Lunes, Enero 6, 2014

Isang Dosenang Rosas


Kagabi, napagtaasan ni Dennis ng boses ang mama niya. Nang sabihin nitong huwag na siyang sasama sa mga kaibigan niya. Bad influence daw. Naninigarilyo at ang lulutong magmura. Nakapagtaas siya ng boses dahil ang punto niya, dati pa, hindi naman sa ganoon nakikita ang pagkamabuting tao. Marami nga riyan, ang gagara nang damit, edukado, pero milyon kung magnakaw sa bayan. Sa kanya, hindi makikita ang pagkatao sa porma o kahit pa nga sa asal. Kundi sa lalim ng pagkilala. At hindi naman kilala ng mama niya ang mga kaibigan niya, para pagsalitaan nang ganoon.

Mali nga ang mama niya sa pagiging mapanghusga nito. Maling-mali. Pero naisip niya, mali rin siya. Hindi niya ito dapat napagtaasan ng boses. Basag ang boses nito pagkatapos. Saka pumasok sa kuwarto. Alam niyang nag-iiyak ito roon.

Kinausap siya ng papa niya. “Di n’yo dapat ginagano’n ang mama n’yo. Mapagsalitaan man kayo nang di maganda ng magulang n’yo, magulang n’yo pa rin ‘yon. At tao lang din ang mga magulang. Nagkakamali. Maraming iniintindi.”

Kaya kinabukasan, nagpunta siya sa Dangwa, para bumili ng isang dosenang rosas.

“Bouquet, Boss?” tinig iyon ng isang lalaki. “Red rose, Boss? Red rose?”

Napatingin siya rito. Maitim ito, payat, nakasumbrerong orange. ‘Niek’ ang nakasulat. “White rose, magkano?”

“Four hundred, Boss,” lumapit ito sa kanya. “Four hundred.”

“Ha? Di ba three fifty lang?”

Iyon ang tanda niya nang minsang samahan niya si Jing, pinsan niya, HRM student sa UM, na bumili ng dalawang bouquet ng puting rosas para sa major subject nito.

“Ay, di Boss. Mahal ang white rose. Ginagamit ‘yon sa kasal e. Three fifty, ito ‘yon,” inginuso nito ang maraming red rose sa isang kahon. “Nilda! Nilda!” sigaw nito sa dalagitang nagtatanggal ng tinik ng mga pulang rosas. “Magkano’ng white rose, isang bouquet?”

“Four fifty,” di man lang tumingin ang dalagita, diretso pa rin sa ginagawa.

Pinigil ni Dennis ang tawa niya. Scripted ang pagsagot ng babae. Halatang-halata. Parang mga nagbebenta lang ng aklat sa Recto. Magkakaibang puwesto, pero iisa lang ang may-ari. Sa tingin pa lang, kaya nang mag-usap at magsabwatan.

“O, kita n’yo na, Boss. Ibibigay ko na lang sayn’yo nang four hundred.”

Napatanga siya saglit.

Isang dosenang puting rosas ang gusto niyang ibigay sa Mama niya. Purity raw ang isinisimbolo ng puting rosas. Kaya nga raw puti ang trahe de boda. Kasi, dapat, sa kasal, birhen ang babae. Malinis. Wala pang nakaaangkin. Kaya nga si Regine Velasquez, pula ang trahe de boda. Kasi, di na siya birhen nang ikasal sila ni Ogie Alcasid.

Hindi naman na birhen ang mama niya, siyempre. Pero puro ang pagmamahal niya rito. Nalulungkot siya pag malungkot ito. Masaya siya pag masaya ito. Nasasaktan siya pag may isa sa kanilang magkakapatid ang nakasagot dito.

Apat silang magkakapatid, pangalawa siya. Babae ang panganay, may asawa na. Nag-aaral pa ang dalawang huli, kolehiyo.

Wala pa siyang babaeng binibigyan ng bulaklak. Kaya mama niya ang una. Nakakatatlong girlfriend na siya, pero ni isa sa mga ito, hindi niya binigyan ng bulaklak. Sa kanya, espesyal ang unang babaeng bibigyan niya ng bulaklak. Sobrang espesyal. Dahil dadalhin niya hanggang pagtanda niya ang alaala, na iyong babaeng iyon, kung sino man, ang unang babaeng binigyan niya ng bulaklak. Sa kanya, kasingtindi ng unang halik ang pagbibigay ng bulaklak. Dahil bulaklak ito, parang halik. Iilan lang ang binibigyan ng tao ng bulaklak, tulad din ng halik. At dahil sa salitang “una.”

Wala siyang nakitang espesyal sa tatlong exgirlfriend niya. Si Mama pala niya ang unang babaeng bibigyan niya ng bulaklak.

Tapos dapat ng commerce ang mama niya. Isang semestre na lang, pero di natuloy dahil namatay ang lolo niya. Maraming naging gastusin. Taxi driver naman ang papa niya.

“Ano, Boss? ‘Eto’ng album, Boss,” ipinakita ng lalaki ang mga retrato ng bulaklak sa album.

Tatlong retrato sa bawat pahina. Nasa magkabilang gilid niyong una ang isang bouquet ng red rose at isang bouquet ng dilaw na bulaklak na di niya alam ang pangalan. Sa gitna ang isang bouquet ng white rose. Napako ang tingin niya sa huli.

“Ano na, Boss?”

“Saglit, Kuya.”

Nalipat ang tingin niya sa red rose. Singkuwenta lang ang diperensiya. Parang nakikita niya ang larawan ni Sergio Osmeña at ng National Museum. Kinapa niya ang coin purse niya sa side pocket ng pantalon niya.

P700 na lang ang pera niya. Sa Disyembre 20 pa ang susunod niyang sahod. Maliit lang iyon dahil ilang araw lang naman ang nasakop ng cut-off na iyon. Disyembre 8 hanggang 17 lang. Dahil 18, Christmas Party na nila. Part time instructor lang din siya kaya ilang oras lang iyon. Baka wala pang P 3,000 ang sasahurin niya. Magpa-Pasko pa. Kailangang magtipid. Nakatitig pa rin siya sa red rose. Kinukumbinsi ang sariling mas maganda ito kaysa sa puting rosas.

“Red rose na lang, Kuya. ‘Sang bouquet.”

“Three fifty ‘yon, Boss. Gan’to ‘yon kaganda,” nakangiti nitong itinuro ang nasa retrato.

Tumango si Dennis.

“Isang bouquet na red rose! Take-out!” sigaw ng lalaki. Parang crew sa Jollibee.

“Dito tayo, Boss, dito tayo,” sumunod siya. “Upo kayo,” pinagpag nito ang mga dahon sa monobloc.

Nasa tabing daan na sila ng Dangwa. Mabagal ang dumaraang mga bus at kotse dahil sa kitid ng kalsada. Dito na rin siya sasakay ng pa-Sapang Palay pauwi. Sana, sa loob-loob niya, maupo siya. Nang di masira ang bulaklak.

“Red rose. ‘Sang bouquet,” sabi ng lalaki sa babaeng nakaupo sa bangkito, saka umalis.

Umabot ng tatlong rosas sa kahon ang babae. Alon-alon ang bilbil nito. “Para sa dalaga ba, Boss?”

Tumango lang si Dennis. Ayaw niyang magpaliwanag. Customer lang naman ang mahalaga sa mga nagtitinda. Hindi ang kuwento ng mga ito.

Mataba ang babae, nakapusod, maitim at nakaputing t-shirt na may larawan ni Alfredo Lim. Mukhang lampas lang sa trenta anyos. May kamukha ito, hindi lang niya maisip kung sino.

Sa kabilang tindahan, isang babae ang nag-aayos ng mga bulaklak, puting bulaklak na may mangilan-ngilang pula sa talulot. Mahaba ang buhok nito. Parang magsisingkuwenta na.

“Para sa dalaga ni Boss,” pinagsalubong ng babae ang tangkay ng dalawang rosas. Nakapa-diagonal. Tapos, nilagyan sa pagitan ng mga tangkay na may pahaba’t maliliit na bulaklak. At nilagyan ng scotch tape. Kumuha uli ng dalawa pang rosas. Nilagyan sa pagitan ng mga tangkay na may pahaba’t maliliit na bulaklak. At nilagyan uli ng scotch tape. Tapos, ganoon uli. Hanggang dumami ang mga bulaklak, at kumapal.

“Mabilis lang ‘to, Boss.”

Oo, sa isip-isip ni Dennis, hindi mo man lang kasi hinugasan ang mga bulaklak. May alikabok pa ang mga dahon ng rosas. Hindi rin yata tatanggalin ang mga bulok na talulot at dahon.

Naalaala niya ang dalawang puting rosas na binili nila ni Jing. Gabi iyon. P350 lang, pero ang ganda-ganda. Siguro, dahil Agosto noon, sa loob-loob niya. Di gaya ngayon, magpa-Pasko. Kahit pagnanakaw, gagawin ng mga tao. May maihain lang sa Noche Buena.

Sayang at di siya gaya ni Jing. Aangal talaga pag kailangang umangal. Tatawad pag kailangang tumawad. Di niya gaya, hanggang sa isip lang kaya. Wala na sa lugar ang pagkamahiyain. Naisip niya, dapat, isinama niya ang pinsan.

Halos ayos na ang bouquet. Pero ang kalat-kalat at ang dumi-duming tingnan, dahil sa dami nang dahon. Parang kadawagan. Parang gubat.

“One… two…” isa-sang hinawakan ng babae ang talulot ng mga rosas. Nakibilang din si Dennis sa isip niya. “Nine… ten… eleven.” Kulang.

Umabot ng isang rosas ang babae, saka isiningit sa bouquet. “’Yan, sakto na!” Inayos nito nang kaunti ang parteng pinagsingitan. “Matutuwa ang dalaga ni Boss!” nakangiti ito.

Naisip na niya kung sino ang kamukha nito. Kamukha ito ni Ate Josie, tagalooban, kasama ng mama niya sa share, may maliit na tindahan, at nagtitinda ng ihaw-ihaw pag gabi. Panget ang ugali ni Ate Josie, kaya ayaw rito ng mama niya, pati ng mga tagalooban. Magulang daw sa lahat ng bagay. Halagang limang piso, sisingilin pa. Pero ito, di marunong magbayad ng utang. Ang gusto, puro pakabig. Pati ang mga tinda, kaymamahal. Kinse lang ang malaking Pop, pero rito, disisyete.

Nilagyan ng babae ng pink na espesyal na papel ang bouquet, pinatungan ng plastic na pandekorasyon, at sinarhan ng pink na ribbon. Saka uli ngumiti. Naiinis pa rin si Dennis sa ngiti nito.

“Saglit lang, Boss a,” tumayo ito, pumasok sa loob.

Mga limang minuto rin bago ito bumalik. Nakalagay na sa diyaryo ang bouquet, at may tali nang straw sa tangkay.

Nag-abot siya ng dalawang two hundred. Nakangiti nitong iniabot sa kanya ang bulaklak. Medyo naiirita pa rin siya.

“P’wede bang patanggal na ‘yung d’yaryo, Ate? Para iaabot ko na lang?”

Natawa ang babae sa kabilang tindahan. “Ba’t nga ba kasi me ganyan pa? Para naman tuloy basura.”

“E gan’tong gusto ng iba e. Nang di mainitan,” nanulis ang nguso ng babae.

Tinanggal nito ang pagkakatali, saka iniabot sa kanya ang bulaklak. “Wait, Boss, a. Greg! Greg!”

“O?” lumapit ang lalaking nakasumbrerong Niek.

“Three fifty,” ikinaway-kaway ng babae ang dalawang two hundred.

“Wala,” nakakunot ang noo ng lalaki.

“Ikaw, Ateng?” tanong nito sa babae sa kabilang tindahan.

“Maniwala ka naman, o. Kung meron ba naman ako, aba’y di mo na tatawagin si Greg. Pahihiramin na kita. E kaso’y wala.”

Nanulis uli ang nguso ng babae.

Naalaala niya si Ate Josie. Wala nang gustong magpautang dito.

Nagpunta ang babae sa ibang tindahan ng bulaklak, wala pa ring nagpapabarya o nagpapahiram. Sa isip-isip niya, singkuwenta na lang, wala pa?

Pinara ng babae ang isang dyip. Napalitan.

“O, Boss,” nakangiti pa rin ito. “Salamats.”

Naiinis pa rin si Dennis. Hindi siya nagpasalamat.

Naglakad siya hanggang sa Lacson Avenue. May Sapang Palay, sinalubong niya. Maluwag. Alas-diyes naman kasi, di rush hour. Sa tabing-bintana siya naupo.

Inamoy niya ang bulaklak, hindi ganoon kabango.

Nang nasa Blumentritt na, may nakita siyang isang parte na parang may butas, parang may pumugad na ibon. Dali-dali niyang binilang ang bulaklak. Dalawang ulit. Pero ganoon talaga. Lalabing-isa ang rosas.


Sabado, Disyembre 21, 2013

Pag Binubulaga Ako sa Newsfeed ng Kamatayan


Minsan, binubuluga ako
sa aking newsfeed
ng kamatayan.
Magugulat ang paligid.
Matatahimik.
Mapapatitig ako
sa larawan ng namayapa,
masisigla ang liwanag
sa kanyang mga mata.
Parang maaaring
makasalubong sa kalsada
nang nakangiti
nang kumakanta.
Matutuon ang pansin
sa salaysay ng naiwan
sa mga salita
ng panghihinayang
ng pakikiramay.

Pagkatapos,
mapapatayo ako,
maglalakad sa tabing-bintana.
Hahawiin ang tahimik na kurtina.
At ganito lagi ang makikita.
Balisang mga langay-langayan.
Marahas na hangin.
Madilim na langit.

It's Complicated


sigaw ng about
ng iyong facebook account

matagal kong tinitigan
ang salansan ng mga letra
ang profile picture
at cover photo
ang mga post na nakalatag sa wall
ngunit di natagpuan
ang tinuran mong salimuot

saka ko naalaala
ang natuklasang kalikasan
sa lapit lang ito matatagpuan

at mula rito
sanlaksang tanaw
ang layo ko sa iyo

Miyerkules, Disyembre 18, 2013

50% OFF


malakas ang gayuma
ng puting-puting mga letra
                       SALE
                                                             SALE
                                     SALE
nakalapat
sa pulang karton
                                             may buhay
                    nagliliyab
                                                                            nambabalani

                                         50% OFF
                                         50% OFF
                                         50% OFF

nagliyab ang mata
ng mga tao
                                                             naghalungkat
                                 siksikan
                                                                                         agawan
unahan

                                                                                                        habang nakangiti’t
                                                                                                        tahimik na nakatitig
                                                                                                        ang maliliit
                                                                                                        na itim
                                                                                                        na titik

up to


Linggo, Disyembre 15, 2013

Bayantoda


Sumama ako kina Mommy at Daddy sa pagdalaw sa mag-iina ni Kuya Oka. Nakatraysikel kami.

Dispatcher ng Bayantoda si Kuya Oka, kumpare at matalik na kaibigan ni Daddy. Inaanak pa nga ni Daddy ang panganay nito, si Joel. Maitim si Kuya Oka, kulot, may buhay na nunal sa itaas ng kaliwang mata, laging naka-t-shirt na puti.

Kaya madalas siyang lokohin sa traysikelan na di raw siya mababangga kahit gabi.

Tatlo ang dispatcher ng Bayantoda, pero pinakamadalas kong makita si Kuya Oka. Panggabi kasi siya, oras nang uwi ko galing PUP. Sa kanilang tatlo, siya ang pinakagusto ko. Bukod sa kaibigan siya ni Daddy, hindi siya bastos sa mga pasahero. Di gaya niyong dispatcher pag tanghali, sinasabihan nang maarte ang mga babaeng pasaherong ayaw bumakrayd.

‘Liwanag’ ang pangalan ng street namin, susunod ang Bukas at Pagbangon. Pag sinabing “Liwanag! Liwanag!” nag-uunahan agad ang mga pasahero. Wala naman kasing pila, isang mahabang upuang bakal lang.

Hindi ko na kailangang sabihing sa Liwanag ako, kilala na ako ng mga dispatcher. Alam na anak ako ng tricycle driver. Pag tatlo na ang pasahero, at dumating ako, bigla nilang sasabihin, “O, Liwanag! Liwanag!” Hindi ko na rin kailangang makipag-unahan, pag si Kuya Oka ang dispatcher. Madalas kasi, pag tatlong Pagbangon na ang pasahero, at kulang pa ang Liwanag, pinalalakad na niya ang Pagbangon. “Pagbangon! Pagbangon!” Tapos, titingnan niya ako. Liwanag, basa ko sa buka ng mga labi niya. Kaya nauuna pa ako sa naunang mga taga-Liwanag.

Isang bagay ang pinakanatatandaan ng mga tao kay Kuya Oka. Hindi siya bumoboto.

“Mabub’wisit lang ako. Wala namang nangyayari,” tanda ko pang sabi niya, nang minsang mag-chess sila ni Daddy sa bahay, at may kaharap na Gin bulag at pritong tinapa.

Sa inuupahan nila, sabi ni Daddy, wala kang makikitang tasa, t-shirt, pamaypay o kalendaryo, na galing sa mga politiko.

“Pag uminom kasi ‘ko gamit ‘yung tasang me muk’a ni Mayor, baka sumama lang ‘yung lasa ng kape. Malason pa ‘ko.”

Kaya sa bilihan ng boto pag barangay election, wala siyang natatanggap.

“Ba namang boboto lang, me dalwa’ng libo na s’ya. Ayaw pa n’ya,” sabi ni Mommy.

“’Yon di’ng sabi namin. Kaso, ayaw talaga e,” sagot ni Daddy. “Sa botohan lang ng Bayantoda bumoboto ‘yon.”

Pagdating namin sa kanila, tahimik na ang bunso niya. May sinususo nang gatas.

Na-stroke kahapon si Kuya Oka. Isinugod sa ospital, kahit hindi alam kung saan kukuha ng pambayad.

“’No ba’ng nangyari?” tanong ni Daddy sa lalaki sa tabing-pinto. Tricycle driver din, di ko nga lang alam ang pangalan.

“E ‘ayun, walang panggatas. Iyak nang iyak si Ogie. Wala ring pambiling ulam. Nahihilo na sa gutom ‘yung dalawang malaki. Si Mare, naiiyak na.”

Tiningnan ko ang tatlong bata. Sumususo iyong pinakamaliit, wala pang isang taon. Nakasalampak sa sahig iyong dalawa. Apat na taon siguro si Joel, at tatlong taon iyong sumunod. Ang lalaki nang subo. Parang mauubusan.

“Nag-ambagan na lang kanina ‘yung mga nakapila. Sabi ni Boy Tulay, may bigayan daw uli mam’yang gabi. Balikan ko raw.”

Naisip ko, parang napakahirap sa isang pamilya kung isa lang ang nagtatrabaho, at ang liit pa nang sahod. Sana, maganda ang trabaho ng mapangasawa ko.

May nagbukas ng TV. Channel 7, Flash Report.

“D’yan,” sabi ni Daddy.

Ibinabalita ng babaeng reporter ang tungkol sa nawawalang P10 bilyon pork barrel. Ibinulsa lang ng mga senador at konggresista. Pangunahing akusado ang mayayaman nang sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile.


Sabado, Disyembre 14, 2013

Babala


Mayro’ng bagyong parating.
Nagbabala ang hangin,
at pinagpunit-punit,
mga dahon ng saging.

Ang Mga Kasangkapan, Sa Panahon ng Paglilipat


Lulan na kami ng trak,
kapiling ang mga kasangkapan.
Mahusay silang isinalansan,
dahan-dahan
nang walang malaglag
mawasak
mabasag.
Wala silang ipinag-iba sa gabi.
Tahimik.
Waring kinikilala
ang dinaraanang kalsada,
tinatandaan
ang nakakasalubong na mga sasakyan
at nililikuang lansangan,
ang mga matang sumasalubong
at naghahatid nang tingin
hanggang
lunukin kami ng dilim.

Nang isa-isa na silang
naipasok sa bahay,
waring
nakatitig pa rin sila.
Tahimik.
Kinikilala
ang estrangherong kisame
dingding at sahig.