Huwebes, Mayo 3, 2012

Lexy



Nakipag-unahan si Philip sa pagsakay sa LRT, kahit wala namang masyadong pasahero, dahil sa Roosevelt station siya sumakay. Naupo siya sa tabi ng kabilang pinto.

Pupuntahan niya sa Makati si Lexy. May itatanong siya. Importanteng-importante.

Walong buwan niyang katrabaho sa Mags Tile Company si Lexy, at naging totoo silang magkaibigan. Sa inventory sila parehas, sabay nanananghalian ng baon nilang ulam pag ala-una na ng tanghali, at sabay nag-a-out pag alas-siyete na ng gabi.

Bagay raw silang magkasama ni Lexy, sabi ng mga katrabaho nila— payat siya, na may kaputian, at matabang maitim naman si Lexy.

Parehas silang nakaisang semestre lang sa kolehiyo, dahil sa kahirapan. Pero magkaiba sila sa maraming bagay. Alam niyang di hamak na mas ito matalino kaysa sa kanya. Magaling ito sa physics, sa geometry, at magaling sa English. Hindi lang talaga nakatapos.

Pero magkasundong-sundo sila sa isang bagay— parehas silang inis na inis sa lipunan—lagi na lang kawawa ang mga mahihirap; lagi na lang nagtataas ang lahat, ang gasolina, bigas, kuryente, pamasahe; lagi na lang may korapsiyong uukilkilin, pero makakalimutan din. Pero pinakaiinisan nilang dalawa ay ang masyadong pag-asa ng Pilipinas sa Amerika. At ito namang mga Pilipinong ito, asang-asa na mabait ang Amerika.

“Approaching, Balintawak station,” sabi ng driver ng LRT panglalaking-panglalaki ang boses nito.

Bumukas ang pinto. Walang bumaba, pero may ilang sumakay.

“Ang hirap kasi sa mga tagadito, masyado kung umasa sa Amerika. Ayaw magsipag-analyze. Di kaya nila naiisip na ginagamit lang naman tayo ng states,” naalaala niyang sabi ni Lexy noong kumakain sila.

“Mga uto-uto e,” nginuya niya ang buntot ng dalagang-bukid. Malutong ito.

“Ganyan talaga pag di marunong mag-analyze!” nakita ni Philip ang pagtalsik ng kanin sa braso ni Lexy, pero tuloy pa rin ito sa pagsasalita.

“Inis na inis ka talaga sa kanila a,” natawa siya— tinanggal niya ang tinik ng isda sa bibig niya. “Mas inis ka pa sa’kin,” ang ibig niyang sabihin ay dapat mas mainis siya, dahil di hamak na mas mahirap sila.

“Naman!” nakita niya sa bibig nito ang nginunguyang sardinas.

Nagtawanan sila.

“Monumento station na po. Monumento station.”

Marami nang pasahero sa Monumento. At halatang magtutulakan ang mga ito, pagkabukas na pagkabukas ng pinto.

Dinukot niya ang tiket ng LRT sa bulsa niya. At mukha ni Lexy ang nakita niya. Ilang istasyon pa. Ilang istasyon pa bago ang call center na pinagtatrabahuhan niya.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento