Linggo, Oktubre 6, 2013

Boyfriend


“Sino ‘yan?” nangibabaw sa tahol ni Chuchu ang boses ng Tita Marie niya.

“Ako po, Tita.”

Lumabas ito at binuksan ang gate. “Pasok, pasok.”

Nagmano siya.

“Wala pa si Froilan e,” sabi nito nang nasa sala na sila.

Hindi niya alam kung ano ang dapat sabihin. Kaya iniabot na lang niya ang isang kilong lansones na binili niya sa daan.

“Naku,” napangiti ang Tita Marie niya, “salamat.” Magkahawig na magkahawig ang mga mata nito at ni Froilan. Parehong singkit at mapungay. Ang sarap titigan.

Magdadalawang buwan na silang wala ni Froilan. At siya ang may kasalanan. Niligawan siya ng isang marine engineering sa PMI, at sinagot naman niya. Mas guwapo si Froilan kaysa rito, mas mahal din niya. Pero parang gusto naman niya ng iba. Ng bago.

Ngunit nakarating iyon kay Froilan. May nakakita kasi sa sa kanila sa MOA. At nakipag-break ito sa kanya.

Gusto niyang sisihin ang mga quote sa text message. Pag nagkaroon ka raw ng dalawang mahal, piliin mo ang pangalawa. Dahil di ka naman magkakaroon ng pangalawa kung mahal mo talaga ang una. Mali, sa loob-loob niya. Maling-mali. Hindi lang talaga marunong makuntento ang tao.

Tumahol uli si Chuchu.

“Wait, Jin a,” lumabas si Tita Marie niya.

Naiwan siyang nakaupo nang tuwid sa sopa. Inamoy niya sa pulso niya ang Herbench niyang pabango. Mabuti’t amuy na amoy pa rin.

“Nar’yan si Jin.”

Si Froilan na iyon. Naramdaman niya ang panunuyo ng laway niya.

“Good evening po,” di niya kilala ang boses na iyon. Babae.

Kumabog ang dibdib niya.

Naunang pumasok ang Tita Marie niya, kasunod si Froilan. Nakahawak rito ang babae. Mahaba ang buhok at may kaunting tagyawat. Chubby.

“O, musta?” bati nito sa kanya.

“Ayos lang,” hindi niya ito matingnan. “Napadalaw lang.”

Umupo sa dalawang katabing upuan ang dalawa. Gusto niyang sipatin nang tingin ang babae. Pero hindi niya magawa. Hindi niya kaya. Sa gilid ng kaliwang mata niya, nakikita niya, malaki ang mga paa nito. Mas maputi rin siya. Mas magandang pumorma.

“Bili lang ako ng softdrinks a,” ipinatong ni Froilan ang kamay sa hita ng babae.

Diniinan ng kanang hinlalaki niya ang number 1 sa cellphone niya nang walang tingin-tingin. At habang kumakabog ang kanyang dibdib. Tumunog ang cellphone sa bulsa ng Oxygen niyang blouse.

Dinukot agad ito ng kaliwang kamay niya. “Hello,” tumayo siya, inilagay sa backpocket ng Penshoppe niyang pantalon ang isa pang cellphone. “Opo, opo,” binilisan niya ang pagsasalita. “Opo. Sige po,” at ibinaba na niya ang cellphone.

“Uy, mauna na ‘ko,” tiningnan niya si Froilan. Mas makinis ito ngayon. Parang tumaba rin. Nagkapisngi. “Urgent matter.”

Tumango lang ito. Titig na titig sa kanya ang mapungay na mga mata. Parang ang daming gustong sabihin.

“Sige po, Tita,” humalik pa siya sa pisngi nito.

“Di ka muna kumain?”

“’Wag na po. Salamat na lang.” Ramdam niyang basag ang boses niya.

Inihatid pa siya ng Tita Marie niya hanggang sa gate.

Sa labas, dinig na dinig pa rin niya ang mga tahol ni Chuchu. Habang pinupunasan niya ang kanyang luha.

Jerome


Umabot sa boiling point ang dugo ni Ma’am Banaue, physics instructor. Ayaw na ayaw niyang  may inaantok, o naghihikab sa klase niya. Ipinapahiya niya talaga. Pag may mga ganito kasi, pakiramdam niya, hindi siya effective teacher. Isa pa, nakakahawa ang hikab. Scientifically proven.

Pero hindi basta iyon ang dahilan kung bakit siya nagalit. Kundi dahil sa dinami-rami nang puwedeng antukin, si Jerome pa. Paborito niya ito. May itsura kasi. Nakaka-appreciate ng mga lesson. At medyo matalino rin.

“Mahirap bang intindihin ‘yung sinabi ko?” nakapamewang na siya. Nakapantalong itim siya, blazer at purple na blouse. “I said, out!”

Tumayo si Jerome, nakayuko. Matangkad ito, maputi, naka-mohawk hair style. Namamaga ang mga nito. Dinampot ang itim na Jansport na backpack, lumabas.

Alam niyang nagulat ang mga estudyante niya. Bakit siya nagpalabas? Unang beses ito. Dati, namamahiya lang siya.

Biglang sobrang tahimik sa klase. Dinig na dinig ang ugong ng mga ceiling fan.

Kumukulo pa rin ang dugo niya.

“Yes, siesta ang class natin. One to two thirty. But it doesn’t mean na p’wede na kayong matulog dito! You enrolled this class. Kung inaantok kayo, ‘wag na lang kayong pumasok!”

Pagkatapos ng klase, medyo nakonsensiya siya. Papaano kung marami lang palang requirement sa major subject iyong bata?

“Kumulo ‘yung dugo ko sa student ko,” bungad niya kay Mr. Pablo, Filipino teacher. “Natulog ba naman sa klase ko!”

Sinimulan niya ang kuwento para makahingi ng opinyon, kung tama ba ang ginawa niya. Ayaw niyang ma-guilty. Marami man itong ginagawa, hindi pa rin ito dapat natutulog sa klase. Nakakabastos.

“Ano po’ng name?” nahinto ito sa paglalagay ng gamit sa locker.

“Si Jerome Ecouter. ‘Yung engineering.”

“Aaa,” sagot ni Mr. Pablo. Lumapit ito sa kanya. “’Wag n’yo na lang pong ik’wento a.”

Hindi siya kumibo. Bigla siyang kinabahan.

“Sabi n’ya kasi sa’kin, ‘wag daw ipagsasabi. Ako lang kasi’ng sinabihan n’ya e. ‘Yung mga classmate nga n’ya, di rin alam. Gusto raw kasi n’ya, tahimik lang.”

“Ano ba ‘yon?” di na siya nakatiis. Mas malakas na ngayon ang kaba niya.

“Namatayan po kasi sila,” sabi ni Mr. Pablo. “Dad n’ya. Ngayon po ang last day ng burol.”

Sabado, Oktubre 5, 2013

Ina


Patay na ang mga ilaw sa bahay nang tumulo ang luha ni Chloe. Nakatagilid siya, kaya basang-basa ang unan. Sa mahabang upuang kahoy sa sala siya nahiga, at nahihirapan siya, dahil mas mahaba siya rito. Ayaw niyang matulog sa kuwarto. Parusa niya sa sarili.

Isang oras na rin siya roon, pero hindi pa rin siya makatulog. Naririnig pa rin niya ang pagtatalo nila ng mama niya. Pagkaalis na pagkaalis iyon ni Laurence, manliligaw niya.

“Ano’ng mapapala mo ro’n, kun’sakali?” mahinahon ang boses ng mama niya. Nasa sala sila. Singkuwenta anyos na ang mama niya. Maiksi ang buhok. Maputi. Maganda.

“’Ayan na naman ba kayo?”

“E tambay lang ‘yon, e. Kahit nga sina Mareng Rose, nagulat na nangliligaw sa’yo ‘yon. E lagi raw umuuwing lasing ‘yon. Walang trabaho. Hindi nakatapos. Parang walang kapanga-pangarap sa buhay.”

Totoo ang mga iyon, alam niya. Pero ewan ba niya, magaan ang loob niya kay Laurence. Masarap itong kausap. Masaya siyang kasama ito. Hindi lang basta dahil guwapo ito at lalaking-lalaki ang dating.

“Sabihin mo, ‘wag nang manligaw sa’yo,” titig na titig sa kanya sa mama niya.

“Ayoko!” napalakas ang boses niya.

“Chloe,” lumapit ang mama niya, “inilalagay ka lang sa ayos.”

“Puro naman kayo ganyan, e!” malakas pa rin ang boses niya. “Pa’no n’yong malalaman kung ano’ng maayos sa’kin e hindi n’yo naman nararamdaman ‘yong nararamdaman ko?”

“Dahil malapit ang bibig sa tenga,” naalaala niya, sabi iyon ng titser niya, “naririnig natin ang sinasabi natin. Doon tayo nasusugod ng konsensiya.” At naisip niya agad, mali. Mali siya.

“Ikaw lang ang inilalagay sa ayos,” basag na ang boses ng mama niya. “Ganyan mo pa ‘ko sagutin.”

Agad itong nagpunas ng luha. Saka patakbong umakyat sa kuwarto.


Gusto niyang mag-sorry, pero nahihiya siya. Papaano? Ano ang sasabihin niya? Ayaw rin naman niyang bastedin si Laurence.

Nag-oopisina ang mama niya. At wala naman siyang pasok pag Miyerkules. Kung tatanghaliin siya nang gising, kahit alas-otso lang, hindi na niya ito aabutan.

Niyakap niya ang sarili sa sobrang lamig. Ayaw niyang kumuha ng kumot sa kuwarto niya. Maging iyon, parusa niya sa sarili.

Alas-singko nang maalimpungatan siya. At yakap-yakap na siya ng kanyang kumot. Mula dibdib hanggang paa.

Morning Glory


panay ang palatak niya
at tingin sa relo
sariwang bulutong ang mga pawis sa noo

makapal na maruming agiw
ang buhul-buhol na mga usok
parang sa libing
ang usad ng mga sasakyan
nakukulili sa mga businang nagbabanggaan

kinawayan siya
ng naghilerang dilaw na mga tala
sumasayaw sa island ng kalsada
may malamig na talulot
na dumampi sa dibdib niya

Biyernes, Oktubre 4, 2013

Dean


Napakalaki ng kinalaman ng edad kaya naloloko ang isang tao. Dahil malaki ang kinalaman nito sa ideyalismo. Ito ang pinakanatutuhan ko sa sa una kong trabaho.

Beynte-uno lang ako noon. Kaga-graduate lang.

Bata lang din ang dean namin, higit trenta lang. Matangkad at guwapo. Pero bading.

“My cardinal rule, as your supervisor, is to be fair. Lagi akong walang paborito,” sabi niya noong orientation.

Dahil nga bata pa ako, naniwala ako.

Pag may mga tanong ako, at kailangan ko ng payo tungkol sa classroom management, sa kanya ako lumalapit. At hindi naman ako nabibigo. Naging magaan tuloy lalo ang loob ko sa kanya. Gusto ko siya bilang boss ko. Madaling lapitan. Patas.

Sana, ganoon ang lahat ng boss. Masarap magtrabaho kung ganito ang supervisor.

Isa si Jenny sa mga naging ka-close ko roon. Bago lang din, beynte-otso, tourism major. Matalino at OK ang performance niya. Walang absent, ni-late. Mataas ang evaluation ng chairperson at ng mga estudyante. Napakagaling daw talagang magpaliwanag, sabi ng mga bata. Iyong komplikado, nagiging simple.
Magpi-prelim exam nang umalis siya. Isang taon pa man din ang kontrata namin.

“Babalik na kasi ‘kong Canada. Sayang din ‘yon. Sana naman, maintindihan nila.”

Wala pang kuwarenta kaming mga faculty member. Umalis si Jenny nang iilan lang ang nakaaalam. Kaming malalapit lang sa kanya. At parang iilan lang din ang may pakealam.

Ikinalungkot ko iyon. Ang unti lang kasi namin, tapos, hindi pa ramdam ang pag-alis ng isa. Wala man lamang maganda-gandang exit. Walang bakas ng pagiging pamilya. Maiintindihan ko sana kung napakarami namin, kaso, hindi. Saka wala namang ginawang masama iyong tao. Nagpaalam naman nang maayos. Pero naisip ko, siguro, ganito talaga. Para hindi na rin mabigat sa pakiramdam ng mga maiiwan.

 “P’wede nga natin s’yang idemanda e,” sabi ni Dean sa seminar para sa darating na anniversary ng college, may nagtanong kasi tungkol kay Jenny.

Naisip ko noon, may mali nga rin talaga si Jenny.

Kalagitnaan ng semester at katatapos lang ng midterm week nang katukin ako sa klase.

“Sir, may meeting po sa faculty. Urgent,” sabi ng isang titser.

Ni-dismiss ko agad ang klase ko. Inis na inis ako. Wala man lang maaga-agang pasabi.

Pagdating ko sa faculty room, nandoon na ang halos lahat ng coteacher ko. Nasa kabisera ng mesa si Dean, katabi si Sir Lino, Math Istructor.

Malungkot ang mukha ni Sir Lino. Guwapo ito. Maputi. Naka-brace. May limang taon na roon bilang instructor.

Si Dean naman, nangingilid ang luha.

“I really have to tell you this, kasi, mali,” sabi niya nang nasa kalagitnaan na siya ng pagsasalita. “Lino have to exit in our college,” pumikit siya. “Dahil nakabuntis s’ya ng estudyante.”

Napanganga ang iba sa amin. Ang iba, halatang alam na.

Pagkatapos, hiningian kami lahat ni Dean ng final say kay Sir Lino. Isa-sa. Umiiyak na siya noon.

Nang malapit na ako, nag-excuse ako saglit, at nagpunta sa CR. Babalik na lang ako pag tapos na ang meeting.

Sa CR, naisip ko, sa Marso, kailangan, mag-apply na ako sa ibang eskuwelahan.

Huwebes, Oktubre 3, 2013

Aguinaldo


Nakapangalumbaba si Manilyn sa harap ng umuusok na kapeng barako. Nasa kusina siya, at alas-dos na ng umaga. Naka-sweater siya at padyama. Ramdam na ramdam niya ang lamig ng Enero.

Hindi siya makatulog. Dalawang gabi na. Naiisip niya ang sinabi ni Aileen, subordinate niya at dating estudyante, bago ito nag-resign noong Lunes.

Tatlong taon na siyang head ng IT Department, at tatlong taon na nilang ginagawa ang pagbubulsa ng pera—sa mga seminar, sa mga outing sa Caliraya.

Namimigay ng aguinaldo tuwing Christmas Party ang president nila at may-ari ng eskuwelahan, si Ms. Cecille, matandang dalaga. At ipinagdidiinan nila lagi na hindi makukuha ng mga di pupunta sa Christmas Party ang aguinaldo nila.

“Ibabalik namin ‘yan kay Ms. Cecille,” sabi ni Luis, head ng General Education Department, noong meeting nila, dalawang linggo bago ang Christmas Party.

Pero ang totoo, ipinabibigay pa rin iyon ni Ms. Cecille sa mga hindi makapupunta. Magpa-Pasko naman daw. Pero hindi nila iyon ipinaaalam sa matanda. Dinadaya na lang nila ang pirma, para kungwari, natanggap ng mga ito ang pera.

“Kaya kailangan n’yo po talagang pumunta,” dagdag ng matabang si Bina, head ng HRM Department.

Tatlo sa mga subordinate niya ang hindi dumalo—si Joy, umuwing Samar; si Gilbert, nag-Boracay, Disyembreng-Disyembre; si Melvin, nagbantay sa nanay, inoperahan sa myoma ang nanay nito, sa PGH.

Kadalasan, P1000 ang aguinaldong natatanggap ng bawat faculty member. Kaya mas natuwa siya nang maging P2000 ang sa bawat isa. P6000 kaagad ang naibulsa niya, hindi pa kasama ang P4000 aguinaldo niya.

Pero nalaman ni Aileen ang mga ginagawa nila. Hindi niya alam kung papaano. Siguro, dahil alumna nila ito. O baka nalaman sa nagsialis na mga empleyado. Masyado kasi itong ma-PR. O baka sa matatandang faculty.

Noong Lunes nga nang alas-otso ng umaga, pagkadating na pagkadating niya, kinausap siya nito. Parang hinintay talaga siya. At iniabot sa kanya ang resignation letter.

“Sa’n ako hahanap ng kapalit mo? Alam mo bang breach of contract ‘to? P’wede ka naming idemanda?”

“Sige lang Ma’am, idemanda n’yo! Go!” nanlilisik ang mga mata nito, lalong nagmukhang mataray dahil sa kapal ng eyeliner.

Beynte-dos anyos lang ito. Dalawang taon pa lang na graduate. At noon pa mang estudyante niya ito at si Melvin, kilala na ito sa pagiging mataray at palaban.

“Galit ka ba? “ napasandal na siya sa swivel chair niya. “Ba’t ganyan mo ‘ko kausapin?”

“Alam mo, Ma’am,” kitang-kita niya ang galit sa titig nito, “si Melvin, may sakit ang nanay n’on! Hanggang ngayon, di pa n’ya nababayaran ‘yong inutang na pampaopera sa nanay n’ya. Tapos, ibinulsa mo pa?”

Hindi niya nakikita ang itsura niya, pero alam niya, namutla siya. Lumakas ang kabog sa dibdib niya at natuyuan siya ng laway.

Padabog na isinara ni Aileen ang pinto nang lumabas ito. At noong umagang iyon din, naghakot na ito ng mga gamit.

Humigop siya ng kape. Ewan, pero palagay niya, makatutulong ito para hindi niya mapanaginipan si Aileen.

Pero binubulungan pa rin siya ng mataray nitong boses. “Marunong ka lang mahiya, tao ka na.”

Miyerkules, Oktubre 2, 2013

Pareng Boy


“Tangina mo naman kasi e!” sigaw ng siyam na taong si Joshua.

“Di ba sabi ko sa’yo, ‘wag nagmumura?” nakangiti ang Pareng Boy niya, nakaupo sa bangkito, nahinto sa pagkukusot ng school uniform. Mataba ito, maliit at maputing-maputi. Mas akmang sabihing maputla. Parang pinggan ang mukha. Bilog na bilog. “Gusto mo bang mapunta sa imp’yerno?”

“E ano! Gago ka pala e! Masarap nga ro’n sa imp’yerno e!”

Kumakabog ang dibdib ni Vangie habang nakasilip sa bintana. Papaano nasisikmura ng kumpare niya ang murahin ng anak? At nakangiti pa at napakakalmado. Parang masaya pa.

Dalawang lalaki ang anak nito. Walong taon ang pangalawa, si Joseph. Parang kambal ang mga ito, magkamukhang-magkamukha. Pati sa ugali. Napakalutong magmura. Anong daling magsabi ng “gago” at “tangina.”

Sa Mareng Anna niya, hindi uubra ang ganoon. Noong isang hapon nga, hinabol nito ng hanger hanggang sa kalsada ang dalawang bata. Inabutan. Umuwing ngumangalngal ang dalawa.

Kangina, lumapit ang Mareng Anna niya, may dalang hanger. Pero hinawakan ito sa kamay ni Boy, pinapapasok.

Naalaala niya noong bata pa ang mga anak niya. Pinaluluhod pa niya sa munggo ang mga ito, o kaya, hinahila ang patilya. Minsan, naiisip niyang baka masyadong marahas ang mga nagawa niya, pero pag nakikita niya ang pagpapamihasa ni Bong, nawawala ang guilt niya. Atleast, lumaking matitino ang mga anak niya. May nagagawa mang mali, kahit kailan, hindi siya minura ni napagsalitaan ng mga ito. Kahit ngayong mga binata na.

Biglang inabot ni Boy ang anak, pero nakatakbo agad ito.

“O, ano? Habol!” idinipa pa ni Joshua ang mga kamay. “Habol!”

“Papasukin mo na sabi rito ‘yan e!” boses iyon ng Mareng Anna niya. Hiyang-hiya na siguro.

Anim na apartment sila sa compound na iyon, at lahat silang magulang, kinikilabutan sa kabastusan ng dalawang bata. Pero hindi sila sa mga ito naiinis, kundi sa Pareng Boy niya. Siguro, kung ito ang may trabaho, at hindi ang Mareng Anna niya, siguro, mas nadisiplina ang dalawang bata.

“Gusto mo bang mainis pa ako sa’yo?” nakaupo pa rin si Boy. At nakangiti pa rin.

Lumayo siya sa bintana. Kumukulo ang dugo niya sa mga ngiti nito. Ayaw niya sa gayong mga tao, masyadong mayabang. Dinaraan sa pagiging simple ang mga bagay, gustong patunayan na kaya iyong lutasin ng pagkamahinahon nila, kahit hindi naman talaga. Napansin niya, madalas ang gayon sa mga lalaki.

“Baka dumating ang araw, kung ano na’ng gawin sa kanila ng mga ‘yan,” sabi ng asawa niya nang umagang ikuwento niya rito na ayaw pasabayin ni Joseph sa hapunan ang papa nila dahil sinaway sila.

Lalo niyang naramdaman ang bigat ng pagiging magulang.


Kinabukasan, nagbayad sa kanya ng utang ang Mareng Marie niya.

“Nakita mo ba ‘yong ginawa kahapon ni Joshua?” tanong niya.

“Me bago pa ba? Di ka pa nasanay.”

Natahimik siya. Pakiramdam niya, napahiya siya.

“Pero, Mards, di ko kinaya ‘yong kagabi a.”

Kumunot ang noo niya.

“Sinundo ni Boy ‘yong dalawa sa laruan, ayaw magsiuwi e kakain na sila. Ay, grabe, Mards. Kitang-kita ko kasi bumibili ako ng bigas. Dinuraan s’ya ni Joseph sa mukha!”

Napalunok siya ng laway. Di niya alam ang isasagot niya.