Linggo, Marso 18, 2012

Mga Piyesa Ko sa Liwayway

Unang gawa kong nalathala sa panglingguhang magasing Liwayway, "Mga Patak ng Pawis at Tilamsik ng Dugo sa Manibela," sa isyung Enero 9, 2012. Ito rin ang unang maikling kuwento sa blog na ito.




"Binibining Cabaysa," ang ikalawang akda ko sa Liwayway, at ang una ko ring maikling kuwento. Sinimulan kong gawin noong nasa kolehiyo pa lang ako. Nalathala sa isyung Enero 16, 2012.


Isa sa pinakapaborito kong tula, "Si Pag-asa," nalathala sa Liwayway sa isyung Enero 23, 2012.


Ang maikling kuwento kong "Insong Asyang," sa isyung Enero 30, 2012 ng Liwayway.





Martes, Marso 6, 2012

Batay sa Pananaliksik


Batay sa pananaliksik
kung may pabor kang hihingiin sa isang tao
makabubuting ibulong mo ito
sa kanan niyang tenga
ngunit batay sa nararamdaman
kung gahaman ang iyong bubulungan
sa Batasan, Malakanyang
mga munisipiyo’t baranggay hall
kailangan mo itong ibulong
sa kanilang puso.
Di ka nga lang sigurado
kung meron sila nito.

Batay sa pananaliksik
nakaaadik ang musika
at mas hinahanap-hanap ng katawan
ang caffeine kaysa marijuana
ngunit batay sa nararamdaman
magpatugtog ka man nang sobrang lakas
sa mesa ng gahaman
na may isang tasang kape’t isang platitong marijuana
mas matututok pa rin ang talino niya
sa makakapal na sobre ng pera
sa kanyang alaala.

Batay sa pananaliksik
nakagagaan ng pakiramdam
nakababawas ng lungkot
nakawawala ng pagod
ang paghawak sa papel na pera
ngunit batay sa nararamdaman
nakawawala ito ng dignidad
kung perang hinahawaka’t ibinubulsa
mula sa pawis ng iba.

Batay sa pananaliksik
uunlad pa ang Pilipinas,
ngunit batay sa nararamdaman
hindi kailanman
hangga’t nariyan ang mga gahaman.
Hangga’t nariyan ang mga gahaman!

Sabado, Marso 3, 2012

Nepenthes Bellii


Marami sa atin ay nepenthes bellii:
mga makatang tinutulaan ang bayang
labas ang suso’t gula-gulanit ang damit,
mga gurong minamalat sa pagtuturo’t
napapagod kahihintay ng pagtaas ng suweldo,
mga alagad ng sining
na sandamakmak ang daing,
mga amang nagpapakapuyat sa pagpapaaral sa anak,
mga inang nagpapakahirap sa paghihigpit
ng sinturon ng buong tahanan,
mga anak na nangangarap
na mabigyan ng maski simpleng bahay
ang kanilang mga magulang,
tayong lahat na nasusuka't naririmarim sa ganitong sistema,
nepenthes bellii tayong lahat,
pitsel na halamang lumalambitin sa hangin,
nakatingala sa langit,
nakatitig sa mga ulap, nag-aabang ng ulan.

Ngunit di gaya ng nepenthes bellii,
hindi tayo sa Mindanao at Dinagat lang nananahan
kundi sa puso ng buong bayan,
sa kaluluwa ng bawat isa,
ng mga tsuper na gumigising nang maaga
para mamasada
kahit naglipana ang mga diyos-diyosan sa kalsada,
ng mga taas-kamaong lumalaban
sa mga halimaw sa Batasan,
ng mga wala nang tiwala sa katarunga’t pamahalaan,
ng mga hindi na umaasa
sa payapang usapa’t demokrasya,
sa lahat ng biktima
ng barubal na sistema.

Nepenthes bellii tayong lahat,
halamang mukhang nakatingala lang sa hangin,
nanonood sa mga maya at lawin,
halamang sa simula’y walang kibo
pag dinapuan ng tutubi o langaw
o ginapangan ng hantik o higad,
ngunit matiyaga palang naghihintay
sa paglapit nito sa kanilang bibig
para ganap na ipagtanggol ang sarili,
patayin ang sumasalakay,
durugin at aalisan ng hininga,
parusa sa kapangahasan nilang agawin
ang hindi sa kanila.

Linggo, Pebrero 5, 2012

Dayalogo: Amihan, Akasya, Tao


Nagluluksa ang langit
kakaunti ang ulap, walang bituin,
nang magkita-kita kaming magkakaibigan
sa dating tagpuan
habang tinatanglawan
ng kulay nilagang kamoteng-kahoy na buwan.

“Bakit ganoon ang tao?"
basag ang tinig, napatitig ako sa bukid.
“Bakit may mga kaibigang kailangang mawala sa’kin?”

Sumagot ang punong akasya,
alingawngaw sa yungib ang tinig niya,
“Hindi kasi kayo gaya namin,
iba-iba ang inyong destinasyon
kaya sa daan lang kayo nagkakasalubong.
May kanya-kanya kayong kaluluwa, pangarap, layon.”

Kumumpas ang maliit niyang sanga,
nagpalingon-lingon ang nakatiklop niyang mga dahon,
bumilis ang kembot ng mga damo
at narinig ko ang tinig ng hanging amihan.
“Kaibigan, ‘wag kang magdalamhati
kung may lumilisan,
tandaan, malaya ang mga tao.
Iba ang buhay nila sa iyo.
Sabi nga ng isang maya,
ang kaibigan sa tao, parang dahon ng akasya,
may nawawala, oo, marami,
pero tingnan mo’ng kanyang mga sanga,
inuusbungan ng bagong mga dahon.”

Napatingin ako sa punong akasya.
“Hindi ganoon.
Oo, may mawawalang dahon at may tumutubo.
Ngunit hindi sapat na dahilan ‘yon
upang di ako malungkot.
Oo nga’t may pumalit sa mga nawala,
subalit iba ang dumating sa lumisan.
Sa tag-ulan ko kasama ang mga umalis
sa tag-araw ko naman kapiling
ang mga bagong dating.
May mga karanasan akong kaya nilang unawain,
na ni hindi kilala ng mga bagong dating,
may mga alaala kaming mababalikan
na di kayang puntahan
ng ilang milyon mang bagong kaibigan,”
tumulo ang aking luha.

Natahimik ang mga dahon ng akasya,
humina ang hangin,
nalumbay ang mga damo sa bukid,
at naramdaman kong may humalik sa aking luha.
“Paumanhin, Kaibigan, paumanhin.
‘Wag kang mabahala,
dalawa sa mga kaibigan mo ang di lilisan.”

Tumulo muli ang luha ko.
Napayuko ako,
umihip ang banayad na hangin sa aking kinatatayuan
para akong niyayakap.

Martes, Disyembre 27, 2011

Sukli sa Tip


“O, Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa kay Nanet.

Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Siya, kahit kababae niyang tao, bumakrayd siya. At lumakad na ang traysikel.

Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Kuya, tabi lang.”

“Kuya” lagi ang tawag niya sa mga tsuper, dahil naniniwala siyang mas nakababata ito, kaysa sa “Manong.”

Huminto ang traysikel, ngunit di naputol ang ugong nito— nakihalo lang sa di kalakasang huni ng mga kuliglig, sa boses ni Marian Rivera sa soap operang “Marimar” sa telebisyon at sa tawanan ng mga tambay sa kalapit na tindahan.

Dumukot siya ng sampung pisong barya sa bulsa ng pantalon niyang dalawang araw na niyang suot. Nakahanda na ang sampung piso niya— pagbaba pa lang niya ng bus, inilalagay na niya iyon sa bulsa niya. At dapat laging sakto, para hindi na mahirapang magsukli si Kuya.

Iniabot niya ang sampung piso. Dumukot si Kuya sa belt bag ng panukli.

“Hindi na,” hinawakan pa niya sa balikat si Kuya, ngumiti ito, at pinalakad na ang traysikel.

Nuwebe lang ang pamasahe, pero lagi, hindi na niya kinukuha ang sukling piso— tip na niya iyon kay Kuya. Alam niya kasi kung gaano kahirap mamasada pag gabi, dahil madalas iyong sabihin sa kanila ng tatay nila. Kaya nga laging ibinibilin nito sa kanilang mag-aral nang mabuti, para paglaki nila, di sila maging tricycle driver.

Makalipas ang isang buwan…

“O, Pag-asa! Pag-asa!” sabi ng dispatser, pagkakita sa kanya.

Nag-una-unahan sa loob ang mga pasahero. Bumakrayd siya, at lumakad na ang traysikel.

Wala pang limang minuto, pumara na siya. “Tabi lang.”

At pagkababa niya, nag-abot siya ng sampung piso— din a niya kinuha ang sukli.

Noong nakaraang linggo, nasalpok ng trak ang traysikel nila— nasa ospital pa ang tatay niya hanggang ngayon, masama ang lagay— at nasira rin ang traysikel nila. Pero nakakaya pa rin nila sa pagtulong-tulong ng asosasyon ng SAPTODA.

Pagkababa niya, lumakad na ang traysikel. At habang naririnig niya ang papahinang ugong nito, naalaala niya ang pisong tip. At napansin niyang parang lumalakas ang kantahan at tunog ng gitara ng mga tambay sa katabing tindahan.

Sabado, Disyembre 10, 2011

Balot ni Inang



Tinanong mo sa akin
kung bakit gusto kitang tawaging “Inang”
at hindi naman ako nag-atubiling
sabihin sa iyong
nasa iyo’ng karaniwang hitsura
ng mga mapagmahal na lola—
may nakahahawang mga ngiti
sa mga mata at labi
malamyos  kung bumigkas ng “iho”
kulubot ang balat, hukot ang likod
at kulay ulap ang buhok.

Inang, Inang
hindi ang mabangong sabaw ng iyong balot
o init nitong nanunuot, gumagapang sa palad
o manamis-namis na suka’t
pag-asam sa paglakas ng tuhod
dahilan kung bakit madalas akong umupo
sa iniaabot mong gusgusing plastik na bangko.
Hindi rin ang lungkot at hiwaga ng gabing
gustong-gusto ng mga naglilingkod sa sining, Inang
sanhi kung bakit
nakikipagkuwentuhan ako sa iyo
bago umuwi sa aming tahanan
at ihimlay sa higaan
nangangalay na kaluluwa’t katawan.
Hindi ang mga ito, Inang
dahilan kung bakit inilalaan kong
ilang minuto ng malungkot kong gabi
sa iyong puwesto
doon sa tabing-kalsadang binabantayan
ng nakadipang poste ng kuryente
kapit-bahay ng bunton ng basurang tagpuan
ng mga payat na pusang
kalye ang tahanan
kahawak-kamay ng nilulumot na esterong tinatawiran
ng maliligalig na ipis
at tinititigan ng ilaw
ng paisa-isang trak at traysikel
kundi ang mga kuwento mo’t pilosopiya, Inang
mga aral mong hindi ko kayang bayaran
pakyawin ko man araw-araw
tinda mong balot, sigarilyo’t kendi.

At sa mga pag-uusap natin, Inang
lagi nang nakaabang
hanging amihan
upang agad punasan
luha sa aking mga mata
gaya noong sabihin mong
kulang pang pambili mo ng gamot
kinikita mo, sa pagtitinda ng balot
habang nanginginig iyong mga kamay
na inilalagay sa nakatiklop na dahon
ng namumutlang diyaryo
gamunggong mga asin, balot at nakasupot na suka
at nang sabayan ng atungal ng trasyikel
malungkot mong tinig
nang sabihin mong, ayaw mo sa umaga
sapagkat nagbibigay ito
 ng huwad na pag-asa.

Alam kong bahagi ka na ngayon, Inang
ng hanging amihan
kapiling ng gabi
binabantayan mga pusang lansangan
nag-aabang sa luha ng mga mahihina.

Alam mo, Inang
mula nang mawala ka
ang dami ko nang balot na natikman
pero di ko pa rin malasahan
linamnam ng balot na iniaabot
ng naginginig mong mga kamay.


Sabado, Disyembre 3, 2011

Sa Malakas na Ulan


Wala ako, ni katiting na ideya
kung anong taon ito magaganap
kung anong buwan, kung anong araw
kung dahan-dahan ba ang sintomas
o gaya ng kidlat— biglaan
pero natitiyak ko
sasapit ang araw
na maliligo ako sa ulan
sa malakas na malakas na ulan
di alintana ang pagbangga
ng mga luha ng langit sa aking balat
habang nakatingin sa mga ulap
at may luha sa mga mata
tatamarin akong kumilos
tatamaring sumilong
pero patuloy, paulit-ulit akong magtatanong
sa langit, sa mga butil ng ulan
sa malamig na hangin, sa mga ulap
kung para saan ba ang buhay
kung patas ba ang buhay
kung bakit malupit ang mga tao
pero alam ko, tititigan lang ako ng mga ulap
hindi sasagutin, hindi ngingitian
hindi tutulungang makaunawa't matuldukan ang paghihirap
at sa sandaling iyon
hihinto na ako sa pagtatanong
at hihiling na lang ako ng isang bagay
sana, sana ibuhos pa niya ang ulan
malakas, humahampas
sumusugat sa balat
nakapagpapamanhid ng utak
dahil gusto kong sakmalin ako ng lagnat
iyong nakapapaso, iyong nag-aapoy
nang matapos na ang aking paghihirap
nang masagot ko na ang  aking mga tanong.