“There is fiction in the space between you and me.”— Tracy Chapman, ‘Telling Stories’
Lunes, Setyembre 9, 2013
Hindi Umaga ang Nagluluwal ng Pag-asa
Madalas ngang marinig
ang uha
ng pag-asa
kung umaga
sa katahimikan
malamyos na liwanag
nag-iinat na lansangan.
Ngunit hindi umaga
ang nagluluwal
ng pag-asa
maaari ito anumang sandali
gabi
dapithapon
tanghali.
Hindi umaga
ang nagluluwal
ng pag-asa
kundi
ang alab
sa ating kaluluwa.
Linggo, Setyembre 1, 2013
Estranghero
tinawag mo
ako
sa aking
pangalan
nakita
kong nagkalamat
ang
salaming harang
sa ating
pagitan
Sabado, Agosto 31, 2013
Parang Hindi Ka Naman Lumisan*
Parang
hindi ka naman
nawala
nagpaalam
lumisan.
‘Pagkat
naaamoy ko pa
ang
hininga ng sigarilyo
humahalo
sa tinig mo
tinig
na iyong-iyo.
Naririnig
ko pa
ang
malulusog mong ubo
at
masisiglang halakhak
wala
ni
dampi ng pagpapanggap.
Nakikita
ko pa
ang
kislap sa iyong mga mata
at
ang pag-ibig
sa
tahimik mong mga titig.
Parang
hindi ka naman
nawala
nagpaalam
lumisan.
Parang
nandito ka lamang
kapiling
namin
araw-araw.
Pumikit
ako
nakita
kita sa tumba-tumba
nakataas
ang paa
kakuwentuhan
kaming
buo
mong pamilya.
*para kay Tatay. Miss na miss ka na namin, lalo na ni Nanay.
Miyerkules, Agosto 28, 2013
Asterisk
Sir bt lgi kng my * sa mga post mo?
Message ‘yan sa
Facebook account ko ng isa kong estudyante.
May asterisk ang
bawat post ko sa Facebook. Status mo man o comment. Sa asterisk din nag-uumpisa
ang bawat text message ko, maging ang mga message ko sa e-mail o maski mga
sulat-kumay na note. Pati ang pirma ko, asterisk ang dulo.
“Maangas,”
“Cool,” sabi ng mga nakakakita sa pirma ko. May isang cotecaher ako na
naka-text ko, akala, may sira lang ang phone ko. Kaya may * sa umpisa. May mga
kaibigan namana ako, na pag nag-text ako na ibang cellphone ang gamit, kilala
na agad ako. Dahil nga sa asterisk.
“Mahirap
ipaliwanag, pag nagkita na lang tayo,” sagot ko sa chatbox.
Dahil estudyante
ko lang siya at friend sa Facebook, ang asterisk lang sa mga post ko sa Facebook
at sa pirma ko ang nakikita niya. Pinipirmahan kasi naman ang test permit nila
bago namin bigyan ng major exam. Sa madaling sabi, no permit, no exam.
Kinabukasan,
nagpunta nga sa faculty room ang estudyante.
Apat silang babae, mga BSIT. Mga estudyante ko sa Filipino 2, “Pagbasa’t
Pagsulat Tungo sa Pananaliksik.” Kumuha ako ng ballpen, nanghiram sa kanila ng
notebook, saka ipinaliwanag sa kanila ng asterisk.
Nagmula lang sa
wala ang paggamit ko ng asterisk. May naging kaklase ako dati sa first year
high school, may asterisk ang dulo ng pirma niya. Ginaya ko. Kalaunan, dahil
ano ba naman sa isang dose anyos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang pirma
lang, nagkaroon ako ng iba pang pirma. Marami.
Nang nasa
kolehiyo na ako, at kailangan na ng isang lagda lang, bumalik ako sa pirmang
‘yon. Hindi ko alam kung bakit doon, sa dinami-rami ng naging pirma ko. Siguro,
dahil ‘yon ang pinakasimple at pinakakakaiba. Hindi ‘yon kakaiba na hindi
magagaya, kundi ‘yong kakaiba sa lahat ng pirma ko.
Sa kaso naman ng
text message, may mga taong naglalagay ng signature sa kanilang text.
Katunayan, naise-set ito sa message setting ng cellphone. Pagpunta mo sa write
message, nandoon na agad ang inilagay mo sa signature sa message settings. May
naglalagay ng underscore sa unahan, may baligtad na question mark at kung
anu-ano pa. Nang una, hindi ako nakisakay sa uso. Pero nang magkaroon nga ako
ng tiyak na pirma, naglagay na ako ng asterisk sa umpisa ng mga text ko.
Nang makatapos
ako ng kolehiyo, nang makapaglagalag ako, makapagtrabaho sa ilang eskuwelahan,
makakilala ng maraming tao, magkaroon ng bagong mga kaibigan, nang mas kilala
ko na ang sarili ko, nalaman kong hindi pala gayon kasimple ang buhay. Noon
nagkaroon ng kahulugan sa akin ang asterisk, na dati’y disenyo lang sa akin.
At ngayon nga,
may tatlo na itong kahulugan sa akin.
Una, sa hugis,
komplikado ang *. Hindi gaya ng parisukat at bilog. Parang itong ng bolang
tinik. Parang maningning na bituin. Pero pag pinagdugtong-dugtong ang dulo ng
mga tinik nito, mabubuo ang isang bilog. Katunayan, sa MS Word, maaaring maging
bilog na bullet ang asterisk.
At ang bilog,
nagpapakita ng kasimple.
Sa akin, gayon
ang buhay. Simple at komplikado. Simple, pero komplikado. Komplikado, pero
simple.
Simple sapagkat
parang pare-parehas lang naman ang nangyayari sa araw. Sa simpleng mga bagay
nagsisimula ang malalalim na kaligayahan. Sa simpleng mga tao ko nakita ang mga
ngiti ng saya. Ngunit komplikado ‘pagkat hindi madaling maunawaan ang buhay. Napakaraming
talinghaga. Maraming nangyayari nang di natin inaasahan. Maraming nagaganap
nang biglaan.
Ikalawa,
naniniwala akong mahirap maging tao. Dahil marami tayong papel na ginagampanan.
Estudyante ka kung nasa paaralan. Kapatid ka sa iyong mga kapatid, anak sa
iyong mga magulang. Kasintahan ka sa iyong kasintahan. At saan ka man pumunta,
Pilipino ka kung Pilipino ka.
Pag pinagsama-sama
ang mga ito, mabubuo ka. Parang mga linya mula sa iba’t ibang direksiyon. Pag pinag-isa,
mabubuo ang asterisk.
At ikatlo, dahil
sa integridad. Isa ito sa mga pinakamahirap maabot ng isang tao. Salitang Latin,
ibig sabihin, “buo.” Hindi buo ang isang ama na sa pagnanakaw binubuhay ang
pamilya. Ni ang isang mabuting boyfriend pero bastos sa mga magulang. Hindi rin
buo, siyempre, ang isang mahusay at patas na guro, pero hindi ginagampanan ang
mga tungkulin niya bilang Pilipino.
At gayon nga ang
gusto ko. Maging buo. Magkaroon ng integridad.
Alam ko, wala pa
ito akong integridad. Hindi pa ako buo. Hindi pa rin nagagampanan nang mahusay ang mga larangang pinasok ko. Hindi pa
ako gayon kahusay magsulat. Hindi pa ganoon kahusay na guro. At may mga
pagkakataong hindi ako nagiging patas.
Pero may panahon
pa naman. Gagampanan ko ang mga papel ko nang may integridad. Walang panahong
dapat sayangin. ‘Pagkat maiksi lang ang buhay at walang katiyakan. Parang
bituin sa langit, maaaring nakita kagabi, ngunit hindi masilayan sa gabing ito.
Parang bituin na
parang asterisk.
Martes, Agosto 27, 2013
Snatch
nanginginig
ang dyip
kagat-kagat
ng traffic
nakangiti
siyang nagti-text
nang
biglang dukutin sa bintana
ang
kanyang i-phone
kasamang
nahablot
ang tiwala niya sa lungsod
Lunes, Agosto 26, 2013
Ala-GAD
‘’Ala’ mala parang animo tulad gaya
ala-ina ala-kapatid ala-ama
guro
alagad
ng edukasyon
nagbabaon
ng pananghalian
hotdog galunggong tortang talong
nanginginig ang tuhod sa gutom
humpak na pisngi
bag na punit
matang
naghuhumapdi
napapipikit
namumroblema
sa baon ng mga anak
disconnection notice
nakasimangot na land lady
pagkatapos
ng trabaho
nasapo
niya ang pinipikong ulo
ala-GAD
‘GAD’ General Anxiety Disorder
bunga ng di
makontrol na pagkabahala
sa pang-araw-araw
na mga dalita
Linggo, Agosto 25, 2013
Offering
Biyernes ‘yon at papunta ako sa UP, para magpasa ng
research sa MA. Ang sabi ng propesor namin, iwan na lang daw sa pigeon hole
niya. Hanggang Biyernes lang daw.
Pagkatapos kong magpasa, didiretso ako sa FEU—East Asia
College. Part timer lang ako roon.
Masikip na naman sa bus na pa-Cubao, galing Malinta Exit. Normal
na ito sa mga bus na ito. Bagama’t hindi ganoon kasikip nang araw na ‘yon,
dahil nga Biyernes at alas-diyes naman na ng umaga. Hindi na rush hour.
Sa ordinary bus ako nasakay (para namang weird o
extraordinary ang mga airconditioned). ‘Yon kasi ang unang dumaan. Sa dami nang
pasahero at sa unti ng bus, idagdag pa ang init at sikip ng kalsada, inalisan
na ng mga pasahero ang kani-kanilang sarili ng karapatang mamili ng bus. Pero
kahit ang sikip-sikip na ng bus, nakuha pang sumakay ng dalawang lalaking nag-aabot
ng sobre. Hindi sila magkakilala. Ito ang sinasabi ng mga suot nila.
Binatilyo ang una, mukhang nasa disi-otso anyos lang.
Nanlilimahid ang abong t-shirt at mukha. At nanlalagkit ang buhok.
“May space pa rito sa likod o,” dumaan siya, parang
konduktor lang.
Nakasunod nang tingin sa kanya ang mga pasahero. Sa sinabi
niya, akala ko nang una, pasahero siya. Ganoon lang talaga ang itsura. Kaya
nagulat ako nang pag-aabutan niya kami ng brown envelope na gaya ng mga nasa
kapilya. At may nakasulat sa burarang sulat-kamay na kailangan lang niya ng
pangkain.
Naglagay ang katabi kong babae, pero ako, hindi. Ewan, pero
ang pananaw ko kasi sa ganyan, baka namimihasa, komo may mga nagbibigay.
Kinolekta ng binatilyo ang mga sobre, parang nangungulekta
lang ng offering. Pero iba sa mga usher ng simbahan, kinukuha niya agad ang mga
laman. Tapos, ni walang pasalamat, na para bang obligasyon ng mga tao na magbigay
sa kanya.
Hindi ako nagsisi na hindi ako nagbigay.
Nasa NLEX na noon ang bus. Nagsasalita naman sa daanan ng
mga pasahero, sa gawing unahan, ang isang lalaking clean-cut ang gupit,
nakasalamin at naka-checkered na polo. Mukhang nasa kuwarenta na siya at may
hawig kay Ted Failon, sa itsura at sa porma. May hawak siyang Bibliya at
nagsasalita sa malakas niyang boses.
Sabi po sa aklat ni ganito, pangkat ganito, talatang
ganyan.
Nalimutan ko kung saan matatagpuan ang talatang binanggit
niya. Idagdag pang nasa bandang likod na ako. Malapit na ako sa upuang animan.
Pero tumatak sa akin ang pagsasabi niya ng “pangkat” sa halip na “kabanata.”
Noon lang ako nakarinig nang ganoon, sa dami ng pastor na kilala ko. Naisip ko
tuloy, alam kaya talaga niya ang ginagawa niya?
Naalaala ko ang isang hapong naglalakad ako sa footbridge
sa Paramount. May nakita akong lalaking nakabihis din nang ganoon, at
kinakausap ang isa pang lalaki naka-t-shirt lang. “Tapos, basahin mo ‘to,
tapos…” Tutok na tutok naman sa pakikinig ang lalaki sa itinuturo ng lalaking
naka-polo, na akala mo nagpapaliwanag ng isang napakahalagang strategy.
“Kaya lalapit po ako sa inyo para kuhanin ang inyong mga
offering,” sabi ng kahawig ni Ted Failon, pagkatapos magsasalita. Nasa Muñoz na
ang bus.
At lumapit nga siya at nag-abot ng mga sobre. “Mag-offering
po tayo, mag-offering po tayo.” Lahat ng pasahero, inaabutan niya. “Mag-offering
po tayo, mag-offering po tayo.”
Naasiwa ako sa salita niya. Parang namimilit.
Naalaala ko ang pastor sa church namin. “Sana naman po,
ipaalam n’yo sa akin na nagso-solicit po kayo. At ‘wag naman po sana tayong
lalapit sa pulitiko.”
Pagkatapos, isa-isa niyang kinolekta ang “offering” namin.
Hindi uli ako nagbigay. Hindi ko naman alam kung sa simbahan nga ba ‘yon
mapupunta. Nagbigay uli ang katabi kong babae, at ang lalaki sa tabing-bintana.
“God bless po,” sabi niya pagkahawak sa sobre ng lalaki sa
tabing-bintana. “God bless po,” ang sobre naman ng katabi kong babae ang hawak
niya.
At pagkahawak niya sa sobre ko, wala man lang siyang
sinabi. Wala akong “God bless po.”
Nagdasal pa siya pagkatapos. Na ipagpatuloy ang pagbibigay
ng “kaloob,” at na pagpalain ang mga nagbigay ng “offering.”
Sa Paramount siya bumaba. Bumaba na rin ako. Sa SM North
ako sasakay ng dyip na pa-UP.
Ewan, pero naisip ko, siguro, lalapit siya sa nagtitinda ng
sigarilyo. Tapos, maninigarilyo.
Pero hindi. Dahil pagkalingon ko pa lang, wala na siya.
Siguro, sumakay na sa dumaang bus. Para manguha uli ng “offering.”
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)