Huwebes, Marso 20, 2014

Kalsada


Isang Dosenang Haiku

1
Ngumisi’ng dilim—
nanlisik, mga mata
ng avenida.

2
Nagmamadali.
Mga ilaw sa enleks
ay Halley’s comet.

3
Nagsuka’ng lasing
sa poste, nagulantang
bahay ng langgam.

4
Tambol ng dibdib…
huminga ka’t… nanghablot…
silver na k’wintas.

5
Bida’y dumating,
matutulis na tsismis,
naging pagbati.

6
Ula’y bumuhos,
namuti ang kalsada,
kotse’y natakot.

7
Mata ng barker,
biglang kumislap, nang may
dyip na dumungaw.

8
Ngumiti’ng dilim.
Papauwing dalaga,
niyakap ang bag.

9
Tulalang kuting,
Kumaripas. Dumaa’y
‘sang dagang kanal.

10
Batang madungis,
sumayaw sa kalsada.
Tugtog, busina.

11
Nilagyan ng tres.
Hubad-barong gusgusin,
tulala pa rin.

12
Damo sa enleks,
kumakaway sa mga
bus na paalis.

Martes, Marso 18, 2014

Reply


Nang sabihin kong GOD BLESS
ang tinanggap niya ay GOD BLESS.
Nang sabihin kong TAKE CARE
ang tinanggap niya ay TAKE CARE.
Nang sabihin kong MERRY CHRISTMAS
ang tinanggap niya ay MERRY CHRISTMAS.

Nang sumagot siya ng LYKWISE
ang tinanggap ko ay HANGIN.


!


hindi kita aambaan
ng itak
o tabak                   
para magulat
magimbal

hindi kita sisigawan

hahayaan ang laman
kalamnan
nitong tula
ang maging sanhi
ng pagkabigla
ng pagkatulala


Sabado, Marso 15, 2014

Kalapati


Tulad siya ng kalapati, sabi mo.
Pinawalan mo, dahil babalik sa iyo.
Ngunit sa kanyang pagronda, may sumamang iba.
Naging sila sa iyong mga mata.
Di mo na muling nakita.


Foreign Student


Hindi ko malimutan ang sabi ni Ma’am Maribel noong unang araw ng klase, history instructor at sampung taon nasa SITE. Mas marami raw ang teaching load dati. “Ngayon kasi, wala nang mga foreigner. Di raw kasi nag-i-English ‘yung ibang instructor. Di nila maintindihan ‘yung lesson. Halimbawa, Math, Sociology, gusto nila, English din ang medium.”

Naitanong ko na naman sa sarili ko, bakit ba tayo ang nag-a-adjust para sa kanila? Sa France nga (kahit di pa ako napupunta, alam ko), hindi ka kakausapin kung di ka marunong ng French. Mag-iiyak ka muna riyan.

Kinabukasan, Martes, tatlo lang ang klase ko. Sa huli kong klase, sa 1 to 2:30 ko, napako ang mga mata ko sa dalawang esudyante sa likod. Pareho silang maitim, bilugan ang mukha, maiksi ang kulot na mga buhok at itim na itim ang mga mata. Mga Bumbay. Naka-turban pa ang isa. Nailang ako. Self expression man iyon o kung ano, ayoko sa mga naka-cap o turban o may hikaw sa dila.

“P’wede bang pakialis ‘yan?” nakatingin ako sa kanila.

Tumahimik bigla sa classroom. Naglingunan ang mga estudyante.

“We don’t ispik Tagalog,” sabi ng isa.

Natahimik ako. Biglang tumambol ang dibdib ko. Natuyuan ako ng laway. Inisip ko ang tamang pangungusap. Nakakaintindi ako ng English, pero hindi ako fluent dito. Baka mamaya, wrong grammar ang sentence ko. Pagtawanan pa ako. Pagtsismisan. Nakakahiya iyon, kahit pa Filipino teacher ako.

“You’re a foreigner?” tanong ko.

Tumango sila.

“Will you please remove your turban?” mukhang tama naman ang English ko.

“No. Part op ar kultyur.”

Bigla kong naalaala ang sabi sa akin kahapon ni Ma’am Jasmine. “Sir, pag may foreigner kang student, papuntahin n’yo po sa’kin. Sa klase ko sila papasok. Filipino for foreigners.”

“Both of you, you go to Room 210, and look for Ma’am Jasmine.”

“Rum tu wan siro?” tanong ng naka-turban.

“Yes,” tumango ako.“Bring your bag.”

Pagkalabas nila, nagtawanan ang mga estudyante. May pumalakpak pa.

“Epic fail!” sabi ng isa.

“’Lang’ya,” sabi ng isang lalaking nasa unahan. “Pupunta-puntang Pilipinas, di marunong ng Filipino.”

Pagkatapos ng klase, umuwi agad ako. Wala akong ganang mag-ayos ng mga teaching material at kung anu-ano pa. Sa LRT, hindi ako umupo sa bakanteng upuan. Tumayo ako sa tabi ng pintong hindi bumubukas, nakatanaw sa labas. Hinahanap ko ang dangal ko bilang Pilipino. Karamihan sa mga billboard, sa English nakasulat. Ganito rin ang araw-araw kong nababasang mga sign sa kalsada. Sabi ni Ma’am Maribel, ang mga titser na hindi naman English ang subject, Rizal, halimbawa, Psychology, pag may foreigner, napipilitang mag-English? Bakit? Saan nanggaling ang tapang ng apog ng mga foreigner na mag-demand? Bakit nasanay silang bastusin ang wika natin? Wala raw alipin kung walang magpapaalipin. Naisip ko, ako, Filipino instructor na, nag-English pa rin para sa kanila.

Maingay na sa LRT. Ang daming nagkukuwentuhan at nagtatawanan. May lumalampas sa earphone ang sounds. Pero parang naririnig ko pa rin ang boses ng Bumbay.

“Will you please remove your turban?”

“No. Part op ar kultyur.”

Lakbay


Papasok na sa NLEX ang ordinary bus na pa-Cubao. Nasa tollgate na. Hindi puwede sa isang tollgate. May kung ano yatang ayaw gumana.

Hindi na iyon pinansin ni Kyle. Nasa tabing-bintana siya, malapit sa driver. Diretso pa rin siya sa pagri-review. Exam nila mamaya sa Rizal. Estudyante sa EARIST si Kyle. Sa Camachile siya bababa. Tapos, lilipat sa bus na pa-Sta. Cruz. Bababa siya sa Dimasalang, sasakay ng dyip na pa-Lardizabal. Minsan, sobrang hirap ng bus na pa-Sta. Cruz, kaya nagku-Cubao muna siya. Pero nanghihinayang din siya sa diperensiyang kuwatro pesos.

“Meron ba?” tanong ng driver. Maitim ito. Kulot. Naka-t-shirt na green, uniporme nila. May hawig ito kay Rez Cortez. Marami nga lang tagyawat.

Sumilip sa pinto ang konduktor. Nakabukas pa ang pinto. “Wala. Wala.”

Mabilis na umatras ang bus. Bag! Malakas ang salpok.

“Puta!” napahilamos ang palad ng driver sa burog-burog na mukha. “Sabi mo, wala e. Tinanong kita. Sabi mo, wala.”

Dumungaw si Kyle. May mga bubog sa kalsada. Nabasag yata ang salamin ng sasakyan.

“Sabi mo, wala e,” nagkakamot na ang driver. “Tinanong kita.” Parang maiiyak na matatawa.

Wala lang kibo ang konduktor. Bakas sa mukha ang kaba.

Nakapagbayad na siya. Sayang ang onse pesos. Muntik na nga siyang di makapasok. Hindi nakabiyahe kahapon ang Papa niya. Coding ng traysikel nila pag Miyerkules. Iniutang lang siya ng mama niya ng P100 sa kapitbahay. Ayaw na nga sana siyang papasukin.

“Long quiz namin ngayon,” pagpipilit niya.

Pinadadagdagan niya sa Mama niya ng beynte. Wala na raw. Pamasaheng-pamasahe lang ang pera niya. Magwa-water therapy na lang siya.

Maaareglo rin iyan, tiwala si Kyle. Babayaran lang ng driver ng bus ang naatrasan, kung ano man iyon. Balik siya sa pagri-review. Pag nakagradweyt siya, mas magiging madali na ang buhay nila. Makaluluwag-luwag na sila. Makabibili na rin siguro sila ng lupa. Makakapapatayo ng bahay.

Tumayo ang katabi niya, pati ang dalawa sa unahan. Nagsibaba. Sumilip siya sa bintana. Marami nang kumukuha ng pamasahe. Bigla niyang isinara ang notebook, at ipinasok sa imitation na Jansport backpack. Siya na lang pala ang pasahero. Bumaba siya.

Puting L300 ang naatrasan. May lamat ang windshield. At basag ang kanang side mirror.

“Problema na naman,” nagkakamot ang driver ng bus. “Sabi mo kasi, wala e. Sabi mo, wala.”

“E pa’no ho ‘yan?” nakapamewang ang driver ng L300.

“Mapapalayas na kami nito,” nagkakamot pa rin ng ulo ang driver ng bus. “Mumurahin na ‘ko ng asawa ko.”

Naisip niyang bigla ang Papa niya pag magsasabi sila ng mga project sa eskuwelahan at kung anu-ano pang mga bayarin. “Pagod na pagod na ‘ko. Pero dapat pala, di muna ‘ko um’wi. Bum’yahe pa ‘ko.” Pero mamaya lang nang kaunti, bagsak na ito. Habang nakasandal sa upuan.

Iniabot niya sa konduktor ang tiket niya. Binigyan siya ng dalawang limang piso. Binilisan niya ang lakad niya. May exam pa siya. Tumawid siya sa kalsada. At ni hindi  lumingon.


Pebrero 1


Gising ka
nang magsagutan ng tilaok
ang mga manok
nasa tabing-pinto
mainit ang yakap ng tasa
sa mga palad
hinahanap ang sarili
sa mabagal na paglalayag
ng mga ulap.
Ayaw kang patahimikin
ng prusisyon ng mga gunita
ramdam na ramdam mo ang hiwa
ng ipinukol niyang mga salita.

Unang araw ng Pebrero.
Malamig.
Malakas ang paniniwala mong
totoo ang langit.
May bukas na darating.