Huwebes, Hulyo 11, 2013

Sa Klase


ipinaliwanag mo ang tema
esensiya
teorya

nagbigay ka ng mga halimbawa
nagmuwestra
nagpatawa

habang nakatusok ka
sa kanilang mga mata

pagkatapos
lumabas ka ng kuwarto

bilang ibang tao

Miyerkules, Hulyo 10, 2013

Billboard


kalansay na halimaw
ang mga bakal
na nilislisan
ng damit na billboard
malalaki
matatayog

pagkatapos ng ulan
muli silang tatakpan
ng kanilang balat

tatakpan
maging ang alapaap

Linggo, Hulyo 7, 2013

Bintana


Nang hipan mo ang puwing
sa kaliwa kong mata,
hindi mo ba nabasa
ang pangalan mo
sa aking kaluluwa?

Mga Magnanakaw


Nang maikandado ko ang pinto
at maisara ang mga bintana,
pinatay mo ang ilaw
isinubo tayo ng dilim
at naging kita na lamang
ang tao sa daigdig.

Retrato*


Di ko na kailangang
magkalkal sa tokador
ng mga retrato mo,
nakapagtabi ako
ng pinakamagaganda mong ngiti
sa inibig kong mga sandali.


*Para kay Tatay.

Sabado, Hulyo 6, 2013

Multo


Darating ang araw
na magkakaanyo
ang pangarap na tinanaw na lamang
tiningala
pinabayaan
magkakaroon ng kamay
paa, dibdib, tiyan, ulo
magiging isang multo
bibisitahin ka sa panaginip
kung nasa tabi ng bintana ng bus
kung nag-iisa
kung nag-iisip.
Lagi kang susundan
hindi tatantanan.
‘Wag magugulat sa makikita
matalim ang kanyang mga titig
nakapupunit
at para kang
nakaharap sa salamin.

Biyernes, Hulyo 5, 2013

Hilik


Hindi maituring
na sakit ng tainga
ang hilik
ng mga kapatid
ng nag-iintinding ina
ng hapung-hapong ama.

Hindi maituring
na sakit ng tainga
kundi
banayad na musika.

Marahil, ‘pagkat dito nadarama
ng kaluluwa
ang kapayapaan
at pahinga.