Lunes, Oktubre 14, 2013

Monumento Station


Bumukas ang pinto,
at nag-unahan ang mga paa,
parang may kung anong karera.
Naging maputlang itim ang tiles na sahig.
Nagsayawan ang mga kamay, katawan,
ulo at backpack.
Nagsapin-sapin ang mga padyak.

Muling naligalig
ang istasyong saglit kung matahimik.

Kung bigla kaya akong maglaho
habang nakapila rito sa makinang kumakain ng tiket,
maglahong gaya ng lumipas na sandali,
mapansin man lamang kaya
nitong mundong nagmamadali?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento