Miyerkules, Mayo 2, 2012

Katapatan ng Aso


Sa lahat ng kilala kong nilalang
siya ang pinakamatapat
isa sa pinakakapaki-pakinabang
at pinakamatapang.

Babala ang buong-buo niyang mga kahol
sa pagdating ng isang kaaway o bisita
o sa pagpasok ng isang nakabibiglang pangyayari
pagbagsak ng buko sa bubong halimbawa
o pagtalon sa mesa ng malaking pusa.
Kung pinasok kayo ng magnanakaw
buong tapang magliligtas
at mag-aalay ng buhay.

Nakakikilala siya hindi lang ng panginoon
kundi maging ng dusa at saya
didilaan ka’t lalambingin
kung tinatakasan na ng pag-asa.

Kaya talagang panalo ka sa kanyang katapatan
na sinusuklian mo lang naman
ng paghimas sa kanyang ulo
ng pag-aalis ng garapata
ng malambing na pagsambit sa kanyang ngalan
ng kaning-lamig, tirang sabaw, mga pinagsimian.

Meron din daw siyang napakatalas na pandama
na hindi pa yata nahahalata ang iyong plano
na bukas-makalawa
gagawin mo siyang pulutang adobo
sukli sa buong katapatan niyang paglilingkod
sa itinuring niyang paraiso.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento