Martes, Mayo 8, 2012

ATM


Madilim na, aligaga na naman ang mga sasakyan, at nagmamadali na naman ang mga paa.

Mag-isang nakapila si Yasmin sa ATM, nasa labas siya, hinihintay matapos ang tao sa loob ng booth. Kanina pa ito roon, pasok-alis ng card, tingin sa resibo, bilang ng pera, tapos withdraw na naman. Bakit ba hindi pa niya pag-isahin? Anong oras na? Naiinis na si Yasmin. Naiihi na talaga siya.

Nag-vibrate ang cell phone niya— Mame: papunta n kmi jn, sunduin u namen

Pagkalabas ng lalaki, nakahinga siya nang maluwag. Sinundan niya ito ng tingin hanggang makasakay sa motor. Mabangga ka sana, sa isip-isip niya.

Naka-withdraw na’t lahat si Yasmin, nakapag-CR na sa may kalayuan ding Jollibee, pero wala pa rin sina Mame’t Dade niya.

Nag-vibrate ang cell phone niya, Auntie niya.

“Hello?”

“Hello Yas. Naaksidente sina Mame mo. Nasalpok ng trak ‘yong taksi n’yo. Dito kami ngayon sa Chinese.”

Napaluha siya, at nasilaw siya sa ilaw ng paparating na motor.
  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento