Martes, Mayo 1, 2012

Mula sa Hanay ng mga Pulang Langgam


Minasdan ko kangina ang hanay
ng mga pulang langgam
parang duhat ang ulo nila, bignay ang buntot
pilik-mata ang mga paa.

Gumagapang sila sa sahig
sumasampa sa bangkay ng sunog na posporo
sumusuot sa ilalim ng tubo ng tubig
saka aakyat sa di na-platadang dingding
tangay ang ilang mumo
at piraso ng karne ng napatay kong tutubi.

Nagsasalu-salubong sila sa daan
malaki, maliit, katamtaman
nagsasagian ang mga katawan.
Pero alam ko, hindi sila nagbubulungan, ni nagbabatian
hindi nagbibeso-beso o naghahalikan
inaalam lang nila ang tamang ruta
papunta sa itinayong tahanan.

Nainggit ako sa kanila, sa unang pagkakataon
hindi dahil sa napapasan nilang
sampung ulit ang bigat kaysa kanila
kundi dahil alam kong
nag-uusap-usap tayo sa daan
nagbabatian, nagkukumustahan
ngunit hindi natin itinuturo sa isa’t isa
ang lagusan papunta sa kaginhawaan.

At di gaya nila, hindi natin sinasagupa 
ang malalaki ang katawan
dahil nakikilala nating ito’y
pagyakap sa kapahamakan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento