Martes, Mayo 1, 2012

Pagnanasa



nag-aabang p lang aqng jip, mommy— text ni Eric kay Nicole.

Malinaw na malinaw ang EDSA at ang nagdadaanang mga sasakyan, dahil sa tindi ng sikat ng araw.  Walang pila ang mga pasahero sa Muñoz, pero nagkaroon ng pila dahil sa sobrang init— nagsipagtago sila sa anino ng poste ng kuryente ng Meralco.

Nag-vibrate uli ang iphone 4s niya. Dinukot niya ito sa bulsa ng pantalon niyang Bench.

ok,ingt..antayin kta here, daddy..uhmwuahh— si Nicole.

Napangiti si Eric. Nag-reply siya— ok, loveyou

Maganda si Nicole, mukhang mataray, makitid ang baywang at maganda ang balakang. Maputi at laging malinis ang mga kuko, pantasya ng mga kapwa niya BSHRM. Pero hindi niya talaga ito mahal. Mga tatlong beses na lang, at pagkatapos nito, hihiwalayan na niya talaga ito. Hahanap na siya ng bago.

May paparating nang dyip, may palakard na MCU-Monumento. Inilagay niya sa kaliwang bulsa ang iphone 4s niya. At sinalubong niya at ng ilang pasahero na kanina e nagsisipagtago sa anino ng poste ng kuryente ang paparating na dyip.

Sa tabi ng tsuper siya naupo.

Doon siya sa lagi nauupo, dahil kung sakaling ma-holdap sila, madali siyang makabababa. Saka sa pagkakaalam din niya, di naman idinaramay ng mga holdaper ang mga nasa unahan. Sa sobrang kaba kasi nila, bumababa na rin sila agad. Gaya na lang noong ma-holdap sila noon sa tulay ng Nagtahan, noong papunta silang Divisoria, galing SM Sta. Mesa, hindi naman nakuha ng holdaper ang wallet at cell phone ng kaklase niyang sa unahan nakaupo.

“Excuse lang,” isang babae ang tumabi sa kanya— makinis ito, brown ang mga mata, blond ang buhok, maganda ang mga boobs, at parang ang sarap dilaan ng leeg.

Umusod siya nang konti. Ramdam niyang bumilis ang tibok sa dibdib niya, na pinagpapawisan niya, at nagsikip ang brief niyang Bench.

“Dadaan ba ‘tong em si yu?” tanong nito sa kanya.

Tumango siya, saka ninakawan ito ng sulyap. Grabe, ang ganda talaga nito. Parang gusto na niya itong halikan, yakapin, ihiga. Sa MCU pa ito bababa, malayo-layo pa. Matagal-tagal pa niya itong matititigan, mapagnanasaan.

Tumatakbo na ang dyip, at panay ang tingin niya sa babae. Maganda si Nicole, pero grabe talaga, mas maganda ito.

Humito ang dyip sa Oliveros. May ilang bumaba, at nagulat siya, bumaba na rin ang babae.

Napapalatak siya. Sinundan lang niya ito ng tanaw.

Sa pagkakatalikod ng babae, naalaala niya si Nicole. Kanina pa ito naghihintay sa kanya, bago magbago na ang isip nito. Mahirap na. Pilitan na naman. Dinukot niya ang iphone 4s niya sa kaliwang bulsa niya, pero wala siyang nadukot. Tiningnan niya sa kanan, pero wala rin. Pati sa mga back pocket niya, wala.

At nawala na naman sa isip niya si Nicole.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento