Sabado, Disyembre 3, 2011

Sa Malakas na Ulan


Wala ako, ni katiting na ideya
kung anong taon ito magaganap
kung anong buwan, kung anong araw
kung dahan-dahan ba ang sintomas
o gaya ng kidlat— biglaan
pero natitiyak ko
sasapit ang araw
na maliligo ako sa ulan
sa malakas na malakas na ulan
di alintana ang pagbangga
ng mga luha ng langit sa aking balat
habang nakatingin sa mga ulap
at may luha sa mga mata
tatamarin akong kumilos
tatamaring sumilong
pero patuloy, paulit-ulit akong magtatanong
sa langit, sa mga butil ng ulan
sa malamig na hangin, sa mga ulap
kung para saan ba ang buhay
kung patas ba ang buhay
kung bakit malupit ang mga tao
pero alam ko, tititigan lang ako ng mga ulap
hindi sasagutin, hindi ngingitian
hindi tutulungang makaunawa't matuldukan ang paghihirap
at sa sandaling iyon
hihinto na ako sa pagtatanong
at hihiling na lang ako ng isang bagay
sana, sana ibuhos pa niya ang ulan
malakas, humahampas
sumusugat sa balat
nakapagpapamanhid ng utak
dahil gusto kong sakmalin ako ng lagnat
iyong nakapapaso, iyong nag-aapoy
nang matapos na ang aking paghihirap
nang masagot ko na ang  aking mga tanong.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento