Sabado, Setyembre 22, 2012

Fireworks


“Good evening, ladies and gentlemen!” malakas ang boses ng lalaki, na nagmumula sa naglalakihang speaker sa seaside ng Mall of Asia.

“’Ayan na! ‘Ayan na!” napatalon si Sheryl, habang nakahawak sa braso ni Michelle.

Magkaibigan ang dalawa, magpinsang makalawa rin. Payroll assistant sa isang pabrika sa Malabon si Michelle, habang si Sheryl naman ay graduate ng dalawang taong computer programming at nakikitira ngayon kina Michelle, naghahanap ng trabaho. Isang taon na kasi siyang graduate, at hanggang ngayo’y walang trabaho. Parehas silang probinsiyana, parehas laking Tuguegarao. At parehas unang beses nakapunta sa MOA.

“And now, you will witness the spectacular fireworks exhibition!”

Madilim na, at kitang-kita na ang mga ilaw ng mga barko sa Manila Bay, ang mga ilaw sa kabilang pampang at ang sa mga poste.

Dalawang liwanag ang nagsalubong, saka sumabog. Maliit lamang. Sinundan ‘yon ng malaking liwanag sa gitna, na umabot sa itaas, saka sumabog at nagkapira-piraso. Lumiwanag! Parang sa ipiniprito ang tunog ng bawat piraso. Tatlong liwanag ang sumunod, sabay-sabay sumabog, nagkapira-piraso. Isang pula. Isang dilaw. Isang asul. Lumiwanag lalo. Sinundan ‘yon ng marami pang liwanag, at ng marami pa uli. Paulit-ulit. Iba’t ibang kulay. Iba’t iba’t laki. Iba’t ilaw galaw. May paitaas. May pabulusok. At may akala nila ay tatama na sa kanila.

“Wow!” hindi maipaliwanag ni Michelle ang nararamdaman niyang saya. Natutuwa siyang nakakita na siya ngayon ng gayong karaming freworks, na dati’y napanonood lang niya sa TV.

“Grabe,” hangang-hanga si Sheryl sa sining ng pagdami at pagsabog ng liwanag, mula sa isang piraso.

Amoy na amoy nila ang pulbura.

Nagkangitian ang dalawa. Dalawang bagay ang parehong nasa isip nila— una, lamang na lamang na talaga sila sa mga kaibigan nila sa Tuguegarao; at ikalawa, naisip nila, siguro, kada Sabado ng gabi, ang sasaya ng mga tao rito. Siguro, parang wala silang problema.

Samantala, sa harap ng MOA, dinig pa rin ang fireworks at kita pa rin ang mga liwanag nito. Ngunit di ‘yon napapansin ng binatang barker ng orange cab na biyaheng Gil Puyat, na minamalat na katatawag ng pasahero, pawis na pawis, at kangina pa nagugutom.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento