Miyerkules, Mayo 2, 2012

Karayom ng Bubuyog



Ito ang pinakaipinagmamalaki naming bahagi
ng aming pagkabubuyog;
kinaiinggitan ng mga langgam at tipaklong
ng mga paru-paro, langaw at lamok;
panipsip ng nektar ng mga bulaklak;
panghasik ng lahi ng bogambilya
sampagita, santan at gumamela;
panimpla ng napakatamis na pulot
na nakikipagbuno sa dini-diyos na panahon.

At higit, panlaban sa sinumang lapastangang
wawasak sa minamahal naming tahanan;
papaslang sa mga mahal sa buhay;
sisira sa lahat naming pinaghirapan.
Buong kasiyaha’t galit namin itong ibabaon sa kanya
iiwan ang antipoxin
pantawag-pansin sa aming mga kapatid
maski kapalit nito ay pagpanaw.
At hindi namin ito pagsisisihan
kahit sa ikalawang buhay
sapagkat mas mamatamisin naming mamatay
nang umiindak ang mga pakpak
para sa pamilyang handa kaming ipaglaban
kaysa tumakas
at magkubli sa mababangong rosas.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento