Huwebes, Mayo 31, 2012

Kalikasan


Nauhaw ako sa bakasyon
at inibig ko ang kalikasan ng nayon
ang mabangong amihan, himig ng mga kuliglig
ang ingit ng kawayan, mabituing langit
ang bulungan ng mga mangga, pagkumpas ng mga akasya
ang malungkot na dapithapon, koro ng mga maya.
Ngunit isang linggo pa lang ako sa Nueva Ecija
inip na inip na ako’t hinanap-hanap ko na
ang kalikasan ng Valenzuela.

Nasayahan ako sa siyudad
at muli kong inibig ang mga pabrika
ang maingay na kalsada, ang usok sa mga tsimineya
ang gusaling mga billboard, ang gabing umaga
ang murahan ng mga tambay sa bilyara’t basketbolan
ang naka-motor na mga Bumbay, ang mga tsismosa sa tindahan.
Ngunit isang linggo pa lang ako sa Valenzuela
nangungulila na ako sa kalikasan ng Nueva Ecija.

At bigla kong naisip, ito ang kalikasan natin
at hinding-hindi ko ito kayang ibigin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento