin mong

tatayo ako sa gitna ng mga magsasaka't aktibista

at tatalakayin ko'ng walang kamatayang isyu

ng Hacienda Luisita

mamumuno sa protesta't

magbibigay buhay sa mga pag-asang nananamlay

halika sa labas, ililibre na lang kita.

Ano ba'ng gusto mo, softdrinks o kape?



Kung kasama sa adhikain

lang ang hanap mo

suporta, gabay, payo

sige, ibilang mo ako

pero kung kailangan pang

sumama sa inyo't

umakyat sa bundok

para roon ko ipangalandakan

itong pinagsasasabi kong gabay

at personal na iabot itong aking puso

naku, babawiin ko na lang siguro'ng sinabi ko.



Sige na nga, tapatin na kita.

Duwag pa ako ngayon

kaya hindi kita masasamahan.

Isa pa, wala rin akong alam sa mga ganyan.

Pero 'wag kang mag-alala

rito sa lungsod

ako na'ng bahala.

Dahil naala'la ko

may isa pala 'kong alam.

Marunong akong sumulat ng tula.


Martes, Oktubre 11, 2011

Hindi Nila Iginagalang ang Panahon


Ambon, hamog, usok
kulog
na parang may treng lumalakad
sa ibabaw ng mga ulap
malalaking patak ng ulan
marahas na hangin
malungkot na diwa ng hapon— hindi
hindi ko sasabihing
wala ito
sa kanilang bokabularyo
manapa, sasabihin ko
hindi ito problema sa kanila
hindi nila pinoproblema.

Hindi ito problema sa kanila
dahil sa maliit na butil lang ng ulan
na darampi sa kalsada
na magiging tuldok, mga tuldok
o sa tatlong ulit nang bigat
ng luha na ulan
na tatama sa kanilang pawisang balikat
kabod nang mamumukadkad
makukulay na payong
lalatag
marungis na mga lona
habang nagmamadaling humanap ng masilungan
mga paa, mga mata
ng mga estranghero.

Pag may kidlat namang gumuhit
sa nagdadalamhating langit
at ang mga estranghero’y
mapangingiwi, mapapipikit
mapapa-“’Susmaryosep”
gumuguhit na rin
pagpapaasya sa kanilang isip
at lakas
sa kanilang mga bisig.

Kung may marahas na hanging
biglang magpapaangat
ng palda ng mga estranghera
magpapabaligtad sa payong ng mga estranghero
wala pa rin silang mararamdamang takot, kaba
kung anong meron
malamang, mapuwing lang
kanilang mga mata.

Sa piling ng mga rambutan, nail cutter
pinya, fish ball, mangga
pangarap, karanasan
hindi nila poproblemahin ang panahon.

Oo, babastusin lang nila’ng panahon
hindi nila igagalang
dahil kailangan
dahil kung hindi
hindi na nila maririnig, kailanman
mga patak ng ulan
o masisilayan
guhit ng kidlat sa kalangitan
hindi na
dahil matagal na silang
hindi iginagalang ng lipunan.