Miyerkules, Mayo 16, 2012

Itsura


Pagkababa ni Anette sa Cubao, napansin agad niya ang isang babaeng naglalakad sa tapat ng Mercury Drug— baligtad ang nguso, luwa ang malalaking mata. Pinigil niyang matawa. Pero natatawa talaga siya, kaya nagtakip na lang siya ng panyo. Buti na lang, hindi siya naging ganoon kapanget, sa isip-isip niya. Napakarami talagang panget sa mundo.

Mag-aalas-diyes na nang dumating siya sa kanila. Kabilugan pala ng buwan, napansin niya pagbaba niya ng dyip. Maghahatinggabi na nang makatulog siya.

Nanganak siya, iniabot sa kanya ng nars ang bata, at kinilabutan siya— walang mukha ang anak niya!

Napabalikwas siya. Nakita niya ang nakakumot na dilim. Buti naman at panaginip lang. Hinihingal siya, pawis na pawis.  Nanlalata siya. Tumayo siya, saka pinindot ang switch sa tabi ng bintana. Lumiwanag ang paligid, at nakita niya ang itsura niya sa salamin ng tokador— may mga mata, pero walang mukha.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento