Oktubre 5, Martes
Pakanta-kantang pumasok ng faculty room si Michael, “A-I
love you like a love song baby, a-I love you like a love song baby,” habang
ikinekembot-kembot ang malaking puwet.
“Maka-Selena Gomez ka naman, bakla,” si Arlyn, biology
teacher.
“Naman!” ginaya niya ang boses ni Eugene
Domingo sa “Kimmy Dora.”
Araw ng mga Guro ngayon, at sabik na siya sa matatanggap
niyang mga regalo. Siya yata ang nakakuha ng “Best in Student’s Evaluation
Award” noong nakaraang linggo, para sa evaluation sa kanila noong nakaraang
dalawang semestre.
Hindi siya nagtuturo. Hindi rin niya tsinitsekan ang exam
ng mga estudyante. Nanghuhula lang siya ng grades. Madalas din siyang absent, dahil
call center din siya sa Makati. Pero pag kailangan na nilang ipakita sa mga
estudyante ang prelim, o midterm, o prefinals grades nila, tuwang-tuwa sa kanya
ang mga estudyante, dahil may nakaka-96, 97, 98, at 99. Planado niya ito, para
hindi siya makuwestiyon, at para mataas ang resulta ng evaluation sa kanya—
para nandito pa siya sa susunod na taon.
“Grade lang naman gusto ng mga ‘yan. Kunwari lang na
gustong matuto,” sa isip-isip niya habang nagpupulbo siya sa harap ng malaking
salamin sa locker niya.
Masaya siya buong araw, hanggang gumabi na, at maraming
nang natanggap na regalo ang mga coteacher niya, pero siya, wala pa ni isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento