Nakaupo si Migs sa monoblock sa terrace nila, nakataas ang kanang paa,
naninigarilyo. Nilalaro-laro ng kaliwang kamay ang posporo. Mas nasasarapan
siya sa sigarilyo pag posporo ang pansindi.
Medyo madilim na. Nag-uuwian na ang mga estudyante sa
hayskul, at panay na ang daan ng mga traysikel.
Nagbuga si Migs ng usok ng sigarilyo. Iniisip niya si Gina,
limang buwan niyang girlfriend. Isang linggo pa lang silang break, pero hindi
na ito nagpaparamdam sa kanya. Nakipaghiwalay ito sa kanya dahil sa pagiging
chain smoker niya. Tingin niya, nandidiri na ito sa kanya, sa hininga niya, sa
mga halik niya. Sabi pa nito, kada stick ng sigarilyo na nauubos niya, limang
minuto ang nababawas sa buhay niya. Sabi niya, pipigilan niya ang sarili niya,
huwag lang siya nitong iwan. Pero inunahan na siya ni Gina. “Hindi mo kaya,”
sabi nito. At nakipaghiwalay na nga ito.
Pinitik ni Migs ang sigarilyo. Sa dilim, parang nanlilisik
na mata ang baga niyon. Tapos, ibinuga niya sa hangin ang usok. Hanapin mo
siya, sabi niya sa usok, sabihin mo, bumalik lang siya, ihihinto ko talaga ito,
pipilitin ko, kahit gaano pa kahirap. Tapos, napangiti na lang siya,
naisip niya, mukha na siyang tanga, kung ano-ano na’ng naiisip niya.
Unti-unting tumaas ang usok, humito saglit, saka tinitigan
si Migs. Narinig niya ang sinabi ni Migs, at naaawa siya rito. Nagtanong siya
sa mga ulap, kung nasaan si Gina.
“Hayun,” sabi ng isa.
Bumaba siya. Nakita niya itong palabas ng motel, nakayakap
sa braso ng isang lalaki.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento