Huwebes, Hunyo 25, 2015

Tore


Alam naming hangad mong tumaas
tumaas
nang tumaas
nang tumaas
hanggang yata
mauntog sa mga ulap
matanaw ang buong Maynila.
Malalampasan ng pukol ng iyong sulyap
ang lahat.
Isang dukwang na lamang
ang Roxas Boulevard
at masangsang na dagat,
munting kawad ng kuryente
ang ruta ng LRT,
at magagarang laruan na lamang
ang Intramuros at mga simbahan
mga museo’t tanggapan
pasyala’t paaralan.

Sa iyong paanan,
anong daling tapakan
ang bantayog ni Rizal.
At aalingawngaw sa buong siyudad
ang malutong mong halakhak
sa napagmamasdan mong bayan
na bumalewala
sa kanyang kasaysayan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento