Sabado, Nobyembre 30, 2013

Dayuhan


Twag k n—text ko kay Celine, pinakamatalik kong kaibigan.               
                                                                                                                
Kadarating ko lang sa bahay, galing Adamson University, kung saan ako nagtuturo. Nakabihis na ako’t nakainom na ng tubig. Nakahiga na ako sa sofa. Wala pang dalawang minuto, nagri-ring na ang cell phone ko.

“O, Dearest?” bungad ko. ‘Dearest’ ang tawagan namin. Minsan nga, pinagseselosan na ako ng boyfriend niya.

“Ik’wento ko na, Dearest?”

“Wait,” dinampot ko ang headset sa ibabaw ng computer table, at isinaksak sa cell phone. “O, game,” humiga uli ako sa sofa.

“OK, ganito ‘yon,” luminaw at lumakas ang boses niya. “Di ba, 26K ang sahod ko, monthly?”

“O?”

“Tapos, sa Makati pa ‘ko.”

“O?”

“I mean, marami’ng naiinggit sa’kin. Magandang salary. Airconditioned. Magandang work place. Pero kung alam lang nila. Dearest, di ko na kaya.”

Kumunot ang noo ko.

“Gusto ko nang magandang trabaho, pero ‘yung gan’to, di ko pala kaya.”

Di ako kumibo.

Bukambibig niyang gusto niyang yumaman. Pero ayaw niyang mag-abroad. Kahit malaki pa ang sahod. Napakalungkot daw. “Kaya nga ‘yung mga Pilipino ro’n, makakita lang ng ibang Pilipino, kung makapag-usap, feeling, kamag-anak.” Ang gusto lang niya, magtrabaho sa Makati, may sariling office, may tagatimpla ng kape, maganda ang work place. Hindi pa naman siya boss, at wala pang tagatimpla ng kape, pero nasa Makati na siya. Nasa magandang work place.

“’Yong matataas na empleyado sa’min, Malaysian, British, Chinese, American. ‘Yong mga maintenance, Pilipino. Grabe. Tapos, inuutus-utusang magtimpla ng kape, bumili ng pagkain. Sinisigawan pa. Ako, di ako nag-uutos. Di naman mahirap bumaba. May elevator naman.”

“Tama, Dearest. Ma’nong sila na lang ang magsibili.”

“Tapos, kahit matagal ka na sa company, pag Pilipino ka, mauunahan ka pa sa higher position ng foreigner na katatanggap lang. Hindi ka rin ipadadala sa ibang bansa for seminars and trainings.”

Napapalatak ako. Dinig na dinig ko ang buntong-hininga niya.

“’Yong nangyari no’ng Monday ang di ko kinaya, Dearest. Kaya nga tumawag ‘ko ngayon. For advice.”

“’No ‘yon?”

“Di ba nga, online gaming ‘yung ino-offer ng company namin?”

“O?”

“Ipino-post ‘yon sa Facebook. For publicity. Ngayon, ‘yung naka-assign do’n, namali nang post.”

“O?”

“Alam mo, Dearest, binugbog na s’ya nu’ng manager. Tinutukan pa ng baril.”

“Ha?” napabangon ako. “Pilipino?”

“’Yung empleyado. American ‘yung manager,” sabi niya. “Kahapon, bumalik ‘yung binugbog. Magdidemanda. Sabi ng manager, ‘How much do you want?’ Sabi n’ung Pilipino, ‘How much can you give.’ Sabi, nagkasundo raw sa two hundred thousand.”

“Laki, a.”

“Tapos, Dearest, sabi n’ung manager, ‘Filipino’s are just money,’” humina ang boses ni Celine. “Alam ko naman, kelangan natin ‘yung gano’ng amount. Di ko rin masisisi ‘yung empleyado. Pero ang sakit din pala na gano’n. Na ganyan ‘yung pinagmulan mo. Na ginaganyan kayo.”

Natahimik ako. “Ano’ng plano mo?”

“Magri-resign na ‘ko bukas.”

Tuluyan na akong napabangon.

“Okey,” tumangu-tango ako. “Pero, Dearest, di kaya nabibigla ka lang? I mean, pangarap mo ‘yung ganyang work place, di ba?”

“Oo. Pero di ba, sabi ko naman sa’yo, ayokong mangibang bansa. Hindi ko kaya, kahit malaki’ng sahod. Parang ang lungkot-lungkot. E do’n, ramdam na ramdam ko ‘yon. Para ‘kong nangingibang-bansa sa sarili kong bansa.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento