Sa tapat ng nakasarang tindahan
nagbubulungan ang mga kuliglig sa pagitan ng bato
habang nakasandig sa aking balikat ang iyong ulo.
“Ga’no mo ‘ko kamahal?”
humalo sa hangin ang iyong tinig
at humina ang awitan ng mga kuliglig.
Tumingala ako sa kalawakan
maiitim ang ulap.
“Ang pag-ibig ko sa’yo’y parang ulan
hahalik sa lupa, mababasag
sasapi sa dagat, hahatakin ng araw
muling magiging ulap
muling magiging ulan
susundin ang batas ng kawalang hanggan.”
Ngumiti ka, nilapatan ako ng halik
at naging orkestra ang awitan ng mga kuliglig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento