Huwebes, Mayo 3, 2012

Minsan, Gusto Kitang Subukin



Minsan, gusto ko ring subukang huwag sambitin
ang salitang “sorry” o “paumanhin”
huwag itungo ang ulo, at huwag pataghuyin ang tinig
gaya ng tubig sa batis
at pakapanghawakan ang biyaya
ng pagiging nilalang na pinagmulan mo
para mapatunayan ang lalim ng sinasabi mong “pag-ibig”
malaman kung sulit ba
ang mga luhang binayaang mabasag sa sahig
ang sanlibo’t dalawang karayom na binayaang tumusok sa dibdib
ang mga isyu sa pagkalalaking binayaang tumubo’t mamulaklak sa isip.

Madalas tayong magtabi nang walang imikan
kinakapa sa isip at sa sulok ng mga mata
ang naiisip, nadarama ng isa’t isa.
Madalas ka ring humingi sa akin ng espasyo
para makilala mo ‘ka mo ang iyong sarili
at natutukso akong tuparin ang iyong hiling.
Wika nga ng awiting Heaven Knows,
“Paulit-ulit na sinasabi sa aking ng mga kaibigan ko,
na kung talagang mahal ko siya
dapat ko siyang palayain
at pag bumalik siya sa takdang panahon,
alam kong akin nga siya.”

Ngunit paumanhin, paumanhin
mas mahalaga sa akin ang katiyakan
kaysa sa katotohanan at sa mga tugon sa palaisipan.
Kaya anuman ang mangyari, dito ka lang
sa aking tabi.

Dito ka lang sa aking tabi.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento