Linggo, Mayo 6, 2012

Si Konduktor at si Drayber


“Paano ba maging successful, Pa?” ngayon lang nakapagsalita si Bill, kahit kanina pa sa harap ng papa niya— hindi na niya napigilang itanong iyon, dahil bukam-bibig iyon ni Ma’m Antonio, titser nila sa Values— “Class, kailangan, successful ang tao.”

Huminto sa paghahalo ng kape si Papa niya, binitiwan ang kutsarita. Alas-tres ng hapon, kainitan, pero nagkakape ito. “Nakikita mo ‘yong mga bus na galing Cubao?”

“Papunta rito sa Malinta Exit?”

Tumango si Papa niya. “Oo. Di ba nasakay tayo ro’n no’ng Biyernes, no’ng sinundo natin mama mo?”

Kunot ang noong tumango si Bill.

“Punuan di ba? Ganito ‘yan,” humigop saglit ng kape si Papa niya. “May isang bus na laging maganda ang biyahe, kumpara sa ibang bus. Pag me sasakay o bababa, kinakatok agad ni Konduktor ‘yong bakal, hinto agad si Drayber. Pag punuang-punuan na, tapos malapit na silang sumuba sa enleks, at marami pang hindi nakakabayad, hirap na n’yan si Konduktor. Kasi andami pang sisingilin. Di rin naman s’ya makapagmadaling mabuti, kasi masikip. Ang gagawin ni Drayber, tutulungan s’ya. Babagalan ang takbo. S’yempre dodoblehin ni Konduktor ‘yong bilis, kasi nahihirapan din si Drayber. Enleks ‘yon, tapos magmamabagal ka? Mahirap din sa drayber ‘yon.”

Tumango-tango si Bill. Pero hindi niya makuha ang kinalaman ng kuwento sa tanong niya.

“Pag nasingil na lahat, kakatukin uli ni Konduktor ‘yong bakal na hawakan. Bibira na si Drayber.”

Tumango-tango uli si Bill, hindi pa rin niya makuha ang kuwento.

“Nakakarating sila nang mabuti sa Malinta Exit. Araw-araw ‘yon. Nagtutulungan kasi sila. Kilala nila ang isat isa.”

Kumunot ang noo ni Bill. Tapos na ang kuwento?

“Nga pala, Bill, ang pangalan ng konduktor ay Isip, at ‘yong drayber naman ay si Puso.”


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento