Miyerkules, Marso 26, 2014

Laptop


Punung-puno na naman ang bus na pa-Cubao. Sobrang siksikan. Nagkakabanggaan na ang puwet at hita ng mga pasahero. Talo pa nila ang sardinas. Mas malapit, posporo sila.

Ordinary bus iyon, nasa upuang pangtatluhan si Ed, nasa tabi ng daan. Kandong niya ang backpack niya. Mabigat dahil sa laptop, charger at payong. Nakipag-unahan talaga siya kangina sa upuan. Wala sa kanya ang bigat ng bag. Ang iniisip niya, ang laptop niya. Mabubunggo siya ng konduktor at ng mga bumababa. Matatagalan nga bago siya ulit makabili ng laptop. Pero mas sayang ang sentimental value nito. Regalo pa ito sa kanya ng mommy niya. Family picture nga nila sa Quezon City Circle ang desktop background nito.

Sa pagtingin niya sa papalapit na konduktor, nahagip ng tingin niya ang babaeng naka-pink na t-shirt. Maiksi ang buhok. Nakapusod. Sa tindig at hubog ng katawan, halatang nasa mga kuwarenta na. May isang dipa ang layo sa kanya.

Naalaala niya ang mommy niya. Halos ganoon din ang katawan ng mommy niya. At pink ang paborito nitong kulay. Kaya nga gustung-gusto nito si Patrick Star na kaibigan ni Spongebob.

Magdadalawang taon nang patay ang mommy niya. Colon cancer. Birthday nito noong Sabado, at dinalaw nila itong mag-aama sa Manila North Cemetery. Pag birthday ng isa sa kanilang lima, lalo kung ng mommy at daddy nila, lumalabas talaga sila. Manila Ocean Park. MOA. Eco Park. Hindi rin sila nawawalan ng regalong magkakapatid sa mommy nila (tatlo silang magkakapatid, pangatlo siya, dalawang babae ang nauna). Noong huling kaarawan ng mommy, sapatos ang iniregalo niya. Binili nila sa Divisoria. Napakahilig nito sa sapatos. Kagagradweyt lang niya noon ng kolehiyo, at wala pang trabaho.

Dati, tatlong bagay ang kinaiinggitan niya sa isang tao. Talino. Kaguwapuhan. Pagkamayaman. Lalo na iyong pangalawa. Hindi sila mayaman, petiburges lang. Hindi rin naman siya bobo. May itsura rin. Pero iyong pangalawa talaga ang pinakakinaiinggitan niya. Ang talino at yaman, malalaman lang ng iba pag kakilala ka na nila, o nakakausap. Pero ang kaguwapuhan, kahit ang nakakasalubong sa kalsada, alam.

Pero nang mawala ang mommy niya, sa mga buhay pa ang nanay siya nainggit. Mararanasan pa ng mga ito ang mga bagay na hindi na niya mararanasan. Hindi na siya maihahatid nito sa kasal. Hindi na niya ito mayayakap. Hindi na siya nito maipagluluto. At pag nanay ang pinag-uusapan, alam niyang wala sa bahay ang sa kanya. Nasa aalaala na lang niya.

Tumayo siya. Pinilit kalabitin ang nakatayong babae. “’Nay.”

Lumingon ito. Itinuro ni Ed ang upuan.

Ngumiti ang babae. Nakiraan, umupo. “Salamat.” Nakangiti pa rin ito.

“Gusto mo, kandungin mo na lang ‘yung bag mo?” nakapatong ang dalawang kamay nito sa kandungan.

Nasa harap niya ang bag niya. Nasa NLEX na ang bus.

“’Wag na po, nakakahiya. Mabigat.”

Inilayo ng ale ang likod sa sandalan. Nagkaroon ng espasyo. “Dito na lang?”

“Ay, ‘wag na po.” Naramdaman ni Ed na basag ang boses niya.

May dumaang malaking trak. Napakaitim ng usok. Nagtakip ng ilong ang mga pasahero. Mabilis na nagpunas ng kaliwang mata si Ed.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento