Biyernes, Nobyembre 4, 2022

Si Idyanale, Diwata ng Sierra Madre


Nagkaroon ako ng kaibigang diwata noong bata pa ako. Wala na siya, pero kasama ko pa rin siya. Magulo ba? Heto, ikukuwento ko sa iyo.

May diwata raw na nangangalaga sa kada bundok. Si Maria Cacao ang diwata ng Bundok Lantoy sa Cebu, si Maria Makiling ang sa Bundok Makiling sa Laguna, si Maria Sinukuan ang sa Bundok Arayat sa Pampanga. Sa mga bata lang daw nagpapakita ang mga diwata ng bundok. Ang mga ito ay ikinuwento sa akin ni Idyanale, ang diwata ng bulubunduking Sierra Madre.

Katatapos lang noon ng tatlong araw na pananalasa ng bagyo. Nagpunta sa bukid si Tatay para tingnan ang aming mga tanim. Bumaba sa patag si Nanay para bumili ng asukal at kape. Nakarinig ako ng alingawngaw ng mga hikbi. Kay lamig ng tinig, parang lagaslgas ng agos sa ilog. Hinanap ko ang pinagmumulan ng hikbi. Nagulat ako sa nakita ko. Nakatayo sa harap ng nakatumbang punong mangga ang napakagandang babae. Mahaba ang itim na itim niyang buhok. Kayumanggi ang kanyang balat. Kay aliwalas ng kanyang damit.

Nang makita niya ako, umihip siya sa kanyang palad. Lumipad ang mga dahon patungo sa aking mukha. Bigla, nawala ang aking pangingilabot.

“Huwag kang matakot, batang anak ng bundok.”

Itinapat niya sa nakatumbang puno ang kanyang palad. May umangat na bolang liwanag. Hinipan niya ito, at naging libong maliliit na liwanag. Parang mga bulaklak ng kapok. Lumipad ang mga ito sa iba’t ibang bahagi ng bundok.

“Iyon ang kaluluwa nitong yumaong puno. Muli siyang isisilang sa kay raming anyo.”

Mula noon, naging magkaibigan kami ni Idyanale.

Hindi pa ako nag-aaral. Dati, mag-isa akong naglalaro sa palibot ng aming kubo. Nakikipaghabulan ako sa mga alaga naming kambing. Mag-isa akong namimitas ng bunga ng bayabas, duhat, saresa, sinegwealas at mangga. Pero nang makilala ko si Idyanale, lagi na akong may kalaro. Kinukuwentuhan niya ako palagi. Kay sarap makinig sa kanyang malamig na tinig.

Aniya, madali lang dating alagaan ang Sierra Madre. Kaunting ihip lang, tumutubo na ang mga halaman. Kaunting ihip ulit, dumadami na ang mga usa, bayawak at matsing. Ngunit tumitindi raw ang problema ng Sierra Madre, at tumatanda na rin daw siya. Nahihirapan na raw siyang paghilumin ang mga sugat nito.

Isang beses, hindi ko makita si Idyanale. May bubog sa kanyang mga mata nang bumalik siya. “Laksa-laksa ang itinumbang puno sa Quirino. Ang bahaging iyon ay mistulan nang sementeryo.”

Isang hapon, pinutol niya ang kanyang kuwento nang may matanggap siyang balita mula sa isang kuwago. Nang bumalik siya, basag ang tinig niya. “Ang isang bahagi ng bundok sa Bulakan ay sinunog ng kaingin. Para na itong balat na galisin.”

Isang umaga, narinig ko ang alingngaw ng hikbi niya. “Sa Rizal, may dam na planong itayo. Libu-libo ang itutumbang puno. Ang mga hayop ay mawawalan ng santuwaryo.”

“Alagaan mo ang bundok pag wala na ako,” sabi niya minsan sa akin.

“Saan ka pupunta?”

Ngumiti siya at nagsimulang magpaliwanag. Aniya, 150 taon lang sa kalendaryo ng mga tao ang buhay ng diwata. At habang tumatagal, humihina ang kanilang kapangyarihan. Kung dati raw, maaaring sugurin ng laksang uwak ang mga naninira sa bundok, hindi na niya ito kaya ngayon. Isang taon na lang daw ang natitira sa kanila ng iba pang diwata. Pagkawala nila, magtatalaga raw si Bathala ng ibang mga tagapangalaga ng bundok.

Nag-init ang mga mata ko. Parang may nakabara sa lalamunan ko nang magsalita ako. “Ibang diwata rin?”

“Hindi ko rin alam,” sagot ni Idyanale. “Iba-iba ang suliranin ng kada panahon. Iba-iba kailangang tagapagtanggol.”

Araw-araw, hindi na lang ako basta kinukuwentuhan ni Idyanale. Ipinaliliwanag niya sa akin ang mga banta sa bundok.

“Sistemang bulok ang sumisira sa mga bundok. Ang iilan na sobrang yaman, hindi nasisiyahan. At pinahihintulutan sila ng inyong pamahalaan. Kinukuha nila ang lahat sa kabundukan. Puno, hayop, mineral, buhangin, bato. Hindi sila marunong makuntento.”

Itinuturo din niya sa akin ang mga dapat gawin.

“Mahalaga ang magtanim ng mga puno’t halaman. Ngunit ito ay kulang na kulang. Kailangang may mga pumuna sa sumisira sa mga kabundukan. Kailangang may mga magpaunawa kung bakit dapat tutulan ang pagtatayo ng dam. Kailangang may mga magsulat kung bakit dapat ihinto ang mga illegal na minahan. Ang kailangan ng bundok ay hindi lamang paisa-isang tanim, kundi bigkis ng nagkakaisang tinig.”

Lumipas ang isang maghapon, hindi ko nakita si Idyanale. Nang gabing iyon, nanaginip ako. Ang linaw-linaw ng panaginip ko.

“Marami kayong mangangalaga sa bulubundukin,” sabi niya. At naging isa siyang bolang liwanag, na agad naging libong maliliit na liwanag. Lumipad ang bawat liwanag. At ewan kung papaano, nakita ko kung saan pumunta ang mga ito. Ang bawat liwanag ay pumasok sa noo ng nahihimbing na mga batang kaedaran ko. Ang huling liwanag ay pumasok sa aking noo.

Mula noon, hindi ko na nakita si Idyanale.

Ngayon ay 27 taong gulang na ako. Nagtuturo ako sa mataas na paaralan, at ipinauunawa sa mga estudyante ang halaga ng mga bundok. Halimbawa, ang Sierra Madre ang pananggalang ng Luzon laban sa bagyo. Ngayon, isa ako sa mga masigasig na lumalaban para pigilan ang pagtatayo ng Kaliwa Dam sa Tanay, Rizal.


-----

Ang akda ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12



https://culturalcenter.gov.ph/

https://www.dmcihomes.com/

                                                 https://www.facebook.com/SaranggolaPH


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento